Mommy issues

Lahat naman tayo ay may isyu sa buhay. Iyon nga lang, iba-iba. Halimbawa na lang tayong mga Mommy, kadalasang isyu natin ay tungkol sa pamilya, tungkol sa ating mga anak lalo na kung malalaki na ang mga ito.

Madali nga naman kasing suwayin ang mga anak kapag maliliit pa. Pero sa pagtuntong na nito sa hustong gulang, may sarili na itong desisyon. May sarili na ring pagtingin sa mga bagay-bagay. Ipinipilit na rin ang gusto.

Mommy Issues

Pero hindi lang naman tayong mga Mommy ang masasabing may samu’t saring  isyu sa buhay, gayundin ang mga anak. At iyan ang ipinakikita sa “Mommy Issues” na pinagbibidahan nina Pokwang, Sue Ramirez, Jerome Ponce, Ryan Bang at Ms Gloria Diaz.

Umiikot sa kanaisang maprotektahan ni Ella (Pokwang) ang kaisa-isang anak na si Katya (Sue). Pero dahil dito ay nagkaproblema ang mag-ina. Sa puntong ito, to the rescue naman si Fenny (Gloria Diaz), ang Mommy ni Ella, na lola naman ni Katya.

Nagsimula ang hidwaan ng mag-ina nang ma-engage si Ella kay Migo (Jerome). At sa pagpasok naman sa eksena ni Mr. Kim Jae Ho (Ryan), medyo tumindi ang tampuhan nina Ella at Katya.

Sa “Mother Issues” ay hindi lamang isyu ng ina sa anak ang ipinakita kundi ang isyu rin ng anak sa ina.

Natuwa ako sa palabas na ito. Natural para sa akin ang inilatag na scenario. Natural din ang usapan o conversation ng mga karakter. Mapapansin din sa palabas na kung minsan ay nagiging OA (overacting) na ang Mommy, gayundin ang anak.

Sariling isyu

Kung isyu at isyu lang ang pag-uusapan, marami ako niyan.

Buong akala ko, magkakaroon ako ng mas maraming oras dahil nga nasa bahay lang. Pero doon ako nagkamali. Mas darami pala ang mga isyung yayakap-yakap sa akin ngayong nasa bahay lang ako. Mga gawaing bahay: paglilinis, paglalaba, pamamalengke at pagluluto. Siyempre, kailangan ding asikasuhin ang asawa at anak.

Sa mga gawaing nabanggit, malaki na ang oras na igugugol mo rito. Sa paglilinis at paglalaba, hindi ka naman matatapos ng isang oras lang. At dahil pagod ka pagkatapos, kailangan mong magpahinga.

Samantalang sa pamamalengke naman at pagluluto, kulang din ang dalawang oras para magawa mo ito. Hindi ka naman kasi bibili lang ng mga gusto mong bilhin o kukuha lang ng mga nakita mo sa grocery.

Sisipatin mo pa ang karne, isda, manok at gulay para masigurong fresh ang mga ito. Papasadahan mo pa ng basa ang mga bibilhing de lata para lang matiyak na hindi pa ito expired.

Sa pagluluto naman, huhugasan pa ang karne at gulay. Ihahanda at hihiwain ang mga sangkap. Suwerte ka kung may ideya ka na ng lulutuin. Kung wala pa, panibagong oras ang masasayang sa pag-iisip.

Magpapalambot ka pa ng karne, ilalagay ang gulay saka titimplahan. Siyempre, hindi naman magtatapos sa pagluluto ang lahat. Ihahanda mo pa ang lamesa, maghahain nang mapakain ang asawa at anak. At pagkatapos din ninyong kumain, kailangan pang maghugas ng pinagkainan.

Sa mga gawaing nakalatag, kahit pa hindi mo ito sabay-sabay na gagawin sa isang araw, kakain pa rin ito ng marami-raming oras. Oras na kailangan mong ibawas sa iba mo pang nakaplanong gawin gaya nga ng pagsusulat ng nobela at pagrerebisa ng koleksiyon. Paano pa kung nahilig kang manood ng K-Drama o mga palabas sa online o Netflix, e ‘di panibagong bawas na naman iyon ng oras mo.

Napagtanto kong hindi pala madali ang manatili sa bahay. Nakakapagod din pala.

A family works from home in this photo taken in the middle of the pandemic in Manila in May 2020. (Photo by Mark Saludes)

Sa hinaharap

Noon, lagi kong idinadahilan ang araw-araw na pagtungo sa opisina kaya’t hindi ko natatapos ang pagrerebisa ng koleksiyon ng mga sanaysay at ang pagsusulat ng ikatlo kong nobela.

Pero mali ako.

Mali ako at nakita ko ang pagkakamaling iyon kaya’t pilit kong itinatama.

Lahat tayo ay gusto nating matapos na ang kinahaharap na pandemya. Walang kasiguraduhan kung kailan ito matutuldukan. Marami ring tanong ang nasa ating isipan. Maraming takot ang nananatili sa ating mga puso.

Pero sana, sa nangyaring pandemya ay matauhan na ang marami sa atin. Kumbaga, huwag na tayong magpadala pa sa magaganda o mabubulaklak na salita ng mga kandidato. Tama na ang pagboto sa isang politiko dahil artista ito o guwapo at maganda. Tama na iyong bumilib tayo dahil astig kuno. Tama na iyong dahil kababayan, iboboto kahit na idinaan lang tayo sa paggamit ng magagaspang na salita.

Natikman natin ang hirap na nilasap at patuloy na nilalasap ng bansa dahil sa mga taong naghahari-harian sa gobyerno.

Ang kung ano mang pagkakamali ang nagawa natin noon, huwag na nating ulitin pa. Huwag tayong matakot na aminin ang pagkakamali natin. Huwag din tayong matakot na baguhin o itama ito.

Huwag din tayong padadaig sa takot at kahihiyan.

Gaya rin kung paano natin kilatisin ang karne ng baboy, manok, isda at gulay, sana ay ganoon din ang gawin nating pagkilatis sa mga kandidatong pagkakatiwalaan natin sa susunod na halalan.

Kung paano natin pasadahan ng basa ang label ng isang produkto, ganoon din sana ang gawin nating pagpasada sa kakayahan ng susunod na iluluklok sa puwesto.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments