Obispo, umaapela sa gobyerno na tutukan ang kapakanan ng mga bilanggo

Ang mga “persons deprived of liberty” o mga bilanggo ang mas nangangailangan ng pagmamahal, paghilom at pag-asa sa lipunan, ayon sa isang obispo.

Binigyang diin ni Bishop Victor Bendico, vice chairman ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, ang kapakanan ng mga bilanggo sa paggunita ng Linggo ng Kamalayan para sa mga Bilanggo ngayong taon.

Ayon sa obispo, naaangkop lamang na ipagdasal at ipadama sa mga bilanggo ang pagkalinga at pag-aaruga sa kabila ng kanilang mga nagawang pagkakasala sa kapwa.



Inihayag ni Bishop Bendico na kalimitang naisasantabi ang kapakanan ng mga bilanggo at kanilang pamilya.

“Kung merong mga tao na mas higit na nangangailangan ng pagmamahal, paghilom, at pag-asa, sila ay yung mga bilanggo,” ayon sa obispo. “Madalas nakakalimutan natin sila,” aniya.

Umaapela si Bishop Bendico sa “judicial system” ng bansa na tutukan ang kalagayan ng mga bilanggo at kanilang mga pamilya.

Ibinahagi ng obispo na hindi kailanman mababago ang paninindigan ng Simbahan, partikular na ang “prison ministry,” na pinangungunahan ng kumisyon kaugnay sa pagsusulong ng kapakanan ng mga bilanggo.

Binigyang diin ni Bishop Bendico ang patuloy na paninindigan ng kumisyon sa pagsusulong ng “restorative justice,” “total abolition” ng “death penalty,” at maging ang alternatibong paraan ng pagpaparusa sa mga nagkasala na hindi nalalabag ang dignidad ng bawat isa.


Source: Licas Philippines

0 Comments