Isanlibong ayuda sa mata ng isang ina

Namamalengke ka ba? Nasilip mo man lang ba ang presyo ng mga bilihin?

Patuloy na tumataas ang presyo ng mga basic necessities. Pero nananatiling mababa ang kita ng mga ordinaryong Filipino lalo na ngayong pandemya. Ang iba nga, nawalan pa ng trabaho.

‘Yun namang mga hindi na-retrench ay patuloy sa pagkayod mula umaga hanggang madaling araw, umaasang hindi sila tatamaan ng virus. Lahat na lang ng puwedeng pagkakitaan, pinapasok para lamang may maipantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.



Pero magtrabaho man ng todo ang marami sa atin, kadalasan ay hindi pa rin sumasapat ang kita sa pang-araw-araw na pangangailangan. Kundi man sakto lang, madalas nga ay kulang na kulang pa ang pera sa bulsa.

Sa usapang trabaho, may bigla tuloy akong naalala. Kasisimula pa lang noon ng pandemya. Siyempre, work-from-home na ang maraming empleyado. Kabilang kami roon. Hindi pa kami nare-retrench. Iyon nga lang, halos wala kaming suwelduhin. Iyong bayad kasi sa isang araw, binawasan dahil work-from-home naman daw.

Nakakaloko pa kasi sa work-from-home schedule, ang gamit namin ay sarili naming koryente. Nang magtanong kami, magpasalamat pa raw kami at pinasusuweldo kahit pandemya.

Ang punto ko dito, iyong suweldong ibinibigay sa amin ay pinaghihirapan namin. Hindi naman kami humilata lang. Katas iyon ng pagtatrabaho. Bunga ng dugo at pawis. At gamit namin ang aming sariling laptop, computer, koryente, atbp.

At pagdating naman sa usapang ayuda, tinitipid tayong mga Filipino. Samantalang ang ayudang matatanggap ay pinaghirapan natin. Galing sa ating mga buwis. 

Rice is sold at a lower price in markets in the Philippine capital after the government implemented a new Rice Tariffication Law in 2019. (File photo by Jire Carreon)

Saan ba makararating ang isang libo mo?

Alam n’yo, napakahirap ang mag-budget lalo na ngayong pandemya at tumataas pa ang mga bilihin. Kaya sa nagsasabing sapat ang isanlibong piso sa isang pamilya sa loob ng dawalang linggo, subukan nila munang magpunta sa palengke at mamili.

Okay, pandemya naman kaya’t huwag nang magarbo sa pagkain. Simple lang ang kainin. Pero iyong isanlibo sa dalawang linggo, wala iyang mararating. Tandaan natin na lima ang karaniwang miyembro ng isang pamilyang Filipino.

Paano sasapat? Kilo pa lang ng baboy ngayon ay tumutuntong na sa P400. Okay, sabihin nating gulay na lang. Aba, eh bawang pa lang panggisa ay P90 na.

Okay, himayin natin ang isanlibo. Fourteen days ang mayroon sa dalawang linggo. Ibig sabihin wala pang isandaan ang budget mo sa isang araw. Bibili ka pa ng bigas. O sabihin na nating 1/4 na lang ang kilo ng baboy na bibilhin tapos lagyan na lang ng maraming sabaw at gulay. Kulang pa din. Hahatiin pa ‘yan sa tatlong kainan.

Sardinas pa lang umaabot na ng P18-P30 per can, depende kung gaano kasosyal ang sardinas na gusto mo. Hindi pa nag-uumpisa ang tanghalian, laglag na halos ang isang daan mo.

Hindi rin naman puwedeng pakainin mo ng puro sardinas sa loob ng dalawang linggo ang isang pamilya para lang kumasya ang ipinagmamalaking isanlibong ayuda ng gobyerno. Kasi ngayong pandemya, kailangang ng bawat isa ang malakas na resistensiya. Kailangang kumain ng masustansiyang pagkain. Kahit papaano ay kailangang ang pagkain may Vitamin C.

O sabihin na nating maglulugaw na lang para makatipid. Pero sa pagluluto ng lugaw, para naman kahit na papaano ay hindi kayo mahabag sa kinakain ninyo ngayong pandemya, kakailanganin mo ng pansahog: luya, bawang, sibuyas, kaunting manok at mga pampalasa gaya ng patis at paminta. Hindi naman puwedeng lugaw lang na lalagyan mo ng asukal o kaya asin.

Prices of food and basic commodities have been on the rise even during the pandemic. (File photo by Jire Carreon)

Libot-libot din sa palengke pag may time

Siguro, hindi ka pa nakatutuntong ng palengke, o grocery man lang. Kasi ang isanlibong ayuda, kahit na pagbali-baliktarin natin ay hindi magkakasya sa loob ng dalawang linggo sa isang pamilyang may limang miyembro. Hindi lang naman kasi ang ulam ang bibilhin natin o kakailanganin natin sa isang araw, huwag din nating kalimutan ang bigas.

Kunsabagay, madaling magsalita lalo na kung namumutakti sa pribilehiyo, kung marami ka nga namang pambili, hindi mo nararanasan ang hirap sa pagba-budget gaya ng mga ordinaryong Filipino.

Hindi naman puwedeng puro lang tayo satsat. Lagyan naman natin ng laman ang mga sasabihin natin. Hindi iyong puro hangin na lang.

O basta lang may masabi.

Oo, kahit papaano may biyaya naman kaming natatanggap ni hubby sa aming pagsusulat. Pero bawat sentimo, tinitipid namin. Ako ang laging namamalengke. Alam ko kasi ang mga kailangang bilhin. Kung anong brand ang maganda pero swak sa budget.

Nu’ng minsan nga, gusto ni hubby na siya naman daw ang mamili ng mga kakailanganin namin sa bahay. Nag-aalala na rin kasi siya dahil ako ang laging lumalabas.

Pero hindi ako pumayag.



Oo, alam ko namang kayang-kayang mamalengke ni hubby. Ang ikinababahala ko lang ay baka lumampas sa budget ang mga bibilhin niya. Baka mas mahal na baboy ang mabili niya. O baka hindi siya maghanap ng sariwang gulay na mas mura. O baka mamaya, ‘yung mas mahal na brand ng toyo, suka, mantika at de lata ang piliin niya.

Kumikita kami pareho pero hindi pa rin ganoon kadali sa aking mag-budget. Hangga’t kayang magtipid, nagtitipid kami.

Marami ang nawalan ng trabaho ngayong pandemya. Sa kabila nito, pilit nating binabalanse ang budget. Pero ang hirap-hirap lumaban sa kinahaharap nating unos kung wala tayong suportang makukuha sa gobyerno.

Para tayong mga basurang bigla-bigla na lang iniiwan matapos mapakinabangan. Hindi pa nga naman daw tayo kailangan kaya magkasya na muna sa isang tabi. At sa panahon ng eleksiyon, magiging importante na naman tayong mga ordinaryong Filipino sa kanilang paningin.

Sa panahon ng bolahan.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments