Ngayong malapit na magtapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, ating tignan ang mga nagawa ng kaniyang administrasyon sa mga suliraning pangkalikasan at pangklima.
Habang patungo ang mundo sa pagkamit ng likas-kayang pag-unlad o sustainable development pagdating ng 2030, sapat ba ang nagawa ng kaniyang pamumuno para sa ating kalikasan at klima?
Urong-sulong
Mainit ang simula ng kasalukuyang administrasyon sa pagtatalaga kay Gina Lopez bilang Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources. Ipinasara niya ang 23 minahan at kinansela ang maraming kontratang maaaring magsanhi ng pagkasira ng kagubatan, kabundukan, at mga watershed. Subalit tumagal lamang siya ng 10 buwan sa kaniyang puwesto dahil sa impluwensiya ng malalaking kumpanya sa industriya ng pagmimina.
Matapos ang apat na taon, nag-U-turn si Duterte nang kaniyang alisin ang ban sa pagbibigay ng lisensya para sa bagong operasyon ng mga kumpanya sa pagmimina. Ginawa ito umano upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng pandemya, ngunit maaari itong magdulot ng kapahamakan sa kalikasan, mga katutubo, at environmental defenders sa isang bansang itinuturing na isa sa mga pinakamapanganib sa buong mundo.
Naging mahalagang isyu rin ang rehabilitasyon ng Manila Bay. Sinimulan na ang naturang proyekto noong 2019, mahigit sampung taon matapos utusan ng Korte Suprema ang pamahalaan. Sa kasalukuyan, luminis ang kalidad ng tubig sa Manila Bay, bagaman hindi pa rin pasok sa nibel upang maging ligtas sa paglangoy.
Ngunit ang tinaguriang “Battle for Manila Bay” ay maaaring mabigo dahil sa sariling aksyon ng pamahalaan. Nananatiling kontrobersyal ang dolomite beach sa may bandang Baywalk dahil sa posibleng masamang epekto nito sa karagatan, sinasabing kawalan ng basehan sa agham, at pagiging aksaya sa pera ng taumbayan, sa kalagitnaan ng pagsasabi ng Pangulo na kulang ang pondo sa paglaban sa COVID-19.
Mabilisan din ang pag-apruba ng Kongreso sa prangkisa ng “Bulacan Aerotropolis” na itatayo ng San Miguel Corporation. Plano itong maging pangunahing airport ng bansa, ngunit magreresulta ito sa reklamasyon na makasisira ng maraming bakawan at palaisdaan, at magpapalala ng pagbaha sa mga karatig na lugar. Katulad nito ang sasapitin ng mga katutubo, iba pang komunidad, at mga kagubatan sa pagtatayo ng Kaliwa Dam, bilang bahagi ng programang “Build, Build, Build.”
Sa kabilang banda, naipasa ng Kongreso ang ilang batas pangkalikasan at pangklima mula noong 2016. Kabilang dito ang RA 11285 (“Energy Conservation and Efficiency Act of 2018”), RA 11038 (“Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018”), at HR 1377, kung saan nagdeklara ang Kamara ng climate emergency.
Patuloy din ang diskurso sa mga panukalang pag-phase-out ng single-use plastic, pagpapalakas ng integrated coastal management, paglikha ng kagawaran na tutugon sa mga disaster, likas-kayang pangangasiwa ng mga kagubatan, pagpapabuti ng pagpaplano ng land use, at iba pa. Subalit marami sa mga panukalang ito, na ilang taon nang hindi naipapasa, ay nanganganib na muling maibaon sa limot, dala ng pag-uuna sa pagtugon sa pandemya at papalapit na halalan sa 2022.
Kulang sa pagbabago
Mahigit limang taon matapos mabuo ang Paris climate agreement, naisumite na ng Pilipinas ang una nitong Nationally Determined Contributions. Sa ilalim ng naturang dokumento, boluntaryong ibababa ng bansa ang ibinubuga nitong greenhouse gases ng 75% sa loob ng kasalukuyang dekada, kumpara sa kung walang solusyong ipapatupad. Nakatuon ngayon ang atensyon ng gobyerno sa negosasyon sa ibang bansa at pandaigdigang ahensya para sa kinakailangang pondo, kagamitan, at kapasidad sa pag-aksyon laban sa krisis sa klima.
