Kapag mahal mo ang isang tao, iniisip mong siya ang nararapat para sa iyo. Pero paano kung, mabait siya sa iyo, pero nagdudulot siya ng pagdurusa sa ibang tao? Paano kung nasasaktan ka na nang hindi mo nalalaman? Kapag nalaman mo ang katotohanan, mas gugustuhin mo bang mag- invest ng iyong oras, effort, at pagmamahal sa ibang mas karapat-dapat?
Ngayon isipin mong ang naturang pagmamahal ay ang iyong pera sa bangko. Naiisip mo ba kung ano ang nangyayari sa iyong pera kapag nailagay mo na sa iyong bank account? Ginagawang puhunan ng bangko ang iyong naipong pera sa mga negosyong sa tingin nila ay magiging malaki ang kita. Sa ganitong paraan, lalaki ang iyong pera, kikita ang bangko, at lalago ang negosyo. Panalo ang lahat.
Ngunit panalo ba talaga ang lahat?
Alam niyo bang ang 15 pinakamalalaking bangko sa Pilipinas ay patuloy na namumuhunan sa pagpapatayo ng mga coal-fired power plant? Ang mga plantang ito ay kabilang sa mga pangunahing pinagmumulan ng sobrang greenhouse gases, na sanhi ng pag-init ng ating mundo at krisis sa klima. Nagbubuga rin sila ng polusyon sa hangin na maaaring magdulot ng sakit sa baga, balat, at iba pa sa mga komunidad.
Sinasabi nilang pinakamurang paraan ng paglikha ng kuryente ang coal, pero bakit mahal ang singil sa atin kada buwan? Hindi rin isinasama sa ulat ng mga bangko ang epekto ng polusyon ng mga coal-fired power plant sa kalusugan at kapakanan ng kalikasan at mga komunidad. Kabilang dito ang polusyon sa ilog at karagatan at pagkasira ng kagubatan mula sa pagmimina ng coal, na silang pinagmumulan ng kabuhayan ng mga residente sa lugar.
Ngayon, masasabi mo bang tama na ginagamit na puhunan ang perang iyong pinaghirapan para sa mga gawaing sisira ng ating kinabukasan?
Ito ang basehan ng tinatawag na fossil fuel divestment: ang pandaigdigang kampanya kung saan hinihimok ang mga bangko at iba pang korporasyon na alisin ang kanilang pag-aari katulad ng stock, bond, at iba pa mula sa mga negosyong nakasisira ng kalikasan, katulad ng coal. Matapos alisin ay ililipat ang naturang pag-aari sa mga negosyong nakatutulong sa pagkamit ng likas-kayang kaunlaran o sustainable development, katulad ng solar, wind, at iba pang uri ng renewable energy.
Patuloy ang paglago ng kampanyang divestment sa buong mundo. Sa kasalukuyan, higit sa US$ 14 trilyon na ang nai-divest mula sa coal at iba pang fossil fuel, dulot ng pangako o tuluyang pag-aalis ng 1327 na institusyon at lagpas sa 58 libong indibidwal.
Hindi lang ang mga bangko at korporasyon ang maaaring mag-divest. Sa katunayan, 34 percent ng mga institusyong nag-alis ng kanilang pera ay mga faith-based organization, o kaalyado ng iba’t ibang relihiyon. Kabilang din sa mga nag-divest ang ilang pamantasan, mga foundation, lunsod, at samahang sibil mula sa maraming bansa.
Siyempre, hindi madaling mag-move on agad mula sa isang relasyong tumagal ng mahabang panahon. Ang mahalaga ay seryoso ka talaga sa pag-iwas sa mga masamang kaugalian at gusto mo talagang magbago. Sabi nga nila, may mas bagay pa sa iyo.
Parang ganito rin ang proseso pagdating sa paglilipat ng milyun-milyong halaga ng pera at pag-aari; kailangan ng maingat na pagpaplano at pagpapatupad, at aabot ng ilang taon. Pero dahil sa lumalalang epekto ng krisis sa klima, pagkasira ng kalikasan, at kawalan ng katarungan sa maraming sektor ng ating lipunan, nauubusan na tayo ng oras. Kailangan nating makita ang mga bangko na magtakda na ng mga target at timeline at magsimula nang magpatupad ng mga plano upang mag-divest sa mga fossil fuel.
Imposibleng walang pagkakataon upang kumita sa pamumuhunan sa industriya ng renewable energy sa ating bansa. Napakataas ng ating potensyal para sa paglikha ng kuryente mula sa solar, wind, geothermal, hydro, biomass, at tidal na enerhiya. Mahigit isang dekada na ring naisabatas ang Renewable Energy Law sa Pilipinas, kahit na nagsimula lamang ang tuluyang pagpapatupad nito noong nakaraang taon. Patuloy ang paghina ng coal at paglago ng renewable energy sa pandaigdigang merkado, bagamat mabagal ang progreso.
Hindi kasimbilis ang paglago ng mas malinis na enerhiya dahil sa kawalan ng pagkukusa ng mga bilyonaryo sa buong mundo na magpondo sa mga solusyon laban sa krisis sa klima. Kung mabilis silang magpondo ng mga proyekto upang magpadala ng tao sa Mars, bakit hindi nila kayang gawin ito para sa pag-aalaga ng ating mundo, ang napatunayang nag-iisa nating tahanan?
Kapag alam mong mali, huwag kunsintihin. Magsalita agad. Kung alam mong walang mabuting patutunguhan ang iyong ugnayan sa kaniya, bakit hindi mo tapusin bago mahuli na ang lahat?
Panahon na upang baguhin natin ang ating pananaw sa kaunlaran. Hindi kaunlaran ang pagtatayo ng mga kalsada at gusali kung ang kapalit nito ay ang polusyon ng ating mga lupain, karagatan, at hangin. Ipinakita sa atin ng pandemyang COVID-19 na ang ating “normal” ay hindi na sapat. Dapat tayong matutong mga Pilipino na hindi tayo ang bahagi ng ating kalikasan, hindi ang may-ari nito. Hindi sagabal ang pag-aalaga ng kapaligiran sa kaunlaran; ito ang susi sa ating kinabukasan.
Gusto mo ba ng mas murang kuryente? Gusto mo bang pigilan ang pagkasira ng ating kalikasan? Gusto mo bang nagagamit ang iyong pinaghirapang pera para sa kabutihan ng lahat?
Ang pinakamagandang puhunan o investment ay hindi ang mga magbibigay ng pinakamalaking kita, kundi ang magbibigay ng benepisyo para sa lahat, kasama na ang pag-aalaga ng ating kalikasan at pagrespeto sa kapakanan ng iba. Tumingin ka lang sa iyong paligid: mayroong nag-aabang na mas makabubuti para sa iyo. Pagdating sa pagmamahal, kalusugan, o kayamanan, pare-pareho ang mga patakaran.
Si John Leo ay ang Deputy Executive Director for Programs and Campaigns ng Living Laudato Si’ Philippines at miyembro ng interim Secretariat ng Aksyon Klima Pilipinas. Isa rin siyang citizen journalist at manunulat sa mga suliraning pangkalikasan at pangklima mula noong 2016.
Source: Licas Philippines
0 Comments