“Naiinis ako. Bakit bitin ang ending ng Love Alarm?”
Iyan ang litanya ko nang matapos kong panoorin ang season 1 ng “Love Alarm” last year. At dahil nga, iyon ang mga panahong nagsisimula na akong mahilig sa K-drama, hindi ako maka-move on. Hindi ko matanggap ang naging ending nito. Tingin ko pa nga noon, putol ang napanood ko. Hiningi ko pa sa friend ko ang link nang napanood niyang “Love Alarm” para lang masigurong pareho ang ending nang napanood namin.
Kaso, iyon talaga ang ending: may shield ang love alarm dating app ni Kim Jojo (Kim So-hyun) kaya’t hindi ito nag-a-alarm kahit pa nasa loob ng 10-meter radius ang lalaking itinitibok ng kanyang puso. Ang shield ay regalo sa kanya ng developer ng apps para hindi na masaktan ang kanyang puso. Para maitago niya ang tunay niyang nararamdaman.
Sana ‘di ba, puwede ito sa totoong buhay.
Matagal bago ako naka-move on sa ending ng palabas. Simple lang naman ang kuwento ng “Love Alarm.” Love triangle. Naimbento naman ang love alarm application dahil sa crush. May nagugustuhan ang developer at hindi niya ito maamin ng harapan.
Sa pamamagitan ng love alarm apps, maaari mong maipaalam sa napupusuan o nagugustuhan mo ang iyong nararamdaman. Ipaaalam kasi sa iyo ng application kapag may nagmamahal sa iyo na nasa loob ng 10-meter radius. Puwede mo ring patunugin ang love alarm apps ng taong nagpapahiwatig ng pag-ibig sa iyo para malaman niyang gusto mo rin siya.
Okay naman ang story ng “Love Alarm.” Pagdating naman sa mga karakter, okay lang din. Hindi ako masyadong naguguwapuhan at nagagandahan sa kanila. Alam n’yo naman, si Lee Jong-suk pa rin ang favorite kong K-drama actor. Inaabangan ko nga ang mga movie na gagawin niya. Noong 2019 kasi siya nag-mandatory military service. At batay na rin sa pag-google ko, na-discharge siya nitong January 2021 lang. Biruin mo ‘yun, alam ko.
Teka, balik na nga tayo sa “Love Alarm.”
Kumbaga, love triangle nina Kim Jojo, Lee Hye-Hyoung (Jung Ga-ram) at Hwang Sun-oh (Song Kang) ang “Love Alarm.” Kuwento ng love story nila. Saglit nga lang na ipinakita ang developer ng application sa season one at season 2. Naging instrumento lamang siya, maging ang dating apps na ginawa niya.
Bilang kuwentista, gusto ko rin siyempreng ibigay sa mambabasa ang kaligayahan. Oo, madalas ay ililigaw mo sila sa emosyong kanilang nararamdaman. Iyong tipong naisip na ng mga mambabasa o manonood ang patutunguhan ng istorya pero bilang kuwentista ay bigla kang kakambiyo at babaguhin iyon. Ililigaw ang manonood o mambabasa. Pero sa dulo, bibigyan mo rin ng reward ang iyong mga manonood. Para sa akin, kailangan iyon.
At hindi ko nakuha ang reward na inaasahan ko sa ending ng “Love Alarm.” Nalungkot ako. Masyado siguro akong nadala sa love story ng main character ng palabas.
At sa hindi inaasahang pagkakataon, may notification ang Netflix at nakalagay nga roon na available na ang season 2 ng “Love Alarm.” Nang makita ko iyon, nanariwa sa akin ang inis ko sa naturang palabas. Pero siyempre, pinanood ko ang Season 2. Excited akong malaman kung saan ang tungo ng kuwento. Gayundin ang love life nina Jojo, Hye-Hyoung at Sun-oh. Kung sino ang magkakatuluyan.
Sa totoo lang, gasgas na iyong plot. Pero maganda pa rin siyang panoorin kahit pa medyo maiinis ka sa mangyayari. May nakikita kasi akong bagong paraan ng pagpapakita ng pag-ibig.
Sa isang pasadahan, natapos ko ang pag-antabay sa Season 2 ng “Love Alarm.” At oo, nakukulangan pa rin ako sa ending nito. Pero ngayon, may natutunan na ako: ang maghintay. Masyado rin kasi akong adelantado e. May Season 2 naman pala ang palabas.
Naging patok ang naturang application sa mga kabataan sa palabas. Wala na ngang nagsasabi ng “I Love You.” Hinahayaan na lamang nila ang love alarm apps ang magsabi niyon para sa kanila.
Ang naging struggle ni Jojo sa unang season ay kung paano niya maitatago ang tunay niyang nararamdaman kay Hwang Sun-oh. At sa ikalawang season naman ay kung paano niya matatanggal ang shield para ma-ring din niya ang love alarm apps ni Lee Hye-young.
Kung mayroon mang kalabit sa akin ang palabas, una nga ay ang matutong maghintay. Darating ss tamang panahon ang isang bagay. Kagaya nga ng season 2 ng “Love Alarm.” Hindi ko inasahan pero nandiyan na siya at napanood ko na.
Pangalawa, hindi tayo dapat nakabase sa application. Sa panahon nga naman ngayon ay napakarami nang application ang naiimbento. Oo, nakatutulong ito sa ating buhay. Pero hindi naman ibig sabihin ay palaging mabuti ang dulot nito sa atin.
At kung pagbabasehan natin ang application, sana may makagawa ng programa na magsasabi kung sino ang karapatdapat nating iboto sa May 2022.
Pangatlo, hindi natin kailangang itago ang ating mga nararamdaman. Huwag nating lagyan ng shield ang puso natin. Maging totoo tayo. Sa pagpapakatotoo, doon lamang natin malalasap ang tunay na kaligayahan. Kaya kung dismayado tayo sa palakad ngayon, puwede nating ipaalam. Puwede nating ilabas. Huwag nating itago sa ating mga puso.
Sabi nila, kung pipili ng iibigin, puso ang gamitin. Pero kung pipili ka ng liderato, baka puwedeng apps na nga lang ang sundin natin. Tiyak na alam niya kung sino-sino sa mga kandidato ang may nagawa para sa bayan at mamamayan.
Siya na lang ang mag-Google para sa atin, tutal marami naman ang tamad sa atin.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments