Hinimok ni Cardinal Jose Advincula, arsobispo ng Maynila, ang mananampalataya na magbuklod bilang pamilya at sama-samang ipanalangin ang mga namayapang mahal sa buhay.
Ito ang mensahe ng arsobispo kasunod ng pagpapasara ng mga sementeryo sa bansa sa All Saints’ Day at All Souls’ Day bilang hakbang upang maiwasan ang muling pagdami ng mga mahawaan ng COVID-19.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula na makabuluhan ang pagbubuklod ng pamilya sa panalangin tanda ng pagmamahal sa mga yumaong kaanak.
“Maaari tayong magsama-sama bilang pamilya,” ayon sa kardinal sa panayam sa Veritas 846.
“Hindi man natin sila madalaw sa sementeryo, alam natin na ang mga panalangin na iaaalay natin para sa kanila ay tanda ng ating pagmamahal at pag-alaala sa kanila,” aniya.
Kaugnay nito, nagpalabas ng kopya ng panalangin ang Liturgical Commission ng arkidiyosesis para gamitin ng bawat pamilya sa paghandog ng mga panalangin sa mga yumao.
Maaring makuha ang kopya ng panalangin sa Facebook pages ng mga Simbahan ng arkidiyosesis upang mas mabigyang pagkakataon ang bawat isa na alalahanin sa mga tahanan ang mga pumanaw na kaanak sa halip na dumalaw sa puntod.
Hinikayat din ng kardinal ang mananampalataya na dumalo sa Banal na Misa at ialay sa panalangin ang mga yumao lalo na sa November 1 at 2 kung kailan nagtalaga ng Misa ang mga simbahan para sa natatanging intensyon.
“Bagama’t sarado ang mga sementeryo, maaari pa rin nating gunitain ang ating mga minamahal na yumao sa pamamagitan ng pag-aalay ng dasal at Misa para sa kanila,” ayon kay Cardinal Advincula.
Source: Licas Philippines
0 Comments