Paggawad ng ‘insignia’ kay Cardinal Advincula, itinakda sa Hunyo 18

Itinakda na sa Hunyo 18 ang paggawad ng “insignia” bilang cardinal kay Cardinal Jose Advincula, ang bagong arsobispo ng Maynila.

Sa panayam ng Radio Veritas 846, sinabi ng cardinal na ang napagkasunduang araw ay batay sa konsultasyon ng mga lider ng Simbahan sa mga eksperto ng kalusugan.

Matatandaang unang itinakda noong Mayo 28 ang “bestowal of the red hat” sa cardinal ngunit ipinagpaliban it dahil sumailalim sa “14-day mandatory quarantine” si Archbishop Charles John Brown, papal nuncio ng Pilipinas, makaraang dumating sa bansa mula New York.

Itinakda ang okasyon noong Hunyo 8, subalit muling ipinagpaliban batay na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Capiz.

“Sana matuloy na ang “bestowal” ng “insignia,” ayon sa cardinal. “Increasing pa rin kasi ang number ng new COVID-19 cases sa Capiz,” aniya.

Alas 3:30 ng hapon nakatakdang isasagawa ang seremonya ng paggawad ng “insignia” sa Immaculate Conception Metropolitan Cathedral sa Roxas City.

Nakatakda naman sa Hunyo 24 ang pagtatalaga kay Cardinal Advincula bilang ika-33 na arsobispo ng Archdiocese of Manila sa Manila Cathedral.


Source: Licas Philippines

0 Comments