Sa kabila nito, wala pa ring malinaw na plano sa pagbabawas ng ibinubugang polusyon dala ng paglaki ng ating ekonomiya pagdating ng 2030 o 2050. Humina rin ang impluwensya ng Pilipinas sa pandaigdigang diskurso dahil sa pag-aalangan ng Pangulo na maging aktibo ng bansa sa negosasyon. Matatandaang nagbato ng galit ang Pangulo sa mga kinatawan ng bansa sa mga usaping pangklima dahil sa umanong magastos na trabaho, kahit na nabalitaang maluho ang mismong mga biyahe niya bago tumama ang pandemya.
Samantalang makikitang may pagpapabuti sa ating pagresponde sa mga disaster sa nakalipas na limang taon, katulad ng early warning systems, maagang pag-evacuate ng mga residente, at komunikasyon sa panahon ng sakuna. Gayunpaman, tatlo sa sampung pinakamapaminsalang bagyo sa ating kasaysayan (“Ompong”, “Ulysses”, “Rolly”) ang tumama sa bansa sa administrasyong Duterte. Nangangahulugan ito ng matinding pangangailangan sa pagpapahusay ng mga programa sa pag-iwas sa mga sakuna, pagbabawas ng panganib sa mga komunidad, at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at iba pang mga sektor.
Pagdating sa pag-aksyon sa krisis sa klima, mahalaga rin ang sektor ng enerhiya. Naging laman ng maraming balita ang mga katagang bill shock, red alert, at yellow alert sa nakalipas na mga buwan. Bilang tugon, sinimulan na ng Department of Energy ang lubusang pag-iimplementa ng RA 9513 (“Renewable Energy Act of 2008”) mahigit isang dekada matapos itong maisabatas, at nagpatupad ito ng isang moratorium laban sa pagtatayo ng mga bagong coal-fired power plant. Nabuo rin ang Sustainable Finance Framework, na naglalayong magpatupad ang mga bangko, na nagpopondo ng mga industriyang nagbubuga ng matinding polusyon, ng patakaran at pamamalakad na nakatutulong sa pag-abot ng likas-kayang pag-unlad.
Sa kabila nito, nanganganib na mabawasan ang bisa ng naturang polisiya dahil sa ibang aksyon ng gobyerno. Kahit na may coal moratorium, plano pa ring itayo ang mga coal plant na naaprubahan na. Ang paglago ng renewable energy ay maaaring bumagal dulot ng mga panukala sa Kongreso na palakasin ang industriya ng natural gas, isa pang sanhi ng pag-init ng ating mundo.
Marka
Sa ating pagsusuri, matatandaan ang liderato ni Pangulong Duterte sa pagpasa ng mga importanteng batas at polisiyang pangkalikasan at pangklima na mababa ang epekto dulot ng mga problema sa pamamahala na patuloy na namamayagpag sa Pilipinas. Mahinang pagpapatupad, personal na interes, at kawalan ng koordinasyon at pagsasali sa mga mamamayan sa pagdedesisyon ay ilan sa mga suliraning ating namasdan sa kasalukuyang administrasyon na nagsayang ng pagsisikap ng marami sa mismong gobyerno at iba pang sektor.
Bagaman may isang taon pang natitira sa termino ng Pangulo, malinaw na malaking pagsubok ang hinaharap ng susunod na Presidente sa pagresolba sa krisis sa klima at kalikasan at paglalagay ng Pilipinas sa daang patungo sa likas-kayang pag-unlad.
Marka: C
Si John Leo ay ang Deputy Executive Director for Programs and Campaigns ng Living Laudato Si’ Philippines at miyembro ng interim Secretariat ng Aksyon Klima Pilipinas. Kinatawan siya ng lipunang sibil ng Pilipinas sa mga UN conference sa kalikasan at klima mula noong 2017. Isa siyang citizen journalist at manunulat sa mga suliraning pangkalikasan at panlipunan.
Source: Licas Philippines
0 Comments