“Isang araw, makikita ko rin ang pangalan ko sa libro,” iyan ang naglalaro sa isipan ko noong bata pa ako. Twelve years old nga lang yata ako. Tapos ini-imagine ko ang cover ng libro at nakasulat doon ang pangalan ko. Ngingiti-ngiti ako habang nangangarap ng gising.
Nangangarap pa lang ako noon pero nalalasahan ko na ang tamis ng tagumpay sa aking isipan.
Noong mga panahong iyon, wala pang linaw kung anong klaseng libro ang nais kong sulatin. Basta gusto kong magsulat at makita ang pangalan ko sa libro. Ako, bilang awtor.
Ang pangarap kong iyon ay naisakatuparan ko. Pero gaya ng lahat ng pangarap, hindi madali ang pag-abot niyon. Maraming masusukal, mababato at matitinik na daan ang tinahak ko bago ito tuluyang nahawakan.
Hanggang ngayon nga, marami pa ring pagsubok ang dumarating. Gayunpaman, patuloy kong pinagbubuti ang aking ginagawa. Hindi lamang para sa aking sarili kundi sa mga mahal ko sa buhay.
Hindi nga naman madaling abutin ang bawat pangarap. Ngunit lagi’t lagi kong sinasabi na hindi tayo dapat tumigil na mangarap. Hindi tayo dapat na tumitigil sa pag-abot ng ating mga pangarap.
A Fortunate Man
Naka-relate ako sa “A Fortunate Man.” Inirekomenda ito sa akin ng fellow journalist na si Joe Torres. Bago ko pasadahan ang palabas, maraming tanong ang naglalaro sa aking isipan. Gaya na lang kung bakit nagustuhan ni Joe ang naturang palabas. Ano-ano kaya ang nakita niya sa palabas na nag-iwan ng marka sa kanyang isipan? O makikita ko rin kaya ang mga nakita niya? May mapapansin kaya akong koneksiyon o pagkakatulad sa buhay ko o buhay ng marami sa atin?
Sa mga isiping iyon, nagkaroon kaagad ako ng interes na manood. At bago ko sinimulan ang “A Fortunate Man” ay kinalma ko muna ang aking isipan. Gusto kong mag-focus. Ayokong guluhin ako ng samu’t saring tanong at isipin.
Nang panoorin ko ito ay bigla ang pagbulusok ng mga alaala ng nakaraan: magaganda at pangit na pinagdaanan na humubog sa aking pagkatao at kakayahan bilang indibidwal at manunulat. Naalala ko rin ang probinsyang kinalakihan.
Kagaya ko ay nangarap din si Peter Andreas Sidenius na mula sa pamilya ng mga debotong Protestante sa Western Denmark. Pastor ang kanyang ama, na kung ilarawan sa palabas ay mahigpit. Ngunit wala sa lugar ang pagiging istrikto ni Pastor Sidenius (Anders Hove).
Sa tindi ng galit ni Peter sa ama, hindi niya ito magawang patawarin kahit pa sa pagkalagot ng hininga nito. Naging dahilan din si Pastor Sidenius para magalit si Peter sa “Diyos”.
Paninindigan, iyan din ang isa pa sa mapapansin mo sa movie. Matindi ang paninindigan ni Peter. Bunga ang paninindigang iyon ng sariling sikap, labas sa tulong ng Diyos at tao.
Kaso nga lang, maling sistema ang bumabalot sa lipunan noong mga panahong iyon. Na kadalasan ay salungat sa paninindigan ni Peter. Kaya imbes na mapalapit siya sa kanyang gustong abutin ay napurnada pa. Kumbaga sa kasabihan, pera na ay naging bato pa.
Kung mayroon man akong hindi gaanong nagustuhan, siguro iyong biglang pagkawala ng isang karakter, si Inger (Viktoria Bjerregaard), na unang nakilala ni Peter at nagturo sa kanya kung paano mamuhay sa siyudad.
Maraming dahilan kung bakit nawawala sa eksena ang isang karakter. At ang naisip kong dahilan ay nasaktan siya sa sinabi ni Peter na magpanggap na hindi sila magkakilala. Puwede ring dahil sa pagpasok sa kuwento ni Jakobe (Katrine Greis-Rosenthal) ay hindi na kinailangan pa si Inger.
Para sa akin, walang hustisya ang biglang pagkawala ni Inger sa palabas.
Napakaraming layer ang naturang movie. Hindi lamang ipinakikita rito ang masalimuot na daang tatahakin ng isang tao upang maabot ang pangarap.
Unti-unting hinuhubad ng “A Fortunate Man” ang maskarang suot-suot ng marami sa atin.
Isang masalimuot na kuwento ang “A Fortunate Man’. Kuwento ng isang lalaking suwerte pagdating sa katalinuhan at kakayahan pero tila malas pagdating sa pag-ibig, pagdedesisyon at relasyon sa lipunan.
Kung may aral man akong natutunan sa palabas, ang buhay ng tao maging ang kanyang success, talino at pagpupursige ay produkto o bunga ng kanyang eksperiyensiya sa buhay, relasyon sa ibang tao, pamilya at sosyedad.
Hindi puwedeng isipin ni Peter o ninuman na suwerte lang siya. Na nakangiti sa kanya ang tadhana. Dahil ang tadhana ay may itinalaga upang hubugin ang isang tao.
Nakita ko ang pagkakamali ni Peter. Ang pagkakamali niyang layuan ang mga tumulong sa kanyang hubugin ang kanyang pagkatao— mali man o tama ang paghubog na iyon.
Sa pag-abot ng pangarap, hindi kailangang talikuran natin ang ating pamilya o ang mga taong tumulong sa atin. Hindi naman tayo nangangarap ng para lang sa ating sarili. Nangangarap tayo para sumaya ang mga taong mahahalaga sa atin, lalo na ang ating pamilya.
Pinatigas ng galit at pagkamuhi ang puso ni Peter. At dahil doon, nawasak ang buhay niya. Winarak siya ng proseso kung paano niya inabot ang kanyang pangarap.
Sana sa pag-abot natin ng ating mga pangarap, huwag din nating kalimutan ang mga taong humubog sa atin.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments