(Pribilihiyong Talumpati ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani T. Zarate,House Deputy Minority Leader, 30 May 2022)
Kagalang-galang na Speaker:
Isang mainit na pagbati sa ating lahat!
Noong June 21, 2013, ako po ay nanumpa bilang elected member ng 16th Congress na kinakatawan ang aming partido, ang Bayan Muna.
Noong panahong yon, samut-saring mga larawan ang naglalaro sa aking isipan kung ano ba ang aking magiging ambag sa pagsusulong ng pulitika ng pagbabago na dala-dala ng Bayan Muna mula nang una itong lumahok sa halalan ng partylist noong 2001 elections.
Tanong ko sa aking sarili: ang ating karanasan ba bilang isang kabataang aktibista, mamamahayag o journalist at pagiging public interest o human rights lawyer ay sapat na upang magampanan ang mga gawain at responsibilidad ng isang progresibong mambabatas sa loob ng isang institusyong kontrolado ng mga panginoong maylupa, mga kapitalista at iba pang malalaking political at economic interest groups sa ating bansa?
Ang sagot sa akin ng kaibigan kong si Toto, isang lider ng mga urban poor community sa Davao at biktima ng batas militar ng diktador na si Marcos: “Basta parating kasama mo ang masa, ang lumalabang mamamayan at para sa interes nila ang ipininaglalaban natin, ano mang hamon at mga balakid at kaya nating pangingibabawan.”
At ang kanyang tinuran ang atin ngang naging gabay sa ating pagiging lingkod bayan at bilang mambabatas sa loob ng tatlong termino o sa kabuuang siyam na taon.
Ganoon pa man, aaminin ko po Ginoong Speaker, noon unang tumayo ako sa bulwagang ito, nakadama din ako ng kabog sa dibdib, dahil kakaiba rin ang kapaligiran nito kumpara sa loob ng korte o sa isang rally.
Isang malaking hamon din sa akin na matularan ang maningning na record ng mga naunang mga kinatawan ng Bayan Muna na siyang hanghawan ng daan upang marating ng aming partido patuloy na suporta ng mamamayan; at upang maabot ang prestihiyo at respeto nito sa loob at labas ng Kongreso magmula ng manalo ito noong 2001.
Talagang isang makasaysayan ang pagkahalal ng Bayan Muna sa Kongreso at pagkaupo ng mga kinatawan nito sa Kongreso noong 2001.
Sa simula pa lang at naging tampulan na ito ng atake ng mga anti-demokratikong pwersa. Subalit hindi nito napigilan ang kagustuhan ng mga mamamayan at pinaupo nila ang kanilang unang tatlong kinatawan: former political prisoner, journalist at former peace negotiator Saturnino “Ka Satur” Ocampo; si Crispin “Ka Bel” Beltran, na kilala at nirerespetong unyonista, at tagapagtatag ng Kilusang Mayo Uno, at ang peminista, aktibista at lider-kababaihan na si Liza Maza.
Mula noong 2001, hanggang ngayon, itinatakwil ng Bayan Muna ang tradisyunal at maduming pulitika. Tumatakbo ang Bayan Muna sa plataporma ng pulitika ng pababago.
Sa mga sumunod na eleksyon, sa suporta ng mamamayan, muling nagtagumpay ang Bayan Muna. Nailuklok nito ang mga katulad ni environmental activist na si Siegfred Deduro, human rights defender Joel Virador, journalist and activist Teddy Casiño at human rights lawyer Neri Colmenares sa Kamara.
Sa kasalukuang 18th Congress, narito at kasama natin sa bulwagan ngayon ang unang kinatawang lider ng mga kawani ng pamahalaan, Ferdinand Gaite. Narito rin ang magiting na lider-lumad, Eufemia “Ka Femia” Cullamat.
Mga kinatawan ng Bayan Muna. Mga lider-masa, aktibista, peoples’ lawyers, manunulat, unyonista, katutubo. Mga kinatawan na nagmumula mismo sa hanay ng mga mahihirap at api. Nanilbihan ng walang bahid ng korapsyon o katiwalian; mga tapat na lingkod-bayan sa loob ng munting espasyo sa ating pamahalaan na inilaan ng ating Konstitusyon para sa mga marginalized at under-represented sectors.
Subalit nitong mganagdaang mga taon, ang maliit na espasyong ito ay sumisikip na dahil sa instiutional at systemic na kamalian ang partylist system at ng sistemang electoral sa ating bansa. Ang maliit na espasyong ito ay hinayaan ng estado na sakupin ng mga well-funded na political at economic interest groups.
Sa halip na ang mga kinatawan ng mga nasa laylayan ang maupo sa Kongreso, naging paligsahan na lamang ito ng datihang pulitiko o opisyal ng pamahalaan, mga kaalyado ng administrasyon, mga regional dynasty, mga negosyante. Ito ang magpaparupok at tuluyang wawasak ng sistemang partylist.
Ganoon pa man, sa kabila ng mga hamon, limitasyon at mga atake, sa nagdaang dalawang dekada, sa tulong at suporta ng ating mga mamamayan, naging maningning pa rin ang nagawa o track record ng Bayan Muna sa loob at labas ng sa Kongreso, lalu na sa paglahok at pagsulong nito ng mga isyung pambayan.
Tapat at malinis na paglilingkod bayan ang pinamalas ng Bayan Muna sa loob ng dalawang dekada. Sa Kongreso, korte, kalsada at mga komunidad, dala-dala natin, ng Bayan Muna, ang interes ng ordinaryong mga Pilipino.
Ilan sa mga pangunahing nai-akda ng Bayan Muna ang Public Attorney’s Office (PAO) Act of 2007, Tax Relief Act of 2009, Rent Control Act of 2009, Anti-Torture Act, Health Workers Day Act, Anti-Enforced Disappearance Act, Accessible Polling Places for Persons with Disabilities and Senior Citizens, Marcos Human Rights Victims Reparation and Recognition Act, Local Absentee Voting for Media, Protection of Students’ Right to Enroll in Review Centers Act, Free Mobile Disaster Alert Act, Increased Ceiling for Tax Exempt Benefits, Nutrition and Dietetics Law of 2016, Mental Health Act, National Feeding Program in Public Schools, Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act, National Students’ Day, at ang Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act.
Isinalin ng Bayan Muna ang mga laban ng mamamayan sa lehislatura. Daan-daang panukalang batas at resolusyon para sa nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho, karapatan sa lupa, mabuting pamamahala, paggalang sa karapatang pantao, kalayaan sa pamamahayag, pagtatanggol sa soberanya, pangangalaga sa kalikasan, karapatan ng mamamayang Moro at pambansang minorya sa sariling pagpapasiya at iba pang mga isyu ng mga marginalized sectors.
Naging tagapagsiwalat ng korapsyon, kabuktutan at kumokontra sa anti-mamamayang pakana ang Bayan Muna na walang takot na tumindig para sa tama.
Sa pagpapamalas nito ng tapat at mabuting paglilingkod sa bayan at paglaban para sa interes ng mamamayan, naging target ito ng atake ng mga ibat-ibang administrasyon ng nagnanais mawala sa Kongreso ang Bayan Muna at iba pang progresibong partylist na nagsilbing tinik sa kanilang mga gawaing tiwali.
Marami sa aming hanay ang naging biktima ng pagpaslang o extrajudicial killings.
Kabilang rito sina: Dumagat lider Nicanor de los Santos, human rights lawyer Atty. Juvy Magsino, public school teacher Leima Fortu, church worker Jose “Pepe” Manegdeg III, church worker Noli Capulong, indigenous peoples rights defender Alyce Claver, councilor Fernando Baldomero, lider-katutubo at human rights defender Rafael Markus Bangit, peace consultant Randy Malayao, City councilor Toto Patigas, community leader Jory Porquia, at daan-daan pang mga magsasaka, kabataan, katutubo at mga aktibista.
Ang mga Kongresista ng Bayan Muna at mga kasama nito sa Koalisyong Makabayan ay nakaranas ng panunupil na walang-katulad sa kasaysayan ng Kamara.
Nangyari ang direktang atake sa mga kinatawan nito katulad ng mga tangkang pagpapakulong na naranasan ng mga tinaguriang “Batasan 5” na sina Ka Satur Ocampo, Rafael ”Ka Paeng” Mariano, Teddy Casiño, Joel JV Virador at Liza Masa noong panahon ng Arroyo administration.
Maalalang kinanlong ng Kongreso sa mismong bulwagang ito ng ilang buwan ang mga Batasan 5 na kongresista ng Bayan Muna, Gabriela, at Anakpawis.
Noong 16th Congress, kasama din ang kinatawang ito na sinampahan ng gawa-gawang kasong trafficking at kidnapping dahil sa pagtatanggol sa karapatan ng mga kapatid nating mga Lumad sa Mindanao na biktima ng militarisasyon. Dahil walang basehan, naibasura na ito ng Office of the Ombudsman.
