Marami sa atin ang nakabase sa panlabas na anyo ang pagtingin at pagtrato sa isang tao. Kung tutuusin, tila nakalalamang nga naman ang may magandang itsura kaysa sa pinagkaitan ng ganda.
May mga nakagawian pa naman ang ilan sa atin na kapag hindi kagandahan ang isang tao, inuulan na agad ng batikos o insulto. Kesyo hindi makakapag-asawa. Walang magmamahal ng totoo. Lolokohin lang.
Pero sabi nga ng isang rapper, kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay.
Meet Me in St. Gallen
Sa mga napanood kong Filipino movie, isa na siguro si Bela Padilla sa masasabi kong natural ang pag-arte sa kamera. Kumbaga, wala siyang pakialam kung magmukha man siyang pangit sa mga manonood kung ‘yun ang kanyang role. Basta’t nabigyan niya ng buhay ang karakter na kanyang ginagampanan, okay na ‘yun.
Nang simulan kong panoorin ang “Meet Me in St. Gallen,” wala akong naramdamang kilig sa sa mga karakter na sina Celeste Francisco (Bela Padilla) at Jesse (Carlo Aquino). Parang friend-zone lang sila. Kapag tiningnan mo kasi sina Carlo at Bela, wala kang mapapansing spark sa kanilang mga mata. Wala iyong sa titigan pa lang nila, kikiligin ka na.
Sa kalaunan naman, natulungan sila ng kanilang karakter bilang Celeste at Jesse para maramdaman ng mga manonood na may natatanging pagtitinginan sila. May nararamdaman sila sa isa’t isa na pilit nilang iniiwasan.
Napansin ko sa palabas na ito ang pag-abot ng pangarap. Kung ano ang mga puwedeng isakripisyo ng isang tao para makamtan ang kanilang inaasam-asam. Kasama na rin dito ang pagpipigil sa tunay na nararamdaman.
Natatandaan kong sinabi ni Celeste kay Jesse na mahirap daw maging pangit sa panahon ngayon dahil puno ng pasakit.
Pero sa mismong palabas, hindi man pangit sina Celeste at Jesse ay naramdaman naman nilang masaktan. Nakasalamuha nila ang pasakit na dulot ng pag-ibig.
Abay Babes
Sinubukan ko ring i-check ang mga palabas sa iflix at isa nga sa nakatawag-pansin sa akin ay ang “Abay Babes” na ginampanan nina Cristine Reyes (Ruby), Nathalie Hart (Emerald), Meg Imperial (Jade), Roxanne Barcelo (Goldie) at Kylie Verzosa (Perla).
Magkakaibigan sina Ruby, Emerald, Goldie at Perla. Sila ang “It Girls.” Sa muling pagkikita ng apat, napasama sa eksena si Jade. Kaibigan ito ni Goldie.
Mapapansin natin sa movie na ito na may mga kaibigan talagang minsan ay hindi ka kayang paniwalaan. Pinagdududahan ka. Kagaya na nga lang ng nangyari kay Goldie na nang ipaalam niya sa mga kaibigang ikakasal na siya ay nagulat ang mga ito. Sa grupo nga naman, si Goldie ang sinasabi nilang pinakapangit. At hindi nila matanggap na sa “It Girls,” ito ang unang ikakasal.
Sa katunayan, sa panonood ng “Abay Babes” ay mapapaniwala ka nina Ruby, Perla, Jade at Emerald na ini-imagine lang ni Goldie na ikakasal siya at ang pagkakaroon niya ng boyfriend.
Mapapansin mo sa movie ang iba’t ibang ugaling taglay ng bawat indibiduwal. Kagaya na lang ni Perla na magmamadre pero may itinatago pala itong lihim sa mga kaibigan. Gayundin kung paano nagre-react at nagbabago ang ugali ng isang babae kapag guwapo na ang nasa kanyang harapan.
Hindi naman maipagkakaila na maganda ang pag-arte ni Roxanne Barcelo sa naturang pelikula gayundin ang kanyang pangangatawan.
Love is Blind
Para sa napupusuan, gagawin nga naman ang kahit na ano. Maging ang maniwala sa gayuma. Ang gumastos para lang magustuhan ng kinabibighaniang lalaki.
Crush ni Felicity (Kiray) si Wade Santillan (Derek Ramsay). Pero dahil sa kanyang itsura na hindi naman kagandahan, hindi siya pinansin ng lalaki. Pinainom ni Felicity ng love potion si Wade. At nang mainom iyon ni Wade, ibang mukha ang nakikita niya kay Felicity. Magandang mukha. Mukha ni Maggie (Solenn Heusaff).
Sa pag-arte naman, magaling si Kiray. Humanga rin ako kay Solenn Heusaff dahil nagampanan nito ng maayos ang karakter niya bilang si Felicity.
Fantasy-romantic movie ang “Love is Blind.” At sa palabas na ito, ipakikita sa iyo na nasa tabi-tabi lang ang pag-ibig. Kung minsan, hindi natin ito nakikita dahil iba ang hinahanap-hanap ng ating mga mata.
Mapapansin din natin sa pelikula na maraming tao ang hindi natutuwa sa mga natatamasa natin sa buhay. Hindi pa rin talaga nawawala sa mga palabas ang nakagawiang kapag pangit ang babae at guwapo ang boyfriend nito, pag-iisipan ng masama.
Pero sabi nga sa title, love is blind. Nangangahulugan lamang itong pinagkaitan ka man o biniyayaan ng kagandahan, kapag kumatok na sa puso mo ang tunay na pag-ibig, hindi ka na makakawala pa.
At sa mga nakikita ko, hindi pasakit ang dulot ng pagiging pangit. Kasi may mga kakilala akong biniyayaan naman ng kagandahan pero bokya naman sa pag-ibig.
Sa totoo lang, hindi naman panlabas na anyo ang dapat nating tingnan kundi ang panloob na anyo ng isang tao. Kasi sabihin mang maganda o guwapo ang isang tao pero masama naman ang ugali nito, pumapangit ito sa paningin ng marami. Samantalang ang pangit na may magandang ugali, gumaganda rin sa mata ng marami. Kasi mas nangingibabaw ang mabuti nitong kalooban.
Ang masaklap ay pangit ka na nga, bulok pa ang budhi mo.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments