Kasakiman ng tao ang pangunahing sumisira sa kalikasan.
Ito ang binigyan diin ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan sa programang “Pastoral Visit On-the-Air” ng Radio Veritas.
Paliwanag ng obispo, mahalaga ang kalikasan sa bawat isa, lalo’t ito rin ang nagbibigay ng ating mga pangangailangan at nagsisilbing proteksyon mula sa kalamidad.
“Ito ang sumisira sa ating daigdig. ‘Yun bang gusto mong makinabang kasi napaka-productive. It provides all the things that we need,” aniya.
“Pero mayroong kasabihan that ‘there is enough for everyone’s need, but not for everyone’s greed.’ Ang kalaban talaga natin ay kasakiman,” ayon kay Bishop David.
Panawagan ni Bishop David sa bawat isa na matutong pangalagaan ang kapaligiran hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon kundi maging sa susunod na salinlahi.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay na rin sa pagdiriwang ng “Season of Creation” na nagsimula noong Setyembre 1.
Ang “Season of Creation” ay ipinagdiriwang sa buong buwan ng Setyembre at magtatapos sa Oktubre 4 kasabay ng kapistahan ni St. Francis of Assisi, ang patron saint ng ecology.
Sa Pilipinas ay pinalawig pa ang pagdiriwang hanggang sa ikalawang linggo ng Oktubre para sa pagdiriwang ng “Indigenous People’s Sunday.” – Radio Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments