Pinangunahan ni Bishop Sufronio Bancud ng Cabanatuan ang paggunita sa ikatlong anibersaryo ng pagpaslang kay Father Richmond Nilo.
“Ito’y isang malungkot na alaala pero nagsilbing halimbawa at inspirasyon ang kanyang sigasig at sigla sa pananampalataya na kanyang pinanindigan at naging sanhi ng kamatayan,” ayon sa obispo.
Ayon kay Bishop Bancud, ang pag-alala sa buhay at kamatayan ni Father Nilo ay napapanahong paanyaya sa lahat habang ginugunita ang ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa bansa.
Aniya, dapat lamang magkaroon ng malalim at matatag na paninindigan ang bawat Katoliko bilang isang binyagan.
Ayon sa obispo, mahalagang pangatawanan ng bawat Kristiyano ang paninindigan sa Mabuting Balita ng Panginooon sapagkat nakaugat dito ang lakas, sigla, at alab ng puso na higit na kinakailangan sa pagharap sa iba’t ibang uri ng hamon sa buhay.
Umaasa rin ang obispo na patuloy na makapagbukas ng kamalayan ang matatag at matapat na pananampalataya ni Father Nilo para sa mahigpit na paghawak at paninindigan ng bawat binyagang Katoliko sa Mabuting Salita ng Diyos.
Si Father Richmond Nilo ay binaril at napatay sa mismong tabi ng altar habang naghahanda para sa pagsasagawa ng Banal na Misa sa kapilya ng Nuestra Señora de la Nieve sa Zaragoza, Nueva Ecija, noong Hunyo 10, 2018. – Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments