Isyu nga ba ang sex? Kapag magkasama ba ang dalawang magkaibigan sa iisang kuwarto, lagi’t lagi bang may intimate moment na dapat mamagitan? O puwede nga bang walang mangyari?
Naintriga ako sa mga tanong na iyan nang mapanood ko ang “My Amanda.” Sa sarili kong pananaw, posible. Puwedeng-puwede iyong sobrang close kayo pero walang sex na nagaganap. Kumbaga, magkaibigan ang samahan. Higit pa sa magkapatid ang turingan.
Pero siyempre, sa mabilis nga namang pag-inog ng panahon ay kasabay nito ang maraming pagbabago. Kagaya na nga lang kung paano mag-isip ang marami sa atin. Kaya’t ang sex, sa tingin ko’y depende talaga iyan sa dalawang taong sangkot—magkaibigan man sila o magkarelasyon.
My Amanda at paano ito naging kakaiba
Sa mga hindi gaanong nakaaalam, hindi gaanong nanonood si hubby ng Filipino movies, puwera na lang kung horror. Pero ‘yun ngang huling horror na pinanood namin, sa tanda ko ay tatlong araw pa ang dumaan bago niya ito natapos. Nang ma-bore kasi siya nu’ng nanonood kami, iniwan na niya ako. Tapusin ko na lang daw nang mag-isa. Saka na niya papanoorin.
Kapag ganoon na ang litanya ni hubby, alam na alam ko na: hindi niya type ang palabas. Samantalang, okay naman para sa akin. Kunsabagay, hindi naman siya gaanong nanonood ng Filipino movies. Kumbaga, mabibilang lang sa daliri ang napanood niya.
Kaya naman, nang panoorin ni hubby ang “My Amanda” ay ganoon na lang ang gulat ko. “Nagka-interes siyang manood ng Filipino movie,” sa isip-isip ko pa. Binabasa ko nang mga sandaling iyon ang Book 3 ng Janus Silang series na isinulat ni Edgar Calabia Samar. Kahit na magkatabi sa kama, wala kaming pansinan. May kanya-kanya kasi kaming pinagkakaabalahan. Kaso nga lang, na-distract ako sa katatawa niya. Hindi ako makapag-concentrate sa binabasa ko. Kaya ayon, nakinood na rin ako.
At hindi nga nagpalit-saglit, sabay na kaming tumatawa ni Joel.
Marahil, marami ang magsasabing imposibleng walang mamagitang sex sa dalawang magkaibigan lalo na kung sobrang close nila sa isa’t isa. Na hindi kapani-paniwala ang naturang palabas.
Kakaiba ang “My Amanda,” una, dahil sinalungat nito ang kung ano mang format ng isang palabas. O kung anong iniisip ng marami. Ipinakikita nito na higit sa sex, may mas mahalaga pa at iyan ay ang pagkakaibigan. Ang samahang higit pa sa magkapatid.
Ikalawa, matagumpay ring naipahayag ang emosyong nakapaloob sa magkaibigang sina TJ (Piolo Pascual) at Amanda (Alessandra De Rossi). Ang astig ng pag-arte nina Piolo at Alex. Makikita mo ‘yung galing habang tinititigan mo ang mga mata nila. May mga eksena na kinakabahan ako kasi baka biglang bumigay si TJ sa tuwing kinukulit-kulit siya ni Amanda. Kasi may “love” na nakapinta sa mga mata nila e. Kakaibang love ‘yung nabanaagan ko na hindi masisira ng sex.
Ikatlo, nakatawag din ng pansin sa akin ang diyalogo. Sobrang natural. Totoong-totoo. Ang galing nu’ng mga hirit ni Amanda.
Panghuli, hindi man ibinigay ng manunulat o palabas ang reward sa kanyang mga manonood, malinaw at maayos pa ring naisakatuparan ng “My Amanda” ang pagtatangka nitong ipakita ang relasyon ng mag-bestfriend. Sabihin mang walang namagitang “sex” ay naging matagumpay pa rin ang palabas para sa akin. Hindi naman kasi lahat ay nakatuon sa sex. Hindi naman umiinog ang buhay ng sex lang ang nakasentro.
May basehan nga ba o wala ang palabas?
Nabasa ko sa comment ni Noreen Capili sa Facebook na hango sa totoong buhay ang “My Amanda.” Kuwento ito ni Alex at ng kanyang bestfriend.
Pero sabihin na nating walang pinagbasehan ang naturang palabas. Pero hindi nga ba’t ang masarap panoorin ay iyong mga kakaiba? Iyong hindi madalas mangyari? Iyong mapapaniwala mo ang manonood sa hindi kapani-paniwala?
Okay, hindi lahat ng bestfriend ay guwapo na kagaya ni Piolo Pascual. Pero hindi naman dahil sa guwapo o maganda ang isang tao kaya’t nakadarama tayo ng pagnanasa. Isa pa, kung magkapatid na ang turingan ng magkaibigan, kahit na hubo’t hubad pa iyan, walang dadaloy na malisya sa pagkatao mo. Baka mapa-ewwww ka lang.
Mapamuna ang mata ng marami. Kapag magkasama sa iisang kuwarto ang magkaibigan, pinag-iisipan kaagad nila ng masama. Iisipin nilang may “milagrong” ginagawa.
Maraming posibilidad ang buhay at huwag nating hayaang nakakandado ang mga utak natin sa mga bagay o gawi na “pinaniniwalaan” o “nais nating paniwalaan.”
Posible na makatagpo tayo ng bestfriend na kagaya ni TJ o Amanda.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments