A Faraway Land at ang mahika ng pag-ibig

Reporter siya.

Ito ang dahilan kung kaya’t naengganyo akong panoorin ang “A Faraway Land.” Pinagbibidahan ito nina Yen Santos (Majhoy Garðalið) at Paolo Contis (Nico Mercado). At siyempre, nakadagdag din sa kagustuhan kong mapanood ang palabas dahil sa nakaambang pagsibol ng pag-ibig kina Majhoy at Nico.

Ginamit ko nga pala ‘yung spelling na “Majhoy” kasi sinunod ko ‘yung nasa letter ni Nico. Sa online kasi kapag tsinek mo, “Mahjoy” ang nakalagay. Napansin ko rin pala sa ibang online news “Mendoza” imbes na “Mercado” ang apelyido ni Nico.

Sa palabas, inabangan ko kung paano ang treatment ng manunulat at director sa mga journalist. Kung paano bibigyang buhay ni Paolo Contis ang karakter nito bilang si Nico Mercado na gumagawa ng documentary sa ibang bansa.



Sa simula pa lang, malalaman mo na kung saan hahantong ang kuwento. Kitang-kita na kasi ito’t damang-dama ng kagaya kong makilatis habang nanonood. Kumbaga, para sa akin ay hindi man lang nagtangka ang manunulat, maging ang mga karakter nang nasabing palabas na iligaw ang pag-iisip ng mga manonood. Sa simula pa lang ng eksena, alam mong may mamamagitan kina Majhoy at Nico. Ramdam mo sa titig ni Nico na mai-inlove siya kay Majhoy. 

Gamit na gamit na ang ganoong senaryo. Love triangle. Ang panlaban na lang ng manunulat ay kung anong twist ang kaya niyang i-offer sa manoood. May bitin. May kagyat na kilig ang “A Faraway Land.”  Ipinasisilip din ang buhay ng mga kababayan nating nagtatrabaho at nakapag-asawa ng ibang lahi. Gayundin ang pagkakaiba sa ugali at paniniwala ng mga Pinoy at foreigner.

Nakabibighani rin ang kagandahan ng Faroe Island. Parang ang sarap-sarap lang tumira sa ganoong lugar. Marami-rami sigurong nobela ang matatapos ko kapag ganoon kaganda ang lugar na lalagian ko.

Problema nga lang ay hindi ko masyadong naramdaman ang pagiging reporter ni Nico sa palabas. Siguro dahil marami akong gustong makita at maramdaman sa karakter nito bilang journalist na gumagawa ng documentary sa ibang lugar. O siguro dahil masyado akong naghangad sa palabas?

Nakulangan ako sa mga eksena. Sa tantiya ko ay may mga kailangan pang ilabas na hindi nailabas. Isa na rito ‘yung hindi nila gaanong na-develop ang pagiging journalist ni Nico.

Naipakita man sa pelikuka kung paano magmahal, magtimpi at magpaubaya, nakalimutan naman nilang bigyang diin ang pakikipaglaban ni Nico bilang isang mamamahayag, lalo na kung gaano kadelikado ang propesyong ito. Ipinahiwatig lang ito sa huli. Sayang na sayang.

Promotional photo from the movie “A Faraway Land” in Netflix

No choice nga ba tayo pagdating sa pag-ibig?

“No choice.”

Ayon kay Majhoy, iyan ang isinasagot niya sa tuwing tinatanong siya ng asawang si Sigmund Garðalið (Hans Tórgarð) kung ano ang nagustuhan niya rito.

No choice nga ba tayo?

Twenty-three years ang age gap namin ni hubby. Biro ko nga lagi, nagwawala na siya samantalang iniluluwal pa lamang ako.

Marami ang nagtataka sa relasyon  namin. Marami ang umayaw. Marami ang bumatikos. Pero dahil tunay ang nararamdaman namin sa isa’t isa, lumaban kami. Sinunod ang makapagpapaligaya. Hindi nagpabuyo sa sinasabi ng mga nakapalibot sa amin. 

Hindi naging madali ang pagsasama namin ni hubby. Sa mga unang taon, para kaming aso’t pusa. Maliit na bagay lang at walang kakuwenta-kuwenta, pinag-aawayan namin. Ang masaklap pa nito, pareho kaming panganay. Pero sa kalaunan ay natuto rin kaming magpaubaya at maging mapagbigay sa isa’t isa.

So, no choice ba kaming dalawa? Paano iyan, fifteen years na kaming nagsasama? Masaya kahit na kung minsan ay parang aso’t pusa pa rin. Minsan din, nag-aasaran na lang kami imbes na mag-away.

Ang punto ko rito, piliin natin ang kung ano man ang makapagpapangiti sa ating mga puso. Ibig sabihin ay mayroon tayong choice. Oo, sabi ng ilan ay hindi lamang puso ang dapat pairalin kundi samahan din ng kaunting utak. Pero kapag puso na ang nagpasiya, lagi’t lagi namang tama. Magiging mali lamang iyan kung hindi mo magagawang ipaglaban.

Kagaya ng lahat ng bagay, may mga puwede tayong pagpilian. Wala na rin naman tayo sa panahong ipinagkakasundo tayo ng mga magulang natin sa anak ng mga amigo o amiga nila. O pambayad utang, kumbaga.

Malaya tayong pumili ng mamahalin. May kakayahan tayong mamili kung anong landas ang nais nating tahakin. Kagaya ng kalayaang magsalita o magpahayag ng niloloob. Kalayaang bumoto. Kalayaang pansinin ang mga politikong nalilihis ng landas at nasisilaw sa kapangyarihan.

Nag-iingay na naman ang mga kandidato Nalalapit na rin kasi ang eleksiyon. Ngayon pa lang, mag-isip-isip na tayo. Kilatisin ang bawat nag-aasam ng posisyon sa gobyerno. Higit sa lahat, huwag na nating hayaan pang maloko at maghirap tayo dahil lang sa mga politikong nagsasabing wala tayong choice kundi sila.

Hanapin natin ang mga karapat-dapat na mamuno sa ating bayan. Dahil ang bayan, karapatan at puso ay iisa.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news 


Source: Licas Philippines

0 Comments