Kung minsan, nakikita na natin pero ayaw pa nating paniwalaan. Ibinubulatlat na sa atin ng mundo ang katotohanan pero pilit nating tinatakasan.
Sa pagpuna o pagkomento sa mga nangyayari sa paligid, may ilan na OA ang pakahulugan dito. Minsan ay may nag-comment sa post namin ni hubby na “ang OA” daw.
Overacting daw kami.
OA para sa kanya. Pero para sa kagaya kong may malasakit sa bansa gayundin sa mga kapuwa ko Filipino, hindi OA ang pagbatikos o pagpuna sa mga nangyayari sa paligid lalo na kung mali at hindi makatarungan. Karapatan at dapat ko lang din pansinin ang mga nakaupo sa tungkulin lalo na kung ginagamit na nila ang kani-kanilang tungkulin para manlamang ng kapwa.
Hindi ko naman gaanong pinansin ang nag-comment ng OA sa post namin ni hubby. Naalala ko na lang ito nang mapanood ko ang “The 3rd Eye.”
The 3rd Eye
At dahil nga bukod kay hubby at Likha, love na love ko rin ang panonood ng horror, may nadiskubre na naman ako sa Netflix. Ay, hindi pala ako ang nakadiskubre kundi si hubby. Siya nga pala ang unang nakapanood. Nabanggit niya lang sa akin. Ikinukuwento pa nga niya ang mga nangyayari tapos inis na inis ako.
“Huwag mo nga ikuwento, panira ka naman,” may pagkairitang sabi ko pa kay hubby habang hinahanap ang naturang movie sa Netflix. Pero tuloy pa rin siya sa pagkukuwento.
Napasimangot na lang ako. Pero ganoon din naman ako kapag maganda ang palabas, hindi ko mapigilan ang magkuwento.
“The 3rd Eye,” iyan ang title ng movie. May part two na rin ito pero ayaw ko pang panoorin. Available rin sa Netflix.
Sa title pa lang, alam na natin ang mangyayari: isa sa mga karakter sa palabas ay nakakakita ng multo o mga nilalang na mula sa ibang mundo. Mga patay na sa simpleng salita. At dahil alam ko nang ganoon ang mangyayari sa palabas, ang inabangan ko na lang ay kung paano ako gugulatin nito at kung ano-anong scenario ang ilalatag sa aking harapan. Kung may iba pa ba itong maipakikita sa akin na hindi ko pa nakikita.
Bata pa lang ay nakakakita na ng kakaibang nilalang si Abel (Bianca Hello). At sa pagkamatay ng kanilang mga magulang dahil sa aksidente ay kinailangang bumalik ng magkapatid na Abel at Alia (Jessica Mila) sa dati nilang tirahan. Sa pagbabalik, doon nagsimulang maging komplikado ang kanilang buhay.
Siyempre, hindi naman madaling paniwalaan na nakakakita ng kakaibang nilalang o multo ang isang tao. Kaya naman, hindi kaagad naniwala si Alia sa sinasabi ng nakababatang kapatid na si Abel. Kunsabagay, sa totoong buhay nga ‘di ba, kitang-kita na ang maling ginagawa ng ilang politiko, ayaw pang paniwalaan ng ilan nating kababayan.
At gaya ng nakasanayan o inaasahan, sa tingin ni Alia ay nasa isip o guni-guni lang ni Abel ang mga nakikitang kakaibang nilalang.
Maganda para sa akin ang “The 3rd Eye” lalo’t hindi ko inasahan ang naging twist ng kuwento. Ayan, gusto ko tuloy ikuwento kung ano ang naging twist pero ayoko namang maging spoiler sa mga hindi pa nakakapanood.
Sa totoo lang, ang akala kong tutulong kay Alia ay ang mga magulang nila. Pero mula nang mamatay at hanggang sa matapos ang kuwento, hindi na muli pang naramdaman ang presensiya ng mga ito.
Hindi gaanong nakakatakot ang mga eksena. Siguro para sa akin ay hindi gaanong nakakatakot kasi nga sanay na akong manood ng horror. Ewan ko lang din sa ibang nakapanood o manonood pa.
Ang palabas at ang totoong mundo
Habang pinanonood ko ang Indonesian horror/thriller movie na “The 3rd Eye”, bigla akong napaisip. Naalala ko iyong kakilala ko na nag-comment minsan ng “ang OA” sa post namin ni hubby.
Natanong ko ang sarili: kailangan pa bang buksan ang third eye nila o niya para lang makita ang totoong nangyayari sa mundo? O ganoon na talaga sila kabulag na kahit harapang pagmumura, pambabastos sa mga kababaihan at ang pagpatay ng walang due process ay hindi nila makita-kita ang kamalian niyon?
Sa totoo lang, kung gaano nakakatakot ang itsura ng mga kakaibang nilalang sa palabas na “The 3rd Eye” ay ganoon din kasaklap ang masisilayan sa mundong ating ginagalawan. Iyon nga lang, marami talaga ang hindi nakakakita. Kung makaasta ay tila paraiso ang bansa. Parang ang ganda-ganda. Ang hindi nila alam, maganda lang ito sa hinuha nila.
Hindi nila napapansing binubulag na sila ng kanilang paniniwala.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments