Nalungkot ako nang mabasa ang balita sa social media na mayroon diumanong mga LGBTQ na taga-Maguindanao ang kinalbo para hiyain. Kung totoo man, hindi yata katanggap-tanggap iyon.
Ganda at eksperiyensiya ang mga natutunan ko sa mga kaibigang bakla. Ganda dahil minsan nga naman ay ‘di hamak na mas maganda pa sila sa ating mga babae. Nakakainggit pero minsan ay nakakainis. Paano mo nga naman mapatataob ang mala-Ms. Universe nilang alindog?
Eksperiyensiya naman kasi kaya nila akong gulantangin, pahangain at patawanin.
Kagaya na lang ni Matt, may itsura at magaling magsulat. Pero kapag ikinuwento na ang buhay niya bilang bakla, natatameme ako. Kabog ang beauty ko.
Si John naman, sabi niya noon pagdating niya ng forty ay puwede na siyang mamatay. Ayaw raw kasi niyang mamatay ng pangit. Napapansin ko naman sa mga post niya ngayon, puro lantad ang dibdib at mga abs. Pero keri lang lalo’t pang-atleta naman ang kanyang katawan.
Si Jayfree naman ang muntik nang kainisan ni hubby. Tingin nga naman kasi nang tingin sa akin. Ang akala ni hubby, type ako. Pero nang komprontahin niya, “Hindi kami talo sir! ‘Yung dress niya at shoes ang type ko,” ang isinagot ni Jayfree.
Walang nasabi si hubby nang mga pagkakataong iyon.
Hindi ko rin malilimutan ang 2018 UP National Writers’ Workshop for Mid-Career Authors kung saan ako nakasama. Si Prof. Roland Tolentino ang nag-invite sa aking sumali. Kaya nagpasa ako ng ilang chapter ng nobela. Suwerte naman at nakapasa. Iyon nga lang, hindi ko pa natatapos hanggang ngayon. Saklap lang. Pero may tinatapos akong ibang nobela ngayon.
Ang saya ng karanasan ko sa nasabing workshop. Dami kong natutunan—at ang dami ko ring nainom na Red Horse. Bumaha kasi ng Red Horse nang malaman ni sir Roland na iyon ang klase ng beer na iniinom ko.
Ilan pa sa mga writer na LGBTQ na paborito ko ay sina Joey Baquiran, Louie Jon Sanchez, Kristian Sendon Cordero, Jerry Gracio at siyempre si Danton Remoto na bukod sa founder ng partidong Ladlad ay kinikilala ang kanyang nobelang “Riverrun” sa ibang bansa.
At habang isinusulat ko nga ito, naisip ko bigla ang mga sanaysay ni Jerry sa libro niyang “Bagay Tayo.”
Bagay tayo ni Jerry B. Gracio
Kagaya ng teknolohiya, nag-e-evolve rin ang mga termino tungkol sa kasarian. Kung noon, girl, boy, bakla at tomboy lang ang pinag-uusapan, ngayon ay hindi na. May iba’t ibang tawag na rin na nagsipaglabasan—ang LGBTTQQIAAP.
LGBTTQQIAAP na ang ibig sabihin ay lesbian, gay, bisexual, transgender, transsexual, queer, questioning, intersex, asexual, ally at pansexual.
Sa totoo lang, LGBT (lesbian, gay, bisexual at transgender) lang ang alam ko. Iyong iba pang termino o tawag gaya ng transsexual, queer, questioning, intersex, asexual, ally at pansexual ay nalaman ko lang nang basahin ko ang libro ni Jerry B. Gracio na “Bagay Tayo.”
Sa mga serye ng maiikling sanaysay na nakapaloob sa naturang aklat, ipinakita sa atin ni Jerry na walang kasarian ang pag-ibig. Mababasa mo sa libro ang buhay ng awtor kasama ang kanyang “lalaki” na mangingibig at iniibig, si Pitbull.
Ang kuwento nina Jerry at Pitbull ay kagaya rin ng mga ordinaryong nagmamahalan: may kilig, pagpapaubaya, pagkapit at pagbitaw, pagtitiwala at higit sa lahat, ang pagmamahal.
Nabanggit din ni Jerry sa libro “ang iba’t ibang uri ng bakla.” Halimbawa na lang ang transgender at transsexual. Na ang transgender, ika ni Jerry, ay ang mga bakla na feeling nila, babae talaga sila. Samantalang ang transsexual naman ay iyong mga nagpa-sex change.
Nakakalito nga naman para sa akin ang mga kahulugan ng termino. Pero sabi nga ni Pitbull: “Ano ba ang problema mo sa bakla? Kung bakla ka, e ‘di bakla. Ang mahalaga, mahal kita.”
Tapos nga naman ang diskusyon sa mga salitang “mahal kita”.
Ang cute ng libro. Kasi habang binabasa ko ito, nakikita ko sa isipan sina Pitbull at Jerry. Na-meet ko na si Jerry at Pitbull nang magkayayaang pumunta kami sa Ole kasama si hubby at matalik na kaibigang si Charlson Ong, isa sa ating premyadong nobelista. Paborito naming tambayan ang Ole, piano bar kasi ito. At mahilig kumanta si Charlson kaya’t laging doon napapadpad ang aming mga paa kapag trip naming uminom at trip namang kumanta ni Charlson.
Oo nga pala, congrats kay Charlson sa panibago niyang nobela—ang “White Lady, Black Christ” na inilathala ng Milflores Publishing sa pamumuno ni Andrea Pasion-Flores.
At dahil kasama rin namin si Jerry nang mga sandaling iyon, sinundo siya ni Pitbull. At doon ko unang nakilala si Pitbull. Ang pangalawa naman ay sa book launch ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario (Rio Alma). Dahil isa si Rio Alma sa dahilan kaya’t nahumaling ako sa tula, kapag iniimbitahan niya ako sa book launch niya o ano pa mang event, lagi’t lagi akong gumagawa ng paraan para makapunta. Kahit na malayo. Kahit na busy.
Move on, move on din kapag may time
Sa panahon ngayon, mas makipot pa sa eskinita ang utak ng maraming Filipino. Hindi pa rin talaga nila matanggap na may mga umuusbong na ibang kasarian kagaya na nga lang ng tinatawag na LGBTTQQIAAP. Nandoon pa rin kasi sila sa paniniwalang lalaki lamang at babae ang kasarian sa mundo.
Sa Filipinas, hindi pa rin talaga pinapayagan ang same-sex marriage. Malaking usapin ito. Marami ang umaalma. At nangunguna sa pag-ayaw rito ang Simbahan. Ang practice nga naman kasi o nakasanayan ay babae at lalaki ang nagmamahalan at nagpapakasal.
Pero isipin na lang natin, nasa henerasyon na tayo na ibang-iba sa kinalakihan ng ating mga ninuno. Mabilis na ang mundo. At dapat lamang din tayong makisabay sa pag-inog nito.
Magulo man ang usaping ito at nakalilito pero ano nga naman ang laban ng isang tao kung sinapol siya ng pana ni Kupido?
Hindi natin masasabi kung kanino titibok ang mga pihikan nating puso. Kagaya ko na lang, sa maniwala kayo’t hindi, may ideal man ako. At ang ideal man ko ay hindi ang hubby ko. Lahat kasi ng ayaw ko sa isang lalaki— mainitin ang ulo, malakas manigarilyo at uminom, basagulero (sa ibang tao)—nakuha ng hubby ko. Alam mo ‘yong tipong nagpaulan ng “ugaling pasaway” si Lord at ang sumalo ay ang hubby kong si Joel. Iyong tipong trapal ang dala-dala nang masalo lahat. Ganoon.
Pero dahil nga ang pag-ibig ay walang pinipili at dumarating ito sa ‘di inaasahang pagkakataon, hindi man ang hubby ko ang ideal man ko, hindi ko man siya crush, siya naman ang soulmate ko. Siya ang dahilan kung bakit ngumingiti ako sa bawat pagsibol ng bagong umaga. Dahilan kung bakit patuloy akong lumalaban.
Sa akin, ang mahalaga ay ang pagmamahalan ng magkarelasyon—babae man iyan, lalaki, o LGBTQ. Dapat nating igalang ang pagkatao ng isa’t isa. Sinusunod lang naman nila ang pintig ng kanilang puso at hindi naman sila namemerwisyo ng iba. Kumpara sa mga nakaupo sa trono ng kapangyarihan na kung makapagsalita ay parang dyip na nawalan ng preno. Hindi man lang muna pinag-iisipan ang sasabihin. Kung makaasta, akala mo sila ang may-ari ng Filipinas.
Ikinahihiya at inaalipusta ng ilan ang mga relasyong LGBTQ. Pero sa totoo lang, kaartehan lang iyon. Pagpapanggap.
Kung may dapat mang ikahiya, iyan ay ang mga taong may hangad na masama sa kapwa, sa kapwa Filipino. Ang mga taong ginagamit ang kapangyarihan upang tirisin ang mahihina at mahihirap.
Ang daming hanash ng marami sa atin. Buksan at lawakan natin ang ating pang-unawa. Hindi na mabilang ang mga haggard versoza sa gobyerno. Huwag na nating dagdagan pa. Oo, may pinaniniwalaan tayo. Oo, may batas tayo. Pero sana, maging makatao rin tayo.
Dahil ang karapatang LGBTQ ay karapatang pantao.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments