Ang ‘mabuti’ sa ‘Good Friday’

May nagtanong sa akin, anong oras daw ang “Misa” ko sa katedral ngayong Good Friday? Sabi ko, sa buong taon sa kalendaryo ng Simbahang Katolika, itong araw lang na ito ang WALANG MISA.

Obvious ba kung bakit? Ang meron ay “Liturgy of the Word” na natatapos sa “Veneration of the Cross.”

Pero sa lahat yata ng Good Fridays na naranasan ko sa buong buhay ko (62 years old na po ako), ito ang Good Friday na ramdam na ramdam mo talaga ang pagdurusa at kamatayan ng maraming mga tao, lalo na dito sa Metro Manila.



Napakadalas dumaan ng mga ambulansya, pero ang inihahatid, ni hindi na maipasok sa emergency room. Nakapila sa labas. Ang iba’y pumapanaw sa mga tolda. Punong-puno na kasi ang mga ospital, pati ang quarantine facilities.

Kakaiba talaga ang Good Friday na ito. Kahit lockdown din tayo noong Holy Week last year, hindi pa ganito ang sitwasyon. Sa ganitong klaseng Good Friday, parang hindi na kailangang dramahin pa ang Pasyon sa mga senakulo, o magpadugo pang katulad ng mga dating nagpepenitensya sa kalsada, o magpapako sa krus na tulad ng mga taga-Cutud sa San Fernando, Pampanga, na dinadayo ng mga turista taon-taon.

Kahit hindi pa ilabas ang prusisyon ng naka-karo na mga eksena sa daan ng krus patungong kalbaryo, ramdam na ramdam naman din nating lahat ang pagdurusa at kamatayan ni Kristo sa maraming mga taong kilala natin, malapit sa atin, hindi iba sa atin.

Iyong “tenth plague” sa first reading kahapon mula sa Exodus, o pang-sampung salot na lumipol sa mga panganay sa Ehipto, parang walang sinabi sa COVID-19. Ang COVID-19 ay hindi lang sa isang bansa nangyari kundi sa buong mundo! Hindi lang isang gabi, mahigit ng isang taon! At ang anghel ng kamatayan paiba-iba pa ng hugis at anyo sa mga pabago-bagong variant strains ng SARS COV2 na natutuklasan ng mga dalubhasa sa pamamagitan ng genome sequencing.

Kahapon, sinabi sa akin ng rector ng aming katedral, si Father Jerome, “Bishop tapos na po iyung ‘Jubilee Door’ na inihanda natin para sa ating Commemoration ng 500th Year of Christianity sa darating na Easter Sunday.”

Tiningnan ko. Maganda nga naman, may bagong wood carvings, mga inukit na relyebeng kahoy na ina-apply sa mga door panel sa may left side door papasok sa katedral. Merong eksena ng First Mass sa Limasawa at First Baptism sa Cebu noong 1521. May mga larawan nina San Roque at ng Birhen ng Nieva, at mga larawan ng dalawang Pilipinong Santo—sina San Pedro Calungsod at San Lorenzo Ruiz.

A crucifixion scene on Calvary Hills in the northern Philippine town of Iguig. (Photo by Maria Tan)

Sabi ko sa eskultor na umukit, “Maganda… pero parang may kulang.” Inadjust ko ang face mask ko para marinig niya ako. Sabi ko, “Hindi kaya mabuting lagyan mo ng face masks sina San Pedro Calungsod at San Lorenzo Ruiz?” Tumawa siya; akala niya nagbibiro ako. Pero dahil hindi ako tumatawa, maya-maya, sabi niya, “Sige po, pwede ko pong lagyan.”

Sabi naman ng rector, “Tuloy po ba tayo sa Easter Sunday?” Sabi ko, “Father Jerome, i-postpone na kaya muna natin? Parang ang saklap namang magbukas ng Jubilee Door na wala namang papasok dahil nasa ECQ pa tayo. Pag tapos na siguro ang lockdown. Habang wala pa iyon, itutok na muna natin ang pansin natin kay Hesus na patuloy na nagdurusa at namamatay sa kanyang mga alagad na tinatamaan ng COVID, sa panahong ito ng pandemya.”

Salamat na lang at isa sa mga Seven Last Words na ating pinagninilayan tuwing Good Friday ay iyong galing sa Psalm 22, na mas kilala bilang pang-apat na huling salita, “My God, my God, why have you forsaken me?”

Sa pamamagitan man lamang ng Salmong ito, parang nabibigyan tayo ng assurance na okey lang pala ang managhoy, ang magreklamo sa Diyos, ang magpahayag ng lament. Na hindi pala bawal, hindi pala kasalanan, hindi ikagagalit ng Diyos.

Naaalala pa ba ninyo ang masakit na salita nina Martha at Maria kay Hesus nang mamatay ang kapatid nilang si Lazaro? “Panginoon, kung nandito ka lang, hindi sana namatay ang kapatid ko.”

KUNG NANDITO KA LANG, isang sumbat na kapag ginawang patanong ay, NASAAN KA NOONG KAILANGAN KA NAMIN? Hindi kaya ganito rin ang gustong ipahayag ng marami sa atin?

A big crucifix is displayed inside the Manila Cathedral on Holy Thursday, April 1, 2021, during the Mass of the Lord’s Supper. (Photo by Jire Carreon)

Sa kwentong iyon, sa John Chapter 11, nilunok ni Hesus ang sumbat na dalawang beses pang inulit. Pero hinayaan niya ang magkapatid na magpahayag ng kanilang tampo sa kanya. Imbes na siya ay mangatuwiran o magpaliwanag, napaiyak na lamang siya. Sinamahan sila sa pananangis.

Ang Diyos natin, nasasaktan din. Pinili niya ito mula nang makiisa siya sa ating pagkatao. Naramdaman niya ang nararamdaman natin. Minsan nakakalimutan natin, naging totoong tao siyang katulad natin; halimbawa, nakaramdam din siya ng matinding takot sa Gethsemane. Nakaramdam siya ng galit sa may templo at pagkainis sa mga Pariseo.

At mula sa krus, binigkas niya ang daing ng bayang Israel noong sakupin sila ng mga dayuhan, wasakin ang kanilang siyudad, sunugin ang kanilang templo pati na ang kanilang mga tahanan. Natapon sila bilang mga alipin sa Babilonia. Kaya isinulat ang Salmo 22.

“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan? Bakit parang napakalayo mo’t di mo marinig ang paghingi namin ng saklolo? Diyos ko sa araw tumatawag ako ngunit di mo ako sinasagot, kahit sa gabi’y wala pa rin akong maranasang paggaling?”

Sigurado ako, marami sa inyo ang nakabasa sa pinost kong lament sa FB, na mukhang mas malakas ang dating sa Tagalog. Sabi ko,

“Panginoon, hanggang kailan ako magmimisang walang kaligayahan para sa mga upuang walang laman?”
“Hanggang kailan ako mangangaral ng iyong Salita sa harap ng isang kamerang walang buhay, sa paniwalang may mga taong sumusubaybay mula sa kanilang mga tahanan?”
“Hanggang kailan ko hahatiin ang tinapay ng Eukaristiya na wala ni isang kasalo?”
“Hanggang kailan ko dadasalin ang ‘oratio imperata’ na isang taon na naming inuulit-ulit?”
“Hanggang kailan bago kami muling papasok ng simbahan upang muling makaawit ng mga himig pagsamba, mga kantang papuri at pahayag ng mga dila? “
“Hanggang kailan bago namin muling masilayan ang masayang ngiti sa likod ng mga maskara?”
“Hanggang kailan pa bago namin muling mahaplos, makamayan, at mahagkan ang isa’t isa?”
“Hanggang kailan namin titiisin ang aming mga mahal sa buhay na mag-isang magkakasakit, maghihingalo at mamamatay sa ospital?”
“Hanggang kailan namin babatahin ang mabilisang paglilibing ng mga yumaong kaanak na walang pagkakataon para sa sama-samang pagluluksa?”
“Hanggang kailan maghihintay ang aming mga nakatatanda, upang sila’t makapagkumpisal at makapagkomunyon, o makadalaw man lamang na muli sa Santisimo Sakramento?”
“Hanggang kailan bago namin muling marinig ang masayang ingay at mga halakhak ng mga bata sa loob ng aming mga kapilya at simbahan?”
“Hanggang kailan bago iikling muli and pahaba nang pahabang listahan ng mga pamisa at padasal para sa mga maysakit at mga namatay?”
“Hanggang kailan, Panginoon, hanggang kailan?”

