Isulong ang ‘renewable energy,’ hamon ng obispo sa pamahalaan

Nananawagan sa pamahalaan ang arsobispo ng Cagayan de Oro sa Mindanao na mag-isip ng mga konkretong solusyon na makatutulong sa pagpapanatili at pangangalaga ng kalikasan at buhay ng tao.

Ayon kay Archbishop Jose Cabantan ng Cagayan de Oro, ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang “mining ban” sa bansa ay magdudulot ng tuluyang pagkasira ng natural na sistema ng kapaligiran.

Sinabi ng arsobispo na nauunawaan niya ang malaking pangangailangan ng ekonomiya, ngunit hindi ito nangangahulugang ipagsapalaran ang kapakanan ng kalikasan.



“There is a need to really treat this with a balanced perspective and bias for the ecology,” ayon sa obispo sa panayam ng Radio Veritas 846.

Kanyang iginiit na marami pang mga alalahanin ang dapat na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan tulad ng pagsusulong sa “renewable energy” na tinalakay sa United Nations Climate Change Conference of Parties o COP26 Summit noong Nobyembre.

Ipinaliwanag ni Archbishop Cabantan na higit na makakatulong ang “renewable energy” sa pagkakaroon ng malinis na enerhiya sa bansa kumpara sa pagtatayo ng maraming coal-fired power plant.

“There are other concerns that we need to look into like our source of energy as discussed in COP26 Summit,” aniya.

“We are still building more coal-fired power plants for instance, but is this really a solution?” sabi ng obispo. “How we take care of the ecosystem will certainly impact our lives,” dagdag niya.

Magugunita na nitong Disyembre binawi ng administrasyong Duterte ang “nationwide ban” sa “open-pit mining.”


Source: Licas Philippines

0 Comments