“Sa tuktok ng tangke, natatakasan ko ang kahirapan. Ang diskriminasyon sa pagiging maliliit. Dahil nasa itaas na ako. Mataas na ako.” –Ferdinand Pisigan Jarin
Kahirapan. Diskriminasyon. Ilan lamang iyan sa mga pinagdaraanan ng marami sa atin. Diskriminasyon na ang kahulugan ayon pa nga sa diksiyonaryo.ph ay pakikitúngo nang hindi maganda batay sa hindi matuwid na palagay ukol sa lahi, kulay, edad, at kasarian ng isang tao.
Noon at Ngayon
Ibang-iba na nga naman ang panahon ngayon sa panahon noon. Tandang-tanda ko pa na noong nasa elementarya ako, dalawa kami ng kapatid kong pinaluhod ng papa ko dahil inabot kami ng alas-sais ng hapon sa school kalalaro ng Chinese garter at habulan. Hanggang alas-kuwatro lang ng hapon ang klase namin.
Pinasundo pa kami noon ng papa ko para lang umuwi. Wiling-wili naman kasi kami sa kalalaro.
“Parang hindi kayo babae,” bulyaw pa noon ng papa ko. Galit na galit siya dahil bukod sa marusing ang mga itsura namin, may punit din ang uniform. At dahil doon, pinaluhod kami.
Masakit siyempre ang paluhurin sa sahig na tabla. Buti na nga lang, hindi nilagyan ni Papa ng asin o munggo. Kundi kawawa ang tuhod namin.
At dahil alam din ng papa ko na matitigas talaga ang ulo ng kanyang mga anak na babae, may bantay kami habang pinarurusahan ang aming mga tuhod. Para nga naman hindi kami tumayo. At habang nagrereklamo, patagal din nang patagal ang pagkiskis ng tuhod namin sa tabla.
Pero masaya ang maglaro sa labas sabihin mang nanggigitata ka na sa pawis at dumi. Walang kasinsaya ang makipaghabulan sa mga kalaro. Makipaghalakhakan at sigawan. O kung minsan, makipag-away kapag natatalo o nadadaya.
Hindi kagaya ngayon na mas tutok ang mga bata, kahit na ang anak ko sa tablet at cellphone. Sabagay, bawal nga rin naman ang lumabas. Pandemic pa rin. Ang saklap lang kasi wala pa rin tayong nababanaagang kaliwanagan sa kinahaharap natin ngayon.
Isa pang hindi ko makalilimutang karanasan ay kapag nagkakasakit kami. Imbes na malungkot kapag nagkakalagnat, saya ang sumasayaw-sayaw hindi lamang sa aming pisngi kundi maging sa puso.
Makatitikim nga naman kami ng Skyflakes at Mirinda. Nakalagay pa sa plastik ang Mirinda na may straw. Unti-unti kong sisipsipin ang straw para mainom ang kinatatakaman ng panlasa.
At sa tuwing masasayaran nito ang lalamunan ko’t sikmura, gumagaling kaagad ako. Hindi ko alam kung anong milagro ang nangyayari. Basta walang palya, kinabukasan matapos akong makakain ng Skyflakes at makainom ng Mirinda, nawawala na ang lagnat ko.
Kumbaga, naging gamot namin noong bata pa lang ako ang Mirinda at Skyflakes.
Pero iba na ngayon. Kasi nang magkalagnat ang anak ko, hindi Mirinda at Skyflakes ang ibinigay ko kundi itinakbo namin kaagad sa ospital. Unang anak. Unang bugso ng pangamba.
Tangke: Mga Gunita ng Pagkabata
Sa totoo lang, inabangan ko ang paglabas ng “Tangke: Mga Gunita ng Pagkabata (UST Publishing House)” ni Ferdinand Pisigan Jarin. Nang mabasa ko ang kanyang “Anim na Sabado ng Beyblade” ay nagkaroon na ako ng interes sa kanyang mga isinusulat.
At habang nakikilala ko siya’t nakakausap, mas naeengganyo akong taluntunin ang kanyang kabataan. Silipin ang kanyang pinagdaanan.
Manipis ang libro kaya’t binagalan ko talagang magbasa. Nanghihinayang kasi akong matapos agad. Naging istrikto ako sa pagbabasa. Tila may pórmulá na hindi puwedeng baliin.
May danak ng luha at haplos ng kirot ang “Anim na Sabado ng Beyblade.” Kaya naman, inasahan kong sangkatutak na emosyon ang makakasalamuha ko sa “Tangke: Mga Gunita ng Pagkabata.”
Hindi nga ako nagkamali. Ang dami-dami kong naaalala.
Habang binabasa ko ang bawat pahina ng “Tangke: Mga Gunita ng Pagkabata” ay hinahayaan ko rin ang sariling balikan kahit sa gunita ang aking kamusmusan. Muli, nilasap ko sa aking isipan ang lasa ng lumboy (duhat) at lugaw.
Noong elementary ako, may palugaw rin sa school namin. Hindi kapag may birthday, kundi kapag Friday. Kaya lagi kaming may bitbit na baunan para paglagyan ng pagsasaluhan naming lugaw.
Pamilyar din sa akin ang lumboy. Mayroon kasing puno nito ang lola ko. At kung may hinog na, sinusungkit namin o kaya ay binabato ng tsinelas. Kapag naglagpakan na sa lupa, kanya-kanya kaming pulot sabay silid sa bulsa.
Magkahalong asim at tamis ang nalasahan ko habang binabasa ang “Lumboy.” Natanaw ko rin sa balintataw ang itsura ni Jarin habang kumakain nito: hindi lamang damit ang may mantsa kundi maging ang dila at ngipin.
Muli ay inanyayahan ako ni Jarin na silipin ang tangke ng kanyang pagkabata. Hinayaan niya akong amoyin kahit na sa gunita ang bagong damit, puto na mula sa tinipong bahaw, manibalang na mangga at ang pagiging dugyot na bata.
Isinalaysay rin ni Jarin ang pagiging biktima niya ng diskriminasyon at ang pinagdaanang kahirapan.
May mga kinatuwaan din akong salita gaya ng tupon (tuyong sipon) at sonata (sunog na tae).
Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang hirap na pinagdaanan. Ngunit ang bawat pagsubok na pinalasap sa atin ng nakaraan ay siya namang nagiging dahilan kaya’t naaabot natin ang ating mga naisin sa buhay.
Pinatunayan ni Ferdinand Pisigan Jarin na sa kabila ng pagiging maliit niya o bubuwit, kaya niyang tumaas. Na kayang-kaya ninuman na tumaas. Mas mataas pa sa tuktok ng tangke.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments