Archdiocese of Lipa, patuloy na tumutulong sa mga apektado ng pandemya

Patuloy na tumutulong ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission sa mga pamilyang apektado ng umiiral na pandemya dahil sa COVID-19.

Ayon sa diyosesis, ang kanilang “MaLASACkit kindness station” ay nakatulong na sa mahigit 500 pamilya o mahigit 2,000 na indibidwal mula sa Barangay San Sebastian sa Balete, Batangas.

Maliban sa layuning makatulong sa kapwa, sinisikap din ng proyekto na makatulong sa kalikasan sa pamamagitan ng pagbabawal sa paggamit ng “single-use plastic.”

Samantala, mayroon ding QR Codes ang mga benepisyaryo na naglalaman ng impormasyon upang maayos na maipatupad ang pamamahagi ng tulong at masunod ang minimum health protocols.

Inilunsad ang “kindness station” noong ika-12 ng Mayo at patuloy na isasagawa sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Batangas tuwing Miyerkules sa loob ng dalawang buwan

Simula noong umiral ang pandemya, sinimulan ng Caritas Philippines ang “kindness stations” na layong magbigay ng libreng pagkain lalu na sa malalayong lalawigan.

Batay sa huling tala, aabot na sa 300 “community pantries” ang naitayo sa bansa na nagbigay ng kagyat na ayuda sa mamamayan.


Source: Licas Philippines

0 Comments