Quiapo Church naghahanda na para sa ‘Traslacion 2022’

Black Nazarene devotion, Quiapo, Manila

Naghahanda na ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa “Traslacion 2022.”

Ayon kay Father Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, manatiling ipatutupad ang mga alituntunin na ginawa sa “Traslacion 2021” bilang pag-iingat pa rin sa banta ng COVID-19.

Ibinahagi ng pari sa panayam sa Veritas 846 na mas palalawakin pa ang pagdalaw ng imahe ng Poong Nazareno sa mga lugar sa Luzon.

“More or less, kung ano yung nangyari sa ‘Traslacion 2021’ ganoon pa rin sa 2022, although mas pinalawak pa ngayong 2022 yung pupuntahan ng Poong Nazareno dahil apat na image ang simultaneous na lalabas para bisitahin ang mga tao,” ayon kay Father Badong.



Ayon sa pari, hindi pa tiyak ng Quiapo Church ang pagsasagawa ng motorcade o prusisyon sa kabila ng pahintulot ng Inter-Agency Task Force kasunod ng pagluluwag ng “quarantine restrictions.”

Naghahanda na rin ang pamunuan ng basilica ng mga mungkahing ilalatag sa pamahalaang lunsod ng Maynila sa pagdaraos ng Pista ng Poong Nazareno sa January 9.

Inihayag ni Father Badong na hinati sa apat na lugar ang bibisitahin ng Poong Nazareno: ang North at South Luzon; National Capital Region; at ang sectoral groups o iba’t ibang ahensya sa Metro Manila.

Kabilang sa mga lugar na dadalawin mula December 27 ang Baguio, La Union, Dagupan, Tarlac, Cabanatuan, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Atinoman at Lucena sa Quezon, Laguna, Cavite at Las Pinas.

Sa National Capital Region naman nakatakdang dalawin ang mga cathedral ng mga Diyosesis ng Paranaque, Pasig, Novaliches, Cubao, Caloocan, at Archdiocese of Manila.

Si Father Badong ang mangangasiwa sa North Luzon, si Father Danichi Hui naman sa South Luzon, si Father Earl Allsyon Valdez sa NCR, habang si Monsignor Hernando Coronel ang sa sectoral groups.

Dagdag pa ni Father Badong na “sequel” ng “Traslacion 2021” ang pagdiriwang sa susunod na taon na nakatuon pa rin sa pangamba ng mamamayan sa gitna ng naranasang pandemya.

“Mayroon na tayong logo, may theme na rin for 2022. Parang sequel ito nung 2021 kasi ang theme noon ‘Huwag kayong matakot si Hesus ito,’ and then itong 2022, ‘Bakit kayo natatakot wala ba kayong pananalig?” ani Father Badong.


Source: Licas Philippines

0 Comments