Artista, social media at bashers: Game ka na ba?

Kung titingnan natin, tila ba kay hirap lumaban sa panahon ngayon. Iyong tipong naaaninag na natin ang pag-asa pero bigla-biglang sumasalakay ang dilim. Tapos may ilan pa na imbes na unahin ang vaccine, nag-focus sa rubber shoes.

Ano iyon, maghahabulan ba tayo at ang COVID kaya may pa-rubber shoes?

Sa mga nangyayari sa paligid, hindi rin naman puwedeng tumalikod tayo dahil lang sa dulot nitong stress. Oo, sa rami ng mga negatibong nababasa natin sa social media, nakadudurog ng puso.

Siyempre, masasaktan at maaawa tayong mga simpleng Filipino sa mga kababayan natin. Puwera na lang ang ilang politiko na tayo pa ang sinisisi dahil inihalal natin sila noong 2016.  



Kaya minsan, kailangan din talaga nating mag-social media detox. Ilang oras na huwag munang tumitig sa screen ng cellphone. O mag-Facebook. Twitter. Instagram.

Pero sabihin mang nakaka-depress minsan ang mga nakikita at nababasa natin sa social media, malaki pa rin ang naitutulong nito upang maging mulat tayo sa kalagayan ng lipunan.

At ang maganda nga rito, may mga artista ring ginagamit ang social media upang maiparinig sa mga nanunungkulan sa bansa ang kanilang hinaing at saloobin. Kagaya na nga lang ni Liza Soberano.

Ayon sa tweet ni Soberano: “America has received 2 rounds of stimulus already, waiting on the 3rd. COVID testing is free, vaccination is free. Where is the support for the poor in our country? Madali lang naman po mag-stay at home if everyone has food on the table and money to pay the bills.”

“Is our country really this poor?” tanong pa ni Soberano.

May netizens na pumanig kay Soberano, mayroon din namang hindi. Dinepensahan naman si Soberano ng kanyang talent manager na si Ogie Diaz.

Tweet pa ni Diaz na: “Thank you so much po sa lahat ng natutuwa kay Liza Soberano. Sa mga galit kay Liza, update n’yo na lang po kami sa pagdating ng bakuna.”

Liza Soberano

Hindi ito ang unang beses na ginamit ni Soberano ang kanyang social media upang maipahayag ang kanyang saloobin. Nagsalita rin ito noon nang ipasara ng gobyerno  ang ABS-CBN, gayundin sa isyu ng child exploitation at karapatan ng mga kababaihan.

Hindi lamang naman si Soberano ang nagpapahayag ng saloobin sa mga nangyayari sa sosyedad, nariyan din sina Angel Locsin, Coco Martin, Pia Wurtzbach, Saab Magalona, Ping Medina, at marami pa.

Kung may mga artistang ginagamit ang kanilang boses para makatulong sa masa, mayroon namang nagdedeliryo pa rin hanggang ngayon.

Noong nakaraang taon din, may dating artista na naging politiko ang nagsabing “mahina ang ulo” ng mga artistang pumupuna sa gobyerno.

Pero ang mahihina ang ulong tinutukoy niya, ito ang mga artistang may pakialam sa bayan at mga kababayan. Ito iyong mga taong imbes na manahimik na lang ay piniling magsalita at magkomento.

Kung iisipin natin, mayaman na ang mga artista. Kahit na hindi iyan magtrabaho, mabubuhay iyan. Puwede naman nilang pikitan ang mga problemang kinahaharap ng bansa dahil pagdating sa pera, hindi naman sila apektado. Mayroon sila. Marami.

Pero mas pinili ng mga artista gaya ni Liza Soberano ang magsalita. Gamitin ang kanyang social media para ipahayag ang nararamdaman at iniisip.

Nakatutuwang isipin na hindi lamang ito laban ng mahihirap. Kundi laban din ng mga iniidolo nating artistang may pakialam sa kagaya nating nabibilang sa mga simpleng tao sa lipunan.

Filipino actress Angel Locsin holds a placard during a protest rally outside the ABS-CBN headquarters in Quezon following the decision of a congressional body to reject the media giant’s application for a broadcast franchise on July 10. (Photo by Jire Carreon)

Sa gitna ng pandemya, talagang kakapit sa patalim ang marami sa atin. May ilan namang maykaya na gumagawa ng paraan upang makatulong sa mga nangangailangan. Madalas kong nababasa ang mga ginagawang pagtulong ni Angel Locsin para sa mga kababayan natin.

Pero sa kabila ng kabutihang loob niya, nakatanggap pa siya ng diskriminasyon dahil sa kanyang pangangatawan.

Sabagay hindi naman nawawala ang bashers. Parang trolls lang, pakalat-kalat. Kung kanino kikita, doon kakampi. Hindi man lang nila naiisip ang magiging epekto o kapalit ng ginagawa nila.

Totoo naman. Napakadaling mag-stay sa bahay lalo’t tumataas na naman ang kaso ng covid-19. Pero ang problema diyan, iyong pagkain sa araw-araw at pambayad sa mga bayarin. Hindi naman porke’t nanatili sa bahay ang bawat isa sa atin, titigil na rin ang pang-araw-araw nating gastusin.

Maraming Filipino ang natatakot na mahawa ng virus. Pero wala rin silang mapagpipilian kundi ang lumabas at maghanap-buhay.  Kasi kung hindi nila gagawin iyon,  mamamatay silang dilat ang mga mata sa gutom.

Sumusugal ang marami. Nangangahas. Para sa sarili at sa pamilya. Pero iyong tulong na mula sa gobyerno, hindi natin maaninag.

Sa panahon ng pandemya, tulong ang kailangan ng bawat Filipino. Pero minsan, kung sino pa iyong tumutulong ay sila pa ang nababatikos. Samantalang ang nakahilata lang at walang ginagawa, sila naman ang napupuri.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments