‘Lakasan mo ang iyong loob. Tumindig ka. Ipinatatawag ka ni Jesus’

licas news

“Lakasan mo ang iyong loob. Tumindig ka. Ipinatatawag ka ni Jesus.” Ito ang sinabi ng madla kay Bartimeo, isang bulag na nagsisigaw sa daan.

Kawawa naman si Bartimeo, bilang bulag na namamalimos, dinadaan-daanan lang siya ng mga tao. Dinadaan-daanan siya ng buhay. Hindi siya bahagi ng buhay sa daan. Pero noong mabalitaan niya na dumadaan si Jesus na taga-Nazareth, sumigaw siya nang malakas: “Jesus, anak ni David, maawa po kayo sa akin!”

Ang narinig niya ay Jesus na taga-Nazareth. Ang sigaw niya ay Jesus, Anak ni David. Kinilala niya na ang Jesus na ito ay ang katuparan ng pangako na Kristo, isang anak ni David na maghahari magpakailanman. Kaya siya pinatatahimik ng mga tao. Hindi lang dahil sa maingay siya. Iskandaloso ang kanyang sinisigaw.



Pero hindi siya nagpadala sa madla. Patuloy ang kanyang sigaw, at pinansin siya ni Jesus. Ginawa ni Jesus ang kahilingan niya, na siya ay makakita. Tinupad ni Jesus ang sinabi ni Propeta Jeremias sa ating unang pagbasa na darating ang kagalakan sa mga tao, kasama ang mga bulag at mga pilay. Dumarating na ang kaligtasan.

Ngayon ay World Mission Sunday. Tuwing ikatatlong Linggo ng Oktubre pinapaalaala ng Inang Simbahan sa buong mundo ang pagiging misyonero nating lahat. Tinatawag ng Diyos ang lahat sa kaligtasan, sa isang buhay na kaaya-aya at puno ng kaligayahan. Si Jesus ay dumating sa mundo para dito. Siya ay namatay at muling nabuhay para sa lahat. Kaya ang sinabi ng mga tao kay Bartimeo ay sinasabi sa bawat isa: “Tumindig ka. Ipinatatawag ka ni Jesus.”

Hikayatin natin ang lahat ng tao na tumindig at pumunta kay Jesus sapagkat si Jesus ang magbibigay ng kagalakan ng kaligtasan. Siya lang ang manliligtas. Halos 2,000 years na ang Simbahan pero mas marami pa ang hindi nakakakilala at tumatanggap kay Jesus kaysa tumatanggap sa kanya. Out of more than seven billion inhabitants on earth now, more than five billion are non-Christians. Marami pa na dapat abutin.

Hindi naman tayo namimilit na maging Kristiyano sila. Ipaabot lang natin ang paanyaya ng Diyos at ilapit lang natin sila kay Jesus na sasabihin sa kanila: “Ipinatatawag ka niya.” Bahala na sila kung tatanggapin nila si Jesus o hindi, pero tayo ay hindi dapat magkulang na ipahayag siya.

Ipinagdiriwang natin ngayong taon ang 500 years ng pagdating ng Kristiyanong pananampalataya sa ating bansa. Hindi naman tayo karapat-dapat, pero sa kagandahang loob ng Diyos, biniyayaan tayong makilala si Jesus. Ang biyayang ito ay dumating dahil sa mga misyonero na dumating sa atin. Hindi naging madali ang gawain nila. Noong limang daang taon nang nakaraan, alam ng mga misyonero na pagpunta nila dito, hindi na sila makababalik sa kanilang lugar. Marami sa kanila ay namatay sa biyahe o sa sakit.

May isang grupo ng mga misyonero na labingwalo silang umalis sa Espanya. Sa kanilang pagtawid sa Atlantic Ocean, sa bansa ng Mexico at sa Pacific Ocean, dalawa lang ang nakarating na buhay sa Pilipinas. Ganoon ang sakripisyo nila.

Natanim sa isip natin ang mga kasamaan ng ilang mga misyonero. Talagang may mga misyonero na nang-abuso pero mas marami ang naging tapat at masipag at banal. Isa na rito ay si San Ezekiel Moreno na siya nga ang nagsimula ng simbahan dito sa Palawan. Siya ang unang kura paroko sa Cathedral sa Puerto Princesa. Muntik pa siyang mamatay sa malaria dito sa Palawan.

We are indeed gifted, gifted with the faith that others have sacrificed to offer to us. Pero ang biyayang ito ay hindi para sa atin lamang. Ngayong nakilala na natin siya, may tungkulin na tayong iaalok siya sa iba. So we are gifted to give.

Tayo sa Pilipinas ay napapaligiran ng napakaraming mga tao na maaaring hindi pa nakarinig kay Jesus o tinanggihan siya na hindi naman nila siya lubusang nakilala. Isipin na lang natin ang milyon-milyon na mga tao sa Tsina, sa Japan, sa Indonesia, sa Malaysia, sa Thailand, sa India at marami pang ibang bansa dito sa Asia. Maaaring ang mga taong ito ay naghahanap din ng kaligtasan na si Jesus lang ang makabibigay. Ilapit natin sila kay Jesus. Dalhin natin ang mabuting balita sa kanila.

Paano natin ito magagawa? Sa pamamagitan ng ating mga panalangin. Magdasal tayo na mabuksan ang kanilang puso sa kaligtasan. Ipagdasal natin ang mga Kristiyano na nagtataya ng buhay nila upang sila ay mapuntahan – ang ating mga misyonero ngayon. Ipagdasal natin na ang mga misyonero natin ay maging matagumpay sa kanilang pagmimisyon.

Kaya ngayong Linggo hinihikayat tayo na ipagdasal ang pagmimisyon ng simbahan. Isa pang magagawa natin ngayong Mission Sunday ay buhayin uli sa ating puso ang pagiging misyonero natin. Ang bawat binyagan ay misyonero. Ang nakatanggap ng magandang balita, kung talagang magandang balita ang natanggap natin, ay dapat nating ibahagi ito sa iba. Ang magandang balita ay binabalita. Kaya huwag nating itago ang mabuting balita. Sabihin natin ito, ikuwento natin si Jesus at ang kanyang kabutihan. Ipahayag natin siya sa social media.

Kung nabuhayan nga ang apoy ng pagbabahagi sa gawain ng pagmimisyon, gagawa tayo ng paraan upang makatulong sa mga misyonero. Hindi man tayo makapagmisyon pero may mga tao na tinawag ng Diyos sa gawaing ito – may mga pari, mga madre, mga kabataan, may pamilya na ngayon ay nagmimisyon sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.

Ngayong linggo ang mga koleksyon natin sa misa ay para sa kanila. Hirap ang Simbahan ngayong panahon ng pandemya. Kakaunti na ang mga taong nakasisimba. Kakaunti na ang nakakatulong sa gawain ng Simbahan kasi hirap din ang mga tao. Ano pa kaya ang mga nasa mission territories? Mas hirap din ang mga missionaries natin doon. Tayo dito sa Palawan ay considered pa na mission territory, kaya tayo ay tinatawag pang bikaryato at hindi diyosesis. Tumatanggap din tayo ng tulong mula sa World Mission Sunday collection na galing sa Roma kasi kulang pa ang kakayahan natin bilang Simbahan.

Sa pagbibigay natin sa Mission Sunday collection napapatatag ang ating pananagutan sa pagpapakilala kay Kristo. Naala-ala ko pa noong kami’y mga bata, ang buwan ng Oktubre ay buwan ng Santo Rosario at pagmimisyon. Araw-araw sa school nagdarasal kami ng rosaryo at nangongolekta kami ng bote ng soft drinks at diyario, at ang pera na nalikom sa pagbebenta ng mga ito ay binibigay para sa mga misyonero. May paligsahan pa kami kung sinong grupo ang mas naka-ambag ng mas malaki. Magaan ang puso namin noon na kami ay nakatulong sa mga misyonero.

Ang Simbahan ay dapat palaging nasa missionary mode. Huwag nating kaligtaan na tagasunod tayo ni Jesus na pinadala ng Diyos Ama upang ipaalam sa lahat na nandito na ang paghahari ng Diyos.

Mapalad tayo na mayroon tayong pananampalataya, pero ito ay hindi lang dapat natin pakinabangan. Ibahagi din natin ito sa lahat, at habang binabahagi ito, ito ay lumalakas. Ang pananampataya ay tulad ng apoy. Habang ito ay kumakalat ito ay mas nagiging mainit at lumalakas. Kaya magandang tingnan kung ano ang nagagawa natin bilang misyonero at ano pa ang maaari nating gawin. Tandaan natin ang ating vision statement dito sa ating bikaryato: SAMA-SAMANG NAGLALAKBAY SA PAGPAPAHAYAG NG PAGHAHARI NG AMA.

Homiliya ni Bishop Broderick Pabillo para sa World Mission Sunday, October 24, 2021, 30th Sunday of Ordinary Time (Year B)


Source: Licas Philippines

0 Comments