Hindi ako ma-sports na tao. Mahilig akong manood ng iba’t ibang sport pero wala akong kakayahang maglaro. Minsan lang akong sumali sa liga. Volleyball ang sinalihan ko. Anyway, hindi naman talaga ako sumali kundi isinali lang ako. Sa simpleng dahilan, kulang ang players. Substitute lang naman ako.
So ayon, pinaglaro ako. At sa sobrang galing ko talaga, laging palikod ang punta ng bola. O kaya naman sa gilid. Nagkataon pa namang ang papa ko ang coach namin. “Pambihira,” dinig na dinig kong sabi ng papa ko. “Sa lahat ng Sarigumba, ikaw lang ang hindi marunong maglaro,” dagdag pa nito. Lahat nga naman kasi ng mga pinsan ko, ang gagaling maglaro—mapa-volleyball man iyan o basketball.
Nilingon ko lang ang papa ko sabay simangot. “Ayoko na dito Pa. Baka tamaan ako ng bola,” reklamo ko pa. Natawa ang papa ko sabay kamot sa ulo. Tiis-tiis na lang daw muna ako at maya-maya ay papalitan na ako. Katirikan na ng araw. Parang nilitson na ang mukha ko ng mga oras na iyon sa sobrang pula.
Kada serve ko ng bola, laging out. O kaya naman, hindi umaabot sa net. Pero sa kabila niyon, nanalo pa rin kami. Magagaling kasi talaga ang mga kagrupo ko. Katangi-tanging ako lang ang panggulo. Pero kahit na wala akong nagawang tama sa laro naming iyon, hindi naman nila ako sinisi o kinainisan.
Sinabi ko na iyon sa kanila. “Basta tumayo ka lang,” sabi ng mga kasamahan ko. Kaya’t may mga pagkakataong kapag papunta na sa gawi ko ang bola, may ibang kumukuha nu’n para sa akin. Kasi kapag walang kumuha, tatakbuhan ko talaga ang bola.
Alam naman ng buong team na hindi talaga ako marunong maglaro. Takot ako sa bola. Pero napilitan silang isama ako para lang hindi ma-disqualify ang grupo. O ‘di ba, ang galing-galing lang. Liga. Mula sa iba’t ibang barangay ang mga nagpagalingan at nagkalat ako. Pero sa mga presentation naman, pagsulat ng script, sanaysay o kaya talk, ako naman ang nagiging pambato nila. O mas mainam yatang sabihing ako lang ang may lakas ng loob na magsalita sa harap ng maraming tao.
Weightlifting Fairy Kim Bok-joo
Dahil nga, wala talaga akong kakayahan sa sports, hangang-hanga ako sa mga babaeng ang gagaling maglaro.
Last year ko pang napanood ang K-drama na “Weightlifting Fairy Kim Bok-joo.” Sa pagpasok ng pandemya sa bansa, naghanap ako ng mga palabas na puwedeng makagaan ng pakiramdam. Nakaka-depress nga naman iyong biglang lockdown. Nakakabigla. Kaya’t isa sa inirekomenda ng kapatid kong si Chen ang “Weightlifting Fairy Kim Bok-joo.” Maganda raw ang palabas at matutuwa ako.
Hindi ako nagdalawang isip at pinanood ko ito sa Netflix.
Umiikot ang kuwento kay Kim Bok-joo (Lee Sung-Kyung), sa pangarap niyang maging weightlifter. Maraming pagsubok ang nagtangkang humarang sa pagkamit niya ng tagumpay pero nalampasan niya iyon.
Ipinakita sa “Weightlifting Fairy Kim Bok-joo” ang tatag at lakas ng isang babae. Gayundin ang kaya nitong gawin para sa pag-ibig at pangarap. Humanga ako sa pag-arte ni Lee Sung-kyung bilang Kim Bok-joo. Nabigyan niya ng hustisya ang palabas at ang sports na weightlifting.
Natuwa ako sa palabas. Kinilig. Na-inlove. At higit sa lahat, nabigyan ng pag-asa.
Hidilyn Diaz
Namamayagpag nga naman tayong mga Pinoy pagdating sa palakasan o sport. Mula nga sa boksing at ngayo’y sa weightlifting.
Kung si Kim Bok-joo ang weightlifting fairy ng K-drama, si Hidilyn Diaz naman ang sa Pinas. Hindi script. Hindi kathang-isip. Totoo. Sumabak sa labanan at nag-uwi ng medalyang ginto. Nagbigay ng karangalan sa bansa sa kabila ng pag-red tag sa kanya ng kasalukuyang administrasyon.
Pero kagaya nga ng lahat ng bagay, hindi naging madali ang paghakbang sa rurok ng tagumpay, lagi’t laging nariyan ang mga pagsubok. May mga pagkakataong hihilahin ka ng kawalan ng pag-asa. Pero kung matibay ang loob mo’t pinanghahawakan ang pangarap, malalampasan mo ang lahat ng pagsubok at problema.
Sa ipinakitang gilas at galing ni Hidilyn Diaz, gayundin ni Nesthy Petecio, malayong-malayo na tayo sa babaeng binabansagang “Maria Clara.” Tuldukan na ang nakagawiang kapag babae, pambahay lamang. Pangkusina lamang. Tagapag-alaga ng pamilya’t tahanan.
Hindi na uubra ngayon ang sinaunang nakaugalian na ang babae ay kailangang laging mahinhin. Sa panahon ngayon, ang babae ay dapat na may tapang, talino, tatag. Higit sa lahat, bagsik.
Iyan ang Filipina. Iyan ang kababaihan. Saan mang sulok ng mundo.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments