Kaming mga Bisaya: Panghihipo’y ‘di biro

 Hipò. 

Ang ibig sabihin nito ay ang pagdakma sa maselang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng kamay.

Salát. Haplós. Háwak. Kapâ. Híkap sa Bisaya.

Walang malisya raw ito. Nakikipagbiruan lang. Walang masamang intensiyon. Ito raw ay isang natural na biro ng mga Bisaya.

Iyan ang depensa ng ilan sa pagtatangkang panghihipo ng presidente sa maselang bahagi ng katawan ng kanilang kasambahay. Ang aktong ito ng pangulo ay hindi maipagkakaila dahil naka-video ito.

Nakagagalit ang mga ganitong pangyayari, lalong-lalo na kung manggagaling sa kamay mismo ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas.



Masakit pa rito’y parang nahati pa ang pananaw ‘di umano ng mga Bisaya. May mga nabasa ako sa social media na mangilan-ngilang ikinatuwa ang ganitong akto ni Digong. At hindi sila nahiyang aminin na sila raw ay mga Bisaya, tila ba natural ito sa mga Bisaya at nilalahat nila ang mga ito.

Bisaya ako. Bisayang ipinanganak sa Mindanao. Pero hindi ko kailanman ikinatutuwa o ikinasaya ang kahit na anong uri ng pambabastos sa mga kababaihan. Lalong-lalo na kung ako ang babastusin. Hindi ko kailanman matatanggap ang panghihipo—biro man ito o hindi.

Sa iba marahil ay simple lamang ito at walang kuwenta. Ngunit para sa akin, pagyurak ito sa pagkatao. Papaano nila masasabing ang panghihipo ay isang kaugalian ng mga Bisaya? Marami akong kakilalang mga kababaihang Bisaya. Subukan ninyong hipuan sila, tiyak na sa ospital ang bagsak ninyo.

Sabagay, noon pa naman ay hindi na talaga maganda ang pagtingin ni Digong sa kababaihan. Hindi na ito lihim. At mapapansin natin iyon sa kung paano niya tratuhin at pakisamahan ang mga babae—kakilala, kasangga at kalaban sa politika, ordinaryong tao at maging ang nasa media.

Ang hirap lang dahil patuloy na nagbubulag-bulagan ang marami nating kababayan. Masakit pa rito, ang ilan ay kababaihan. Ipinagbubunyi pa ang maling ginagawa ng lider ng bansa. Hinahanapan ng magandang paliwanag kahit pa malinaw pa sa sikat ng araw na maling-mali ang pagtatangkang panghihipo—kahit sino o ano ka pa.  

Kung mayroon mang mga Bisaya na magsasabing walang malisya at pagbibiro lamang ang tangkang panghihipo ni Digong, ewan ko na lang kung saang lupalop kayo nahugot. Ewan ko na lang din kung anong pag-iisip ang tumatakbo sa inyong mga ulo.

Kasi kahit saan natin tingnan, ang panghihipo ay mali at hindi katanggap-tanggap sabihin mang biro iyon. Hindi nakapagdudulot ng magandang pakiramdam lalo na kung alam mong naisahan ka.

Philippine President Rodrigo Duterte has been criticized for what he described as a “joke” when he tried to touch a household help during his birthday celebration last month. (Presidential Photo)

May karapatan ang sino mang tao—lalo na ang mga kababaihan—sa kanilang mga katawan. Walang sino man ang may karapatang bastusin ito.

Oo, ang tuwang-tuwa lang naman diyan ay ang taong nanghihipo. Pero ang nahipuan ay taong tinanggalan ng dangal at respeto.

Nakasasama ng loob ang ganito kababang pagtrato ng isang lider sa mga kababaihan. Ang liit ng tingin niya sa mga babae at ipinakikita iyon ng kanyang kilos at gawi.

Siguro ‘yung ilang pagmumura niya, pinagpapasensiyahan ko na lang. Puwede pang pagbigyan. Ako rin naman, nagmumura. At dahil lumaki ako sa Mindanao, kinagawian ko rin noon ang pagsasabing giatay, buang man ka, patay gyod at yawa o pisting yawa.

At dahil tumira rin ako sa Batangas, nakuha ko rin ang pagmumura ng mga Batangueño. Pero madalas ko itong sinasabi kapag masaya ako o natutuwa sa isang bagay, o kaya ay nabibigla.

Oo, expression. Oo, nakasanayan. Pero hindi ibig sabihin ay tama at dapat gawin. Kagaya na lang ng panghihipo, hindi porke’t nakangiti ang binirong gawan nito ay masasabi na nating natutuwa siya o masaya. Puwedeng natatakot kaya ayaw umalma. Itinatago ang takot sa pagngiti-ngiti at pagkukunwaring okay lang ang lahat.

Habang tumatagal, lalong nagdurusa ang Filipinas. Ginagawa pang biro ang lahat.

Umasa tayo ng pagbabago, pero ibang pagbabago ang pinalasap sa atin.

Matagal-tagal din akong tumira sa Mindanao. Doon ako ipinanganak at nagkaisip. Kapag may sumisipol-sipol sa akin, nababastusan ako. Hindi ko maiwasan ang pagkulo ng dugo mula kalingkingan ng daliri sa paa hanggang dulo ng hibla ng buhok ko.

At higit na galit ang tiyak na gigising sa pagkatao ko kapag may nagtangkang manghipo sa akin. Kagaya ng sinabi ko, Bisaya ako, ipinanganak sa Mindanao at lumaki sa Batangas. Malinaw ang ugali at kulturang pinanggalingan ko.

Pinalaki ako sa paniniwalang dapat ko lang protektahan ang kung ano man ang akin. Kaya’t hindi puwedeng sabihing biro lang ang pagtatangkang panghihipo.

Sa ilang taon kong paninirahan sa Mindanao, hindi ko kailanman nakitang may mga kakilala o kamag-anak akong ginawang biro ang panghihipo. Kapag may nagbiro sa aming manghipo, tadyak ang inaabot.

Natatandaan ko pa nga noong elementary ako, may nagtangkang umakbay sa akin. At bago pa lang lumapat ang braso niya sa balikat ko, tumama na ang siko ko sa dibdib niya.



Oo, hindi lahat ng babae ay kayang ipakita ang tapang na mayroon sila. Hindi kayang ipagtanggol ang kani-kanilang sarili. Depende rin naman kasi sa sitwasyon, at kung minsan pa nga, sa estado ng ating pamumuhay.

Kung ang tingin sa iyo ay mababa kang klase ng tao, kakawawain ka. Babastusin ka. Parang sa mga pelikula na kapag pobre ay niyuyurakan ang dangal.

Nangangamba na nga tayo sa hindi mapigilang pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng virus, tapos ito pa ang ihaharap sa atin. Nakauubos ng lakas ang mga namumunong tila walang plano at solusyon sa kinahaharap na pandemya.

Mag-umpisa na tayong mag-isip-isip. Malapit na ang eleksiyon. Hindi na magtatagal at pipili na naman tayo ng mga mamumuno sa atin.  

Huwag nating sayangin ang boto. Higit sa lahat, huwag na huwag nating sasayangin ang kaisa-isang paraan para maayos natin ang ating pamumuhay. Kung gaano natin kilatisin ang ating manliligaw, gayundin ang gawin nating pagkilatis sa mga politiko.

Kung gaano tayo kapihikan sa pagpili ng ating liligawan, gayundin ang gawin natin sa pagpili ng karapat-dapat na kandidato. Ang korporasyon nga, bago ka matanggap sa trabaho ay kailangang maayos ang background mo, ‘yun pa kayang pagpili ng mamumuno ng buong bansa?

Tayo ang may desisyon sa patutunguhan ng ating bayan. At gamitin natin ang ating mga karapatan para sa ikabubuti ng lahat. Dahil ang ikabubuti ng bawat isa sa atin ay ikabubuti rin ng sambayanang Filipino.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments