Archdiocese of Lipa, nagpapasalamat sa mga nagpaabot ng tulong para sa Taal evacuees

Labis na nagpapasalamat ang Archdiocese of Lipa sa mga tulong na kanilang natanggap para sa mga naapektuhan ng pagliligalig ng Bulkang Taal.

Ayon kay Father Jayson Siapco, social action director, sila ay nagagalak sa patuloy na malasakit ng mga kapanalig na nagbabahagi ng tulong mula pa noong unang pumutok ang Bulkang Taal.

Naniniwala si Father Siapco na lalo pa nilang kakailanganin ang pagtutulungan na ito sakaling lumala ang sitwasyon sa Bulkang Taal.

“Mga kapanalig, alam po namin na kayo ay unang mga kapanalig namin na dumadamay sa amin, unang nagmalasakit sa Archdiocese of Lipa noong isang taon at alam ko ngayon patuloy pa rin kayo sa pagdamay sa amin sa mga sitwasyon na ito, kaya ako una ay nagpapasalamat sa inyo at ikalawa, nananawagan sa mga patuloy na tulong,” pahayag ni Father Siapco.

Inihayag ng pari na bukas ang kanilang tanggapan para sa anumang tulong na nais ipahatid sa mga residente na inilikas dahil sa banta ng bulkan.

“Pwede nyo po kami ulit padalhan ng mga tulong mula sa inyong mga pagsisikap at sakripisyo para sa ating mga kapatid na nasa evacuation center at maaaring maapektuhan pa ng Bulkang Taal,” ayon kay Father Siapco.

“Tayo ay naghahanda at sa ating paghahanda tulad ng sinasabi ng government agencies, we are expecting for the worst situation sapagkat ang sitwasyon po ng Taal ay hindi maganda kaya’t puspusan ang paghahanda at pagtulong ng iba’t ibang ahensya kasama na din ang iba’t ibang diyosesis at ahensya ng Simbahan,” pahayag ng pari.

Tiniyak naman ni Father Siapco ang suporta at pagdarasal ni Archbishop Gilbert Garcera ng Lipa para sa mga naapektuhan ng pagliligalig ng Bulkang Taal.

Nagpapasalamat aniya ito sa mga tulong at panalangin na kanilang natatanggap mula sa mga kapanalig.

Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Batangas, higit sa 1,252 na mga pamilya ang nananatili ngayon sa mga evacuation centers habang nasa 2,531 na pamilya ang pansamantalang nakituloy sa kanilang mga kamag-anak.


Source: Licas Philippines

0 Comments