Kabataang Filipino, hinimok ng mga obispo na magpatala para makaboto

Nanawagan ang Episcopal Commission on Youth ng Catholic bishops’ conference sa mga kabataang nasa wastong edad na magparehistro para sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.

Ayon kay Bishop Rex Andrew Alarcon ng Daet, chairman ng kumisyon, ang kapangyarihang bumoto ay isang mahalagang tungkulin at pananagutan para sa bayan.

Iginiit ng obispo na tanging sa pamamagitan ng pakikibahagi sa halalan at pagpili ng mga karapat-dapat na mga opisyal nagkakaroon ng totoong partisipasyon ang taumbayan sa usapin ng pulitika at pamamahala sa bansa.



Binigyan diin ni Bishop Alarcon na ang isang boto ay napakahalaga at makapangyarihan upang magdulot ng pagbabago at pag-unlad sa kinabukasan ng bansa.

“Kahit isa ka lang napaka-powerful yan,” pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam sa Radio Veritas 846.

Inihayag ng obispo na sa pamamagitan ng internet at makabagong teknolohiya ay maaaring malaman ng mga kabataan kung ano ang dapat na gawin upang makapagparehistro sa Commission on Elections.

Unang nanawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting sa mga kabataan na hindi pa rehistrado at mga nasa edad 18-taong gulang sa Mayo ng susunod na taon na magparehistro na upang maging isang ganap na botante.

Magtatagal ang kasalukuyang voters’ registration hanggang sa pagtatapos ng Setyembre ng kasalukuyang taon. – mula sa ulat ng Radio Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments