Maghahandog ng isang obra maestra ang mga Filipino kay Pope Francis sa pagdiriwang ng ika-500 na anibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ayon kay Father Ricky Gente, chaplain ng Filipino community sa Roma, isang pamilya ang nagkaloob ng painting para ibigay sa Santo Papa na siyang mangunguna sa pagdiriwang ng Misa para sa mga Filipino sa St. Peters Basilica sa Marso 14, 2021, ganap na alas-10 ng umaga.
Ang obra ay likha ni Filipino artist Ryan Carreon Aragon na kasali sa painting competition para sa selebrasyon.
Makikita sa larawan ang paghahandog ni Magellan kay Hara Humanay o Doña Juana ng imahe ng Sto. Niño makaraang tanggapin ang pananamapalatayang Kristiyano sa pamamagitan ng binyag.
Patuloy namang hinimok ng Sentro Pilipino Chaplaincy ang mga OFW sa Roma at sa iba’t-ibang bahagi ng mundo na makiisa sa pagdiriwang sa pamamagitan ng livestreaming.
Kasama ni Pope Francis sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa Linggo sina Cardinal Luis Antonio Tagle at Cardinal Angelo de Donatis, ang vicar ng Santo Papa sa Roma.
Source: Licas Philippines
0 Comments