Hidwaan. Pagkalito. Ligalig.
Iyan umano ang hatid ng paggamit ng “Filipino” at “Filipinas” ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF). Dahil dito ay nagdesiyon ang Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF na ipatigil ang paggamit ng mga salitang ito at ibalik ang “Pilipinas” bilang opisyal na pangalan ng bansa at “Pilipino” bilang panukoy sa mga mamamayan.
Sa isyung ito kaya’t dumalo ako sa press conference ng KWF. Mahalaga sa akin bilang manunulat at mamamahayag ang usaping ito. Simula noong 2013 ay ginagamit ko na ang “Filipinas” at “Filipino” sa aking mga sulatin—maikling kuwento man iyan, nobela, sanaysay o maging tula. Tapos bigla-bigla na lang ipatitigil.
Noong araw na iyon, umasa akong mabibigyang linaw ng Tagapangulo ng KWF na si Arthur Casanova ang isyung ito. Ngunit sa ‘di inaasahang pagkakataon, hindi ako naging kumbinsido sa mga sagot niya.
Sa bawat tanong tungkol sa “Filipino” at “Filipinas” ay lagi’t lagi niyang ipinangsasanggala na nakasaad umano ito sa Saligang Batas 1987. Sinabi rin ni Casanova na hindi na raw dapat pang pinagtatalunan ang naturang usapin.
Tila malabnaw para sa akin ang mga naging tugon niya sa nasabing isyu. Maging ang mga ipinakitang halimbawa ay walang bigat. Kagaya na lang ng “Nayong Pilipino” at “Binibining Pilipinas” dahil sa paggamit nito ng “P.”
Gayunpaman, umaasa akong sa hinaharap ay maglalabas ang KWF ng datos at kongkretong paliwanag na nararapat ngang ipatigil ang paggamit ng “Filipino” at “Filipinas.”
Naaayon nga ba ang bagong kapasiyahan ng KWF sa gawaing pangwika?
Kaya naman minarapat kong makapanayam ang dating Tagapangulo ng KWF at Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario. ‘Ika niya, hindi naaayon sa gawaing pangwika ang bagong kapasiyahan ng KWF na ipagbawal ang paggamit ng “Filipinas” sa pangalan ng bansa at ng “Filipino” bilang pantawag sa mga mamamayan at kultura ng Filipinas.
Ayon pa kay NA Almario, nakalilito lang umano ito sa mga ayaw tumanggap ng pagbabago o pagtutuwid sa isang malaking pagkakamali. Mahirap ipagbawal ang paraan ng paggámit sa wika. Maliban kung nagpapalaganap ito ng isang paniwalang kriminal at tahasang nanggugulo sa maayos na paggámit ng wika. At kailangan pang patunayan iyon.
Ang ibig umano niyang sabihin, kahit ang isang opisyal na ahensiyang pangwika ay walang karapatang pumigil sa isang paraan ng paggamit ng wika nang hindi muna idinadaan sa mga demokratikong proseso.
“May naging dokumentado bang pagsusuri o survey ang KWF tungkol sa kaso? Nagkaroon ba ng pampublikong pagdinig o pagpapalitang kuro?” tanong ni NA Almario.
Sa kaso umano ng paggamit ng “Filipinas” at “Filipino” noong 2013 kung saan si NA Almario ang namumuno sa KWF, ang desisyon ay pinag-usapang mabuti bago ito nagpalabas ng kapasiyahan. Ang mga tumutol ay kanilang inanyayahan sa isang pangmadlang forum na ginanap sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
“Sa kasawiang-palad, walang dumating sa mga tumututol,” wika ni NA Almario. “Ang mga taga-UP History department ay inanyayahan ng Valenzuela Museum sa isang palitang-kuro at pinadalo ako. Nagpaliwanag ako sa mga naroong guro at sa kapanel na professor ng UP. Pagkatapos ng palitang-kuro ay tinanggap ng mga naroong taga-UP ang saligan ng aming paniwala at wala na kaming narinig. Upang magpaliwanag pa ay nagpalabas ang KWF ng isang primer na may salin sa Ingles at pinalaganap sa Internet bukod sa ipinamumudmod kapag may seminar o kumperensiya,” kuwento pa ni NA Almario.
Ibinahagi rin nitong sa loob ng anim na taón niyang paglilingkod sa KWF ay wala na siyang narinig kundi mga tsismis. Walang pormal na sagot sa kanilang mga argumento.
“Sana naipaliwanag pa namin ang hindi maintindihan o nasagot namin ang bagong saligan ng pagtutol. Ang prosesong sinunod namin ay higit sanang mainam na sinunod din ng kasalukuyang tagapangulo ng KWF upang higit na napairal ang demokrasya at higit na napag-usapan muna ang kanilang katwiran sa pagbabawal,” dagdag ni NA Almario.
Unconstitutional daw ang “Filipinas” at “Filipino”?
Sa ginawang press conference ng KWF, sinabi ni Casanova na “unconstitutional” daw ang ginawang pagpapalit ng “Filipino” sa “Pilipino” at “Filipinas” sa “Pilipinas.”
Sagot naman dito ni NA Almario, “Alam ninyo, ngayon ko lang narinig ang katwirang ito sa pagbabawal. Naging usaping legal ang kaso, sa halip na isang usapin ng pagbago sa nakamihasnan. Kahit noong 1970s at ipinapasok ang ‘Filipino’ bilang konsepto para sa development ng wikang pambansa ay matagal kong ipinagtanggol ang ‘Pilipino.’ Kasama ako sa mga nagpetisyon sa Constitutional Assembly noong 1971 laban sa ‘Filipino.’ At hanggang ngayon naniniwala akong hindi wasto ang mga paratang laban sa ‘Pilipino’ na pinalalaganap noon ng Surian. Natalo ang ‘Pilipino.’ Pinag-aralan ko ang konsepto ng ‘Filipino’ at nakita kong higit itong kapaki-pakinabang para sa wikang pambansa. Nagmungkahi ako noon pa ng mga dapat baguhin—ang alpabeto—at bahagi ng aking mga mungkahi ang ‘Filipinas.’”
Sinabi pa ni NA Almario, na kung ang salin ng Surian/Linangan noong 1991 ang iwinagayway ay hindi siya naniniwala sa naturang dokumento. Gawa iyon ng pamunuan ng Surian/Linangan na ayaw ng “Filipino” kaya hangga’t maaari ay pinaiiral ang “Pilipino.” Kapag binasa ang 1987 Constitution sa Ingles, nakasaad doon (Seksiyon 8, Artikulo XIV) na “this Constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major languages, Arabic and Spanish.” Ano ibig sabihin nito, wala dapat salin sa Filipino ang 1987 Constitution. Sa halip, dapat na ipinatupad ito sa dalawang bersiyon, sa wikang Filipino at sa wikang Ingles. Kapuwa orihinal ang dalawang bersiyon. At dapat iniharap sa bayan ang dalawang bersiyon noong niratipika. Magkapantay ng halagang legal ang nasa wikang Filipino at nasa wikang Ingles. Ang salin ay dapat sa mga wikang Ilokano, Bisaya, o Bikol, at Arabic at Español.
“Kaya hindi dapat pagtiwalaan ang ipinapakitang ‘salin’ ni Tagapangulong Casanova. Salin iyon at ginawa noong 1991. Hindi legal at orihinal na bersiyon sa Filipino ng 1987 Constitution. Tulad din ng kasalukuyang kapasiyahan ng KWF sa pagbabawal ng Filipinas ay hindi naproseso ng sambayanan ang ‘salin’ na pinirmahan ni Direktor Pineda,” ani NA Almario.
“Ang totoo, hindi ko kailanman ginámit ang naturang ‘salin.’ Kapag sumipi ako sa 1987 Constitution ay laging ang legal at orihinal na bersiyon sa Ingles ang aking sinasangguni. At bakit pa? Napakaraming infirmities ang naturang ‘salin.’ Dapat isaayos. Hindi lang ang tungkol sa Filipinas kundi sa kabuoan. Kulang sa teknikal na pagsusuri ang ‘salin.’ Noon ngang nása KWF pa ako ay bumuo ako ng mga pagdinig para baguhin ang ‘salin.’ Nakahihinayang at kinulang kami sa panahon para ipapubliko ang rebisadong salin. [Kung interesado kayo ay humingi ng kopya ng borador ng rebisadong salin at ikompara ninyo sa ‘salin’ na pinanaligan ni Tagapangulong Casanova. Ito ang kasong higit na dapat asikasuhin ng KWF upang higit silang pagtiwalaan bilang tagapangalaga at tagapagpayaman ng Wikang Pambansa.]” paliwanag pa nito.
May kabuluhan ba ang nangyayaring ito?
“Oo, napakamakabuluhan,” pagdidiin ni NA Almario.
Bahagi umano ito ng natural na tagisang magaganap sa estandardisasyon at elaborasyon ng Filipino. Isang krusyal na panahon ito upang maging intelektuwalisado ang Wikang Pambansa at upang kilalanin ito ng mga amerikanisadong pinunong-bayan at edukador natin. Dapat asahan na may maiiwan sa pagbabago. Hindi sila puwedeng pilitin pero puwedeng patuloy na pagpaliwanagan.
“Ikalawa, makabuluhan ito upang punahin ang paraan ng paghirang ng Malacañang sa mga nagiging pinuno ng KWF. Napakawalang-galang ng ating mga politiko sa halaga ng Filipino. [Kung sa bagay, wala sa bokabularyo nila ang Wikang Pambansa.] Kailangang sistematiko kahit ang pagpapalit ng mga pinuno para may karampatang transfer of programs sa bawat pagpapalit ng administrasyon. Kayâ may ginagawa nga akong kasaysayan ng Wikang Pambansa at wala akong ipakikita doon kundi kung paanong sinasalaula at hinahadlangan ng wika ng politika/politiko ang kapalaran ng Filipino—ang wika man o ang mamamayan,” pagtatapos ni NA Almario.
Kung susumahin natin, magulo at mabigat ang usaping ito. Gayunpaman, gaya ng lahat ng bagay ay nararapat lamang itong pag-usapan. Nararapat na mabigyang linaw.
Tinuldukam ni NA Almario ang aming panayam nang mga salitang ito: “Kung nais mong kulitin ang primer, manghingi ka rin ng kopya at ilathala mo. Marami kasing reklamo lang nang reklamo pero hindi nagbabasá. Kung minsan, marami tayong tumatagal na problema dahil kulang tayo sa tiyagang magsaliksik at mag-aral ng bago. Idinadaan ang lahat sa tigas ng ulo. Wika pa naman ng komunikasyon ang ating tinatalakay.”
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments