Bakit nga ba nagiging makasarili ang ilang mga fan kapag ang crush nilang actor ay nagkaroon ng girlfriend o asawa?
Paniguradong marami sa atin ang nagkakagusto sa artista.
Sa totoo lang, bihira akong magkaroon ng crush. As in, piling-pili lang. Kung bibilangin, wala pang lima ang hinangaan ko. Hindi rin itsura ang dahilan ng paghanga ko sa isang lalaki kundi ang kakayahan nito o talento. Bonus na lang iyong pagiging guwapo.
Kapag tinatanong nga ako ni hubby kung crush ko ba raw siya, iisa at paulit-ulit lang ang nagiging sagot ko. At iyon ay “love” ko siya. Mas matindi ang love kaysa sa crush, idadagdag ko pa.
Siguro sa hinaba-haba ng panahon, ngayon na lang ulit ako nagkaroon ng crush at isa pang Korean actor. O ‘di ba, hindi ko man lang nakikita ng personal. Biruin mo iyon, nagka-crush ako sa isang lalaking nakikita ko lang sa screen.
Nagustuhan ko si Lee Jong-suk. At nagsimula ang paghanga kong ito nang lamunin ang mundo ng pandemya.
Ano nga ba ang mga nagustuhan ko kay Lee Jong-suk?
Ito yata ang kauna-unahang pagkakataong humanga ako sa isang tao dahil sa ganda niyang ngumiti. Alam mo iyong tipong makita mo lang siyang ngumiti sa screen, sumasaya ka na rin. Iyong tipong mapapasabay ka sa pagngiti niya.
Ang corny ‘di ba?
Siguro, iyong look niya ang isa sa naging dahilan kaya’t humanga ako sa kanya. Hindi ko rin naman kasi masabing dahil super galing niyang umarte. Oo, marami siyang ginawang movie na talagang hahanga ka. Halimbawa na nga lang ‘yung “Pinocchio (2014)” at “Doctor Stranger (2014).” Pati na rin ang “W: Two Worlds (2016).”
Astig ang karakter niya sa “Doctor Stranger.” Biruin mo nga naman, isa siyang bata pero magaling na doctor. Sa naturang palabas ko siya unang hinangaan dahil kakaiba ang mga eksena. At bumilib ako sa galing sa pag-arte ni Lee Jong-suk bilang Park Hoon.
Samantalang naging malapit naman sa puso ko ang palabas niyang “Pinocchio.” Nangarap kasi siyang maging reporter. At ang nag-udyok sa pangarap niyang iyon ay ang masamang nangyari sa kanyang pamilya. Kumbaga, nasira ang buhay niya at ng kanyang pamilya sa maling report kaya nais niya maging reporter, upang makapaghiganti.
Nakita ko rin sa K-drama na ito kung paano pinaiikot sa palad ng may mataas na tungkulin ang maling pangyayari para lang umayon sa kanyang kagustuhan. Kumbaga, binabaliktad ang mga pangyayari.
Pero may mga palabas din naman si Lee Jong-suk na idinaan lang ang lahat sa pagngiti at pagpapa-cute. Kagaya na lang ng “Romance Is a Bonus Book (2019).” Ewan ko lang kung ganoon din ang tingin ng ilang nakapanood. Pero ganoon kasi ang naging dating sa akin ng plabas.
Pero huwag ka, tinutukan ko. May dulot na kilig kasi ang kanyang ngiti. At dahil pandemya, ang laking tulong sa pakiramdam.
Writer naman siya sa K-drama na ito. Okey naman ang movie pero mas namumukod-tangi at mapapansin mo ang pagiging cute niya. Ngiti niya ang babantayan mo imbes na ang mga mangyayari sa naturang palabas. Kaya’t maeengganyo ka talagang manood.
Iyon nga lang, inantok ako sa “While You Were Sleeping (2017).”
Okey lang ang magka-crush
Last year nga ‘di ba, nahilig ako sa K-drama. At isa sa nagustuhan ko ang actor na si Lee Jong-suk. Inalam ko pa nga ang lahat ng movies niya at isa-isang pinanood. Pati nga iyong pagpasok niya sa military, ni-research ko rin.
Pero hindi naman ako kagaya ng ilang tagahanga na nagagalit na kapag nagkaroon ng jowa ang kanilang hinahangaan o crush. O kapag napabalitang nagbigay ng regalo sa isang babae. May nabasa nga akong article na niregaluhan daw ni Lee Jong-suk si Kwon Nara ng sasakyan. Okay lang naman. Hindi naman ako apektado. Karapatan naman niya iyon. Buhay niya iyon. At kung iyon ang ikaliligaya niya, puwedeng-puwede niyang gawin.
Okey lang naman ang magka-crush, huwag lang iyong nagiging stalker ka na. O sumasama na ang ugali mo dahil sa pagkakaroon ng crush sa isang tao. May mga napapanood akong movie na kapag may nagustuhang actor, nagiging makasarili na. Ayaw na nagkaka-jowa ang crush nilang actor. Bina-bash ang mga nakakarelasyon o nali-link.
Alam n’yo, iyang mga actor na kinahuhumalingan natin, tao lang din iyan. Siyempre, mai-in-love iyan. Maghahanap din iyan ng taong makapagpapasaya sa kanila. Ng magmamahal ng totoo at makakasama sa habambuhay.
Oo, sangkatutak tayong mga fan nila. Pero siyempre, iba pa rin iyong may karamay sila sa kasikatan man o hindi. Iyong puwede nilang kapitan sa hirap man o ginhawa.
Mahirap din kaya ang walang karamay. Mahirap ang walang makapitan.
Pansinin n’yo na lang ngayong pandemya, hindi ba’t lalo tayong nahihirapan. Kasi iyong mga inihalal nating politiko na inaasahan nating babago sa kalunos-lunos na kinahaharap ng bansa, tinatalikdan tayo.
Busy para sa darating na eleksiyon.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments