Opisyal ng Simbahan, nananawagan na tutukan ang pagbangon ng mahihirap

Nanawagan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan na ituon ang malaking budget nito sa pagtulong sa mga mahihirap at mga nagugutom sa Pilipinas.

“Sa mas malawakang pagtingin, ating hinihikayat ang pambansa at panglokal na pamahalaan na ilaan ang malaking bahagdan ng ating pambansa at panglokal na budget sa mga programang tutugon sa kahirapan at kagutuman ng ating mga mamamayan,” panawagan ni Bishop Jesse Mercado ng Episcopal Commission on Family and Life.

Nangangamba si Bishop Mercado na lalo pang tataas ang bilang ng mga mahihirap, na umaabot na sa apat na milyon ayon sa tala ng Commission on Population and Development.



Umaasa ang obispo na isantabi muna ng mga namumuno ang mga proyektong maaring ipagpaliban at ituon ang mga pondo sa pagtugon ng pamahalaan sa lumalalang kahirapan sa bansa.

“Batid natin ang kasabihan na ang taong nagigipit, kahit sa patalim ay kumakapit. Huwag nating hintayin na ang mga naghihirap at nagugutom ay kailangan pang kumapit sa patalim upang matugunan lamang ang dinaranas nilang unos sa buhay,” ayon kay Bishop Mercado.

Ipinarating din ng obispo ang lubos na pasasalamat sa Caritas Manila at sa mga katuwang nitong pribadong institusyon sa kanilang pagtulong sa mga higit na nangangailangan.

“Lubos nating pinasasalamatan ang mga gawain ng Caritas Manila at Caritas Pilipinas sa mga hakbangin na tungo sa pag-agapay sa mga nasa matinding kahirapan,” aniya.

“Pasalamatan din natin ang kanilang mga katuwang na mga pribadong indibidwal at ang mga organisasyon na naglalaan ng dagdag na pagkain sa mga nagugutom,” dagdag ni Bishop Mercado.

Nanawagan din siya sa publiko na maging kabahagi sa mga gawain sa mga parokya na nagsasagawa ng income-generating activities, feeding programs para sa mga malnourished na bata at mga nagugutom na pamilya.

“Makiisa tayo sa mga pamamaraang maglalagay ng masustansiyang pagkain sa ating mga hapag, katulad ng vertical gardening, hydrophonic at aquaphonic gardening,” ayon sa obispo.


Source: Licas Philippines

0 Comments