Subalit’t noong 2020, inaresto sa umano’y salang kidnapping ang presidente ng Bayan Muna na si Ka Satur Ocampo kasama ang kinatawan ng ACT Teachers Partylist France Castro, habang nasa isang solidarity mission sa mga nagbakwit na kabataang Lumad.
Pambihirang tatag ang pinakita ng Bayan Muna at mga kinatawan nito sa harap ng mga hamon ng panahon.
Nang ako’y naupo bilang kinatawan ng Bayan Muna sa unang pagkakataon noong 2013, malaking hamon sa katulad kong human rights lawyer mula sa Mindanao na tumayo bilang kinatawan nito.
Life-changing, ever-challenging, ang buhay ng isang kinatawan ng Bayan Muna. Almusal, tanghalian, hapunan ay mga isyu ng bayan. Madalas, dapat mauna ka sa mga committee hearings, at, pinakahuling aalis. Present sa mga pagkilos sa kalsada, pagtugon sa mga hinaing ng taumbayan, walang absent sa balita.
Sa unang araw ko bilang kongresista, pumutok ang galit ng mamamayan sa sistemang pork barrel at kung paano ginatasan ito ng ilang mga tiwaling mga mambabatas. Kasama ang Bayan Muna sa pangunahing nagpatampok sa malawakang korupsyon at kamalian ng sistemang pork barrel, at nanguna sa panawagan ng pagpapabasura nito.
Humarap din tayo sa Korte Suprema upang tanghaling iligal at unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program o “Presidential Pork Barrel” na gumamit sa bilyong-bilyong pondo ng pamahalaan na walang basbas at pagsusuri ng Kongreso at publiko. Nagtagumpay din tayo sa labang ito!
Noong 2013 din, tumampok din ang Bayan Muna sa pagpigil ng pinakamalaking pagtaas ng singil ng Meralco. Sinampahan natin ang Meralco at ERC ng kaso sa Korte Suprema. Sa pangunguna ni Bayan Muna, nakakuha tayo ng TRO kaya hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nasingil ng Meralco ang di-makatarungang rate hike na ito. Isa muling tagumpay ito ng mga mamamayan!
Isa din sa nakamit na tagumpay ng Bayan Muna ang dagdag P2,000 para sa mga SSS pensioners. Naipasa ito sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representante bilang HB 5842 noong 2015.
Sa unang termino ko rin bilang kongresista nangyari ang pinakamalaking disaster sa ating bansa, ang bagyong Yolanda. Libo-libo ang namatay, at milyon ang ninakawan ng dignidad, kabuhayan, at karapatan. Pinalarga natin ang Bayang Matulungin at Serve the People Brigade ng Bayan Muna na tumugon sa kalunos-lunos na kalagayan ng ating mga kababayan sa panahong ito.
Matandaan na bago pa man tayo hinambalos ng todo ni Yolanda, hinagupit na din ang bansa nina bagyong Sendong at Pablo, na nagpadapa na din sa maraming lugar sa Pilipinas.
Dahil sa mga nangyayaring pahirap na ito sa ating mga mamamayan na dulot na din ng pagkwasak ng ating kalikasan at dala nitong pagbabago ng klima, pinahigpit ng Bayan Muna ang pagbusisi sa mga pondong nilalaan ng gobyerno sa mga kalamidad, at ang kriminal na kapabayaan ng pamahalaan sa mga sagunang kagaya nito.
Noong naupo na ang administrasyong Duterte, naging aktibo ang Bayan Muna sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa unang mga taon ng pamamahala nito, kung saan ipinangako ni Pres. Duterte na magkaroon daw ng mga mahahalagang reporma sa panahon niya.
Gumulong ang matagal nang nabinbin na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines. Mahahalagang kasunduan ang nabuo sa usapang ito lalo na sa pagsulong ng socio-economic reforms na ugat ng mahigit kalahating-siglong hidwaan. Kasama ang Bayan Muna sa peace talks bilang official observer na pinadala ng liderato ng Kamara, at, nagpanukala din tayo ng resolusyon sa Kongreso para suportahan ang usapang pangkapayapaan at pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.
Sa kabila nito, hindi nilubayan ng Bayan Muna ang paglantad at paglaban sa mga kontra-mamamayang patakaran ng pamahalaang Duterte, lalo na sa ekonomiya, foreign policy, at sa madugong kampanayan laban sa droga.
Nang mailantad na ang tunay na anti-mamamayang kulay at katangian ng rehimeng Duterte, kasama ang Bayan Muna sa malakas na tumuligsa sa umiigting na tiraniya, panunupil sa mamamayan, sa pagtalikod nito sa usapang pangkapayapaan at hindi pagtupad sa mga pangako nitong reporma at pagbabago.
Noong Setyembre 2017, lumahok ang Bayan Muna sa pinakamalaking rali laban sa extrajudicial killings at tiraniya kasama ang libu-libong mamamayan.
Samantala, sunod-sunod na tinugis ng administrasyong Duterte sa oposisyon. Pinatalsik ang ang dating Chief Justice Sereno sa pamamagitan ng impeachment. Kinasuhan ng gawa-gawang drug cases si opposition Senator Leila De Lima.
Pinadeport ang mga dayuhang human rights worker at missionaries tulad nina Sr. Patricia Fox at Atty. Gill Boeringher, at noong 2021, naman ay tuluyan na rin nadeport si Otto de Vries.
Binuhay din ang gawa-gawang kaso kay Ka Satur Ocampo, Ka Paeng Mariano, Liza Maza at Teddy Casiño na matagal ng binasura ng Korte Suprema. Bagamat madali naman itong naibasura muli dahil sa kawalan ng merito, senyales ito na tuluyan nang susupilin ng administrasyon ang Bayan Muna at ang progresibong kilusan.
Sa kabila ng mga ito, nagtala ng makasaysayang tagumpay ang Bayan Muna sa halalang 2019. Mahigit isang milyong boto muli ang nakuha ng Bayan Muna at nakapagluklok ng maksimum na tatlong kinatawan sa Kamara.
Nangyari ito sa kabila ng todong paggamit ng rehimeng Duterte ng mapamwersang lakas, burukrasya, tauhan at rekurso upang pigilan ang hanay ng mga mga progresibo at oposisyon na dalhin ang boses ng mga mamamayan sa loob ng Kongreso.
Ang ikatlo at huling termino ko bilang mambabatas na marahil ang pinakamapanghamon at pinakamahirap sa lahat.
Ilang buwan pa lamang sa ika-18 Kongreso ay ginupo na ang Pilipinas at daigdig ng pandemya ng Covid-19.
Sinamantala ng administrasyong Duterte ang pandemya para sa kanyang adyendang pasista at tiranikong pamamahala. Sinigurado nito ang pag-iral sa militaristang kontrol sa taumbayan at pandarahas sa mga mamamayang nagigiit ng solusyong medikal sa pandemya.
Mariin nating tinutulan at masugid na tinuligsa ang ang pagpapasara ng ABS-CBN. Ang di-pagbigay ng prangkisa sa network ay hindi lamang malaking banta sa kalayaan ng pamamahayag, nagresulta din ito sa kawalan ng hanapbuhay ng higit sa 11,000 katao, at kawalan ng akses sa telebisyon at radyo ang maraming lugar.
At, sa kabila ng pandemya at malawak na pagtutol ng sambayanan, naisabatas din ng maka-Duterteng pangkat sa Kongreso at Senado ang Anti-Terror Law. Namaniobra ang mabilis nitong pagpasa sa pamamagitan ng kagyat na pag-adopt ng bersyon ng Senado kahit pa hindi ito masusing napagdebatihan sa Kamara.
Ngunit tila mas matindi pa ang epekto kaysa sa Covid-19 ang pasistang atake ng rehimeng Duterte sa hanay ng mga aktibista.
Pinaigting ang kampanyang red-tagging laban sa mga personalidad ng oposisyon, kabilang ang Makabayan bloc at mga myembro at tagasuporta nito, at maging ang mga celebrities na nagsasalita hinggil sa kanilang diskuntento at pagkadismaya sa mga nasa kapangyarihan.
Ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ang naging daluyan ng propaganda at kampanya ng administrasyon laban sa mga aktibista, kritiko, at mga progresibo, at panakot sa mamamayang nais tumindig laban sa karahasan, korapyson, at kabulukan ng gobyernong Duterte.
Ginamit ng pamahalaan ang buong lakas nito upang madurog ang aming hanay. Malimit laman ng red-tagging mula Malacañang hanggang sa mga pinakamababang tagapagdura ng red-tagging ang Bayan Muna at mga representante nito.
Sa katunayan, ako at ang aking pamilya ay sinangkalan din ng administrayong sa mga red-tagging press conferences na ginagawa nito sa hatinggabi. Walang maibatong putik sa atin at sa ating partido, kaya patong-patong na kasinungalingan na lang ang pinukol sa amin.
Ganito katindi ang panunupil ang aming hinarap sa loob ng mga nagdaang mga taon.
Pagpatay, enforced disappearance, initimidasyon at pananakot, paninira, pandaraya, disimpormasyon, trumped-up charges, red-tagging, at, sa mundo ng internet, walang puknat na trolling at fake news — ang buong arsenal ng estado ay pinakawala nito laban sa Bayan Muna.
Ang resulta nito: sa unang pagkakataon matapos ang dalawampu’t isang taon, walang kinatawan ng Bayan Muna ang mauupo sa ika-19 na Kongreso.
Ang nakaraang eleksyon ay di maitatagong batbat o puno ng kapalpakan, iregularidad, pandaraya, vote-buying, disinformation, red-tagging at iba’t ibang pakana upang lituhin at lokohin ang taumbayan — hinding-hindi natin matatanggap ito bilang tunay na demokratiko at malinis!
Mga kapwa ko mambabatas, binaybay ko ang kasaysayan ng Bayan Muna at ang ating mga munting ambag sa partidong ito hindi dahil nagpapaalam tayo sa larangang ito ng pakikibaka.
Nais nating ipakita na ang maningning na mga tagumpay ng Bayan Muna at ang malinis nitong rekord sa paglilingkod ay hindi natalo o matatalo o mabubura ng isang eleksyon.
Ito ang pulitika ng pagbabago na karapat-dapat na matamasa ng sambayanang Pilipino. Ang hangaring ito ay buhay na buhay sa puso ng ating mga mamamayan.
Hindi nagapi ang Bayan Muna sa nagdaang halalan. Hindi ang isang maruming eleksyon ang kikitil sa partido ng mahihirap at api.
Nitong mga nagdaang mga araw, nasaksihan natin ang milyon-milyong Pilipino na lumalabas sa lansangan upang isulong ang tunaay na pagbabago at labanan ang panunumbalik ng pamilyang Marcos sa poder!
Marami ang namulat, marami ang napakilos. Ganito ang lakas na nagluklok sa Bayan Muna sa mga nagdaang taon — ang taumbayang uhaw sa pagbabago! Ang mulat na mamamayan din mismo ang magsusulong na pagbabalik ng kanilang partido sa darating na panahon.
Hindi pa tapos ang laban. Higit kailan man naghuhumiyaw pa rin ang makatwirang panawagan ng ating mga mahihirap at aping mamamayan na baguhin ang umiiral na mapang-aping sistema!
Sa bantang panunumbalik ng diktadurya at pagtutuloy ng tiraniya, makatwiran lalung higit ang tumindig at lumaban para sa interes ng ating mamamayan at bayan!
Kaya, tuloy pa rin ang laban! Bayan Muna, bago ang interes ng iilan! Bayan Muna, bago ang dayuhan!
At bilang panghuli, Kagalang-galang na Speaker, hayaan ninyong pasalamatan ko ng buong puso ang lahat na naging kasama at kaagapay natin sa loob ng tatlong termino dito sa Kamara de Representante, kung saan nabigyan tayo ng pambihirang pagkakataon na makapaglingkod sa ating mamamayan at bayan:
Sa mga kasapi, volunteers, organizers, liderato, mga kaibigan at tagasuporta ng Bayan Muna sa karangalan na maging kinatawan ng ating partido;
Sa aking mga chiefs of staff, sa mga legislative at buong staff ng Bayan Muna sa kanilang sakripisyo, walang pagiimbot na serbisyo at tapat na paglilingkod sa sambayanan;
Sa mga kapwa ko kinatawan at kasama sa Makabayan Bloc na patuloy at walang pag-aalinlangang tumindig at ipaglaban ang interes ng mamayan;
Sa mga kasamahan ko sa Minority Bloc sa inyong tiwala at pakikiisa;
Sa liderato ng Kamara at mga opisyales nito sa 16th, 17th at 18th Congress sa pagkakataon ng maisulong ang ating principled engagement na may pagrespeto sa ating independence and initiatives bilang progresibong mambabatas;
Sa mga kaibigan natin sa House Media sa kanilang coverages at patuloy na suporta;
Sa ating mga unsung heroes dito sa Kamara – ang ating mga kawani sa iba’t-ibang mga opisina, sa mga komite at dito sa plenaryo; at sa ating mga kasama at kaibigan sa south lounge;
At finally, sa aking pamilya at mga mahal sa buhay sa kanilang buong pagsuporta at walang katapusang pag-unawa at pakikiisa sa ating laban…
Sa inyong inyong lahat…Daghang salamat… Shukran… Thank you.
Hanggang sa muli … Bayan Muna, sa isip, sa salita at sa gawa!
Tuloy ang laban!
(MindaViews is the opinion section of MindaNews. The Davao City-based Bayan Muna Rep. Carlos Isagani T. Zarate is from General Santos City).
0 Comments