Itong araw na ito ang tamang araw ng ating pagluluksa. Isa sa mga “Eight Beatitudes” na itinuro ni Hesus sa kanyang Sermon on the Mount ay “BLESSED ARE THOSE WHO GRIEVE, FOR THEY SHALL BE COMFORTED.” Mapalad daw ang mga nagluluksa, aaliwin sila ng Diyos. Minsan may nagtanong sa akin, “Kailan pa naging blessing ang magluksa?” Parang panaghoy din ang tanong na ito.

Sa araw ng Babang Luksa ng kapatid kong si Randy David sa pagpanaw ng kabiyak niyang si Karina, binasa niya sa amin ang isang quotation mula sa isang Italian author na ang pangalan ay Carlo Rovelli. Ganito daw ang isinulat ng nasabing awtor tungkol sa pagluluksa. Basahin ko muna sa English:

“It isn’t absence that causes sorrow (or grieving). It is affection and love. Without affection, without love, such absences would cause us no pain. For this reason, even the pain caused by absence, is, in the end, something good and even beautiful, because it feeds on that which gives meaning to life.”

Mas magandang pakinggan sa Tagalog:

“Ang dahilan sa pagluluksa ay hindi naman ang pagkawala, kundi ang pagsuyo at pagibig. Kung walang pagsuyo, kung walang pag-ibig, wala namang sakit na maidudulot ang pagkawala. Dahil dito, kahit ang sakit na dulot ng pagkawala, sa bandang huli, ay isang bagay na hindi lang mabuti kundi maganda, dahil ito ang sustansyang nagbibigay kahulugan sa buhay ng tao.”

Detail of the crucifix inside the Manila Cathedral is seen on the foreground during the Mass of the Last Supper officiated by Bishop Broderick Pabillo on Holy Thursday, April 1, 2021. (Photo by Jire Carreon)

Kaya pala tinawag ni Hesus na blessing ang magluksa. Hindi ka nga naman magluluksa kung hindi ka nagmahal nang tunay. Kung kailan mas matindi ang pagmamahal, mas matindi ang pagluluksa pag namatayan. Pero dahil pag-ibig ang pinagmulan, may saysay o may kabuluhan ang pagluluksa. Nagbibigay ng tiyagang maghintay sa kadiliman.

Sa taong nagmamahal, hindi kamatayan ang katapusan. Diba naisulat minsan ni Saint Paul: “Oo, magluksa, pero huwag magdalamhati na parang wala ng pag-asa. Di ba’t naniniwala tayong si Hesus na namatay ay muling binuhay?” (1 Thess 4:13)

Sinabi rin niya sa Rom 5:5 “Ang umaasa ay hindi nasisiraan ng loob dahil ang pag-ibig ng Diyos ay nagpapatibay sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo.”

Gayundin Sa Rom 8:25, sabi niya, “Ang umaasa, kahit hindi pa niya natatanaw ang liwanag ay matiyagang naghihintay.” At sa dulo ng 1 Cor. 13:13, ganito ang conclusion niya matapos na ilarawan niya kung ano ang PAG-IBIG, “Only these three gifts remain: faith, hope and love. But the greatest is LOVE.”

Ang pinakadakila daw ay hindi FAITH; hindi rin HOPE, kundi LOVE. Bakit? Dahil ang pag-ibig daw ay walang hanggan.

At sabi rin ni St. John, “Ang Diyos ay Pagibig.” Ito pala ang pinagmumulan ng tunay na pag-asa. ANG TAONG TUNAY NA NAGMAMAHAL AY HINDI MASISIRAAN NG LOOB; HINDI MAWAWALAN NG PAG-ASA.

Mga kapatid, sana kahit papaano’y naipaliwanag ko sa inyo kung ano ang mabuti sa Good Friday, ang araw na ibinuwis ng Diyos ang kanyang buhay alang-alang sa ating lahat na kanyang minamahal. Hindi ito sa libingan natatapos. May kasunod pa.

Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa Biyernes Santo, Abril 2, 2021, Juan 18:1-19:42


Source: Licas Philippines

0 Comments