‘My Name’ at ang paghahanap sa katotohanan

“Ang pag-ibig ay nasusukat hindi lang sa pagtitiis, kundi sa kahandaang lumaban.” – VP Leni Robredo

Naalala ko ang sinabing ito ni VP Leni Robredo nang mapanood ko ang maaksiyong Korean movie na “My Name.” Dahil nga naman sa pag-ibig kaya’t nagagawang magtiis ng isang tao. Nagagawang lumaban. Nagiging handa sa hamong kakaharapin o pagdaraanan.

Tila nagiging maaksiyon ang mga pangyayari sa paligid — nagsipag-file na ng certificate of candidacy ang maraming gustong makaupo sa puwesto sa darating na halalan. May ilang politikong kay gaganda ng sinasabi’t ginagawa kuno. May ilan din naman sa ating naniniwala’t patuloy na nagpapadala sa mabubulaklak na salita.

Dahil ang usapan ay katotohanan o ang pag-alam sa katotohanan, swak na swak panoorin ang “My Name.” At dahil na rin sa rekomendasyon ni hubby, pinanood ko ang naturang palabas. Si hubby kasi ang unang nakapanood nito.



First time manood ni hubby ng Korean movie at nagustuhan niya. Iyon nga lang, nakukulitan ako habang nanonood siya. Kuwento kasi siya nang kuwento ng mga nangyayari. Tanong din siya nang tanong kung bakit ang pangalan ni ganito o ni ganoon ay iba ang bigkas kaysa sa nakasulat sa subtitle. Pero siyempre, dahil first time niyang manood ng Korean movie, pinagpapasensiyahan ko na lang. Na-enjoy niya naman ang panonood.

Napakasimple lang ng kuwento ng “My Name.” Pinatay ang ama at hinahanap ng anak kung sino ang pumatay. Kung titingnan natin ay payak lang ang kuwento pero bubugbugin ka naman ng todo sa mga pangyayari. Gayundin sa kung paano hinahanap ni Yoon Ji Woo (Han So Hee) ang katotohanan at kung ano ang itinapon niya, masilayan lamang iyon.

Napapanood ko na si Han So Hee. Pero sa palabas na “My Name” masasabi kong kaibang-kaiba ang ginawa niyang pag-arte. Kakaibang husay ang ipinakita niya sa naturang palabas. Palaban. Walang inuurungan. Walang kinatatakutan.

Malinis din ang pagkakatahi ng mga pangyayari. Dama mo rin ang damdaming bumabalot sa kabuuan ng bida. Ang galing ng buong cast—mula sa pagsasabuhay ng kani-kanilang karakter hanggang sa mga fight scene.

Ang daming pasikot-sikot ng kuwento. Kung saan-saan ka dadalhin, papapasukin at papaniwalain. Pagniningasin talaga sa galit ang dibdib mo.

Ano nga ba ang mga nahagip ko sa naturang palabas?

Una, kaya mong isugal kahit na ang sarili mong buhay para sa minamahal. Kaya mong itapon sa impiyerno ang kinabukasan para sa taong mahalaga sa iyo.

Ito ang ginawa ni Yoon Ji Woo, ang itapon ang kinabukasan at sarili para lamang malaman ang katotohanan sa pagkamatay ng kaniyang ama. At gaya ng mga bagay-bagay, hindi ganoon kadali ang ginawa niyang pag-alam sa katotohanan. Maraming balakid siyang pinagdaanan. Maraming sakit na lumatigo hindi lamang sa kaniyang katawan kundi maging sa kaniyang puso. Pero lahat naman ng pinagdaanan niya ay naging paraan upang maging matatag at matigas siya.

Pangalawa, sadyang bubulagin ka ng mga pangyayari. Kung minsan, aakalain mong totoo at tama ang ipinakikita ng iyong mga mata.

Kagaya ng nangyari kay Yoon Ji Woo, nagtiwala siya pero niloko lang pala siya. Gayundin ang nangyari sa atin noong 2016 election, niloko tayo at pinaasa. Pero hahayaan na lang ba natin ito?

‘My Name’ screen grab from Netflix

Sa huli, nanaig ang katotohanan. Nilinlang man at pinaikot-ikot si Yoon Ji Woo, nalaman pa rin niya ang tunay na pumatay sa ama. Namulat ang kanyang mga mata. Oo nasaktan siya dahil nagtiwala siya sa taong hindi naman pala niya dapat na pagkatiwalaan. Gayunpaman, dahil hindi siya tumigil na alamin ang totoo, hindi rin siya nabigo. Nasilayan niya ang inaasam-asam na katotohanan.

Sana mangyari rin sa atin ang nangyari kay Yoon Ji Woo, iyong masilayan din natin ang katotohanan. Kasi minsan, akala natin ay totoo na ang ipinakikita sa atin. Akala natn dahil sinabi ni ganito at ni ganoon, totoo na.

Tandaan natin, hindi lahat ng sinasabi o nakikita at nababasa natin ay dapat nating agad-agad na paniwalaan. Napakahalaga sa panahon ngayon na kilatisin at alamin natin ang nagsasabi ng totoo at ang hindi.

Naaamoy na natin ang nalalapit na eleksiyon. Marami sa atin, bulag pa rin sa katotohanan. May iba namang dahil ayaw masaktan kaya hinahayaang masakluban ng dilim ang paningin.

Oo, masakit na malaman na niloko tayo ng mga taong pinagkakatiwalaan natin. Kagaya na lang nang nangyari kay Yoon Ji Woo. Gayunpaman, manaig pa rin sana sa ating puso na tanggapin ang pagkakamaling nagawa natin at ituwid iyon. Kaysa ang mali ay punan pa natin ng panibagong pagkakamali.

Buhay natin at kinabukasan ng Filipinas ang nakasalalay. Alalahanin natin iyan sa tuwing pipili tayo ng mga kandidatong pagkakatiwalaan at iluluklok sa puwesto ngayong nalalapit na eleksiyon. Hindi madali ang malaman ang katotohanan. Minsan pa nga ay kailangan nating suungin ang impiyerno malaman lamang ang totoo.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments