Magkaiba ang relihiyon namin ni hubby nang magsimula ang aming relasyon, 14 taon na ang nakararaan. At sa kinalakihan kong relihiyon, bawal makipagrelasyon sa hindi kapatid sa pananampalataya.
At kapag nakipag-jowa ka sa hindi kagaya nila ng relihiyon, matitiwalag ka. May jowa ka nga, hindi ka naman makakapagsamba (simba) dahil inalis ka na nila. Pero kakausapin ka naman. Papayuhan. At kapag talagang hindi ka na nila “maililigtas” pa, doon na sila magdedesisyong itiwalag ka.
Ganoon kahigpit.
Pero siyempre, hindi naman napipigil ang puso. Hindi natuturuan kung kanino ito dapat tumibok. Linawin ko lang, ni minsan, hindi ako pinilit ni hubby na maniwala sa kanyang pinaniniwalaan. ‘Yun nga lang, kapag nagkukuwento siya tungkol kay Hesus, parang katropa niya lang. Close sila. Magkakilalang-magkakilala.
Dahil na rin sa pag-ibig, naging Christian ako. Hindi naging madali ang desisyong iyon. Noong una, si hubby ang kinukunsinti kong umanib o sumama sa relihiyong kinalakihan ko. Sinubukan niya naman. Pinagbigyan ako. ‘Yun nga lang, maginaw daw sa sambahan namin. Sinipon siya.
Pero dumating din ‘yung pagkakataong ako na mismo ang umayaw. Sabihin na nating nagising na rin ako sa matagal kong pagkakahimbing. Sa paglawak ng mundong ginagalawan ko bilang mamamahayag at editor, kasabay rin nito ang pagkamulat ng mata ko’t isipan. Bigla kong nabanaagan ang noon ay hindi ko naman napapansin. Naalisan ng piring ang mga mata ko.
Pero bago ko pa man tinalikuran ang dating relihiyon, okay kami ni hubby. Hindi naging hadlang ang relihiyon sa pag-iibigan namin. Ang namroblema pa nga ay ‘yung mga taong hindi naman namin kaano-ano.
May nag-message pa nga sa akin dati. Itinaon talaga na birthday ko. Sabi sa message, magbalik-loob na daw ako para maligtas. Malapit na daw ang paghuhukom. At maliligtas lang daw ako kapag bumalik ako sa dati kong relihiyon.
Pak ‘di ba!
Hindi ko na lang pinansin. Binura ko ‘yung message. Saka hindi ko naman siya kilala ng personal. Napangasawa niya lang ‘yung kakilala ko. At ayon nga, nanghimasok sa buhay nang may buhay. Wala na silang magagawa. Kristiyano na ako.
Bigla ko lang naalala ang mga pangyayaring ito nang mapanood ko ang “Mango Dreams.”
Matingkad kasi ang dating sa akin ng pagkakasundo o pagiging magkaibigan ng dalawang magkaiba ang pinaniniwalaan—isang doctor na Hindu at rickshaw driver na Muslim. Bukod sa magkaiba na sila ng relihiyon, magkaiba rin ang estado nila sa buhay.
Mango Dreams
Kung titingnan natin, simple lang ang istorya ng “Mango Dreams.” Isang matandang doctor, si Amit (Ram Gopal Bajaj) na malapit nang dapuan ng dementia. At bago sakupin ang kanyang buong pagkatao ng naturang sakit, gusto niyang balikan ang lugar ng kanyang kabataan. At sa paglalakbay niya, makakasama niya ang auto-rickshaw driver na Muslim, si Salim (Pankaj Tripathi).
Journey ng buhay, iyon ‘yung ipapakita sa iyo sa palabas. Pero hindi lamang magaganda ang mapapanood mo kundi maging ang pangit na anyo ng buhay at lipunan.
Habang naglalakbay ay unti-unting nalalantad ang katotohanan. Ang bumabagabag sa puso’t isipan ni Dr. Amit. Ang pagkakapatay ng pamilya nito dahil sa partition. Gayundin ang pag-rape at pagpatay sa asawa ni Salim.
Maraming ipinasilip sa akin ang palabas. Una, hindi mo puwedeng talikuran ang nakaraan. Hindi mo puwedeng takbuhan. Kailangang harapin. Dahil ang nakaraan—maganda man o pangit—ay bahagi ng paglalakbay natin sa buhay. At sa pagbabalik natin sa nakaraan ay maraming aral itong ipaaalala sa atin.
Ikalawa, hindi dapat sisihin ang relihiyon sa kamaliang ginagawa ng tao. Dahil ayon pa nga kay Dr. Amit, walang relihiyon ang sumasang-ayon sa paggawa ng masama. Politika, iyan ang may kagagawan ng lahat ng mga hindi makatarungan at ‘di katanggap-tanggap na nangyayari ngayon sa bansa.
Ikatlo, bawat isa sa atin ay may iba’t ibang paniniwala. At kailangan natin iyong irespeto at pahalagahan. Iyan ang essence ng demokrasya.
At kahit saan din, puwede nating ipakita ang ating pananampalataya. Kagaya ng ginagawa ni Salim. Na kahit na nasa kalye siya, kung oras na ng pagdarasal ay hindi siya nagdadalawang isip na gawin iyon.
Ikaapat, iba-iba ang daang tinatahak natin sa buhay. At sa bawat daang ating pipiliin o tatahakin, siguraduhing kaya natin itong panindigan. Kaya nating ipaglaban.
Panghuli, magkaiba man ang paniniwala ng dalawang tao ay maaari pa rin itong maging magkaibigan. Kagaya ng nangyari kay Dr. Amit na isang Hindu at sa Muslim auto-rickshaw driver na si Salim. Hindi naging hadlang sa kanila ang diversity.
Dalawang daan ang ipinakita sa palabas: mahaba at may sandamakmak na prosesong kailangang pagdaanan, at ang maikli ngunit imposible namang malampasan.
Bilang officer o nanunungkulan sa lipunan, hindi lamang tungkulin ang dapat nating pahalagahan, kundi pati damdamin. Mayroon ka rin dapat puso para sa mga simpleng mamamayan kagaya na lang ni Dr. Amit.
Napagtagumpayan ni Dr. Amit ang kanyang pagtatangkang magbalik sa lugar ng kanyang kapanganakan. Isang sorpresa rin ang bumungad sa kanya—ang kanyang kapatid na inakala niyang patay na, si Abhay (Naseeruddin Shah).
Sa pagkikita rin nila ng kapatid na si Abhay, nawala ang guilt na kanyang nararamdaman. Napalaya niya ang sarili sa nakaraan.
Nagsimula ang kuwento sa magkapatid na sina Amit at Abhay. Sa puno ng manga. At sa kanila rin ito nagtapos. Sa lupang kanilang kinalakihan.
Lahat ng bagay ay may presyo, ayon pa nga sa palabas. Kaya hindi libre ang paggawa ng masama. Darating din ang araw na pagbabayaran din ito ng maysala.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments