
Isa na namang balikbayan
ang laman ng kuwentuhan ng mga Marites—
Maingay ang mesa, parang piyestang sinalubong
ng tambol at trumpeta. Maraming handa—
mga handang tsismis na kung matitikman
ay may alat, pait, at tamis.
Ngunit nangibabaw ang alat at pait nito.
Nagsisiksikang impormasyon,
tila mga platong punĂ´ ng sari-saring kuwento.
At tila ba’y alam nila ang buong pagkatao
ng balikbayan at ang kapasidad nito.
Nakikipagtalastasan.
Nakikipagtagisan ng mga wikang pangmadla.
Pinagpipyestahan!
Kasabay nito,
ang mga Marites ay nabilaukan
nang may nagsabing:
“Hindi naman siya umuwi para sa inyo.
At higit sa lahat, siya ang gumastos sa mga kinain ninyo.”
Tumahimik ang mesa.
Tumigil ang kutsara’t tinidor sa ere.
At sa unang pagkakataon,
natikman nila ang alat ng spaghetti
at pait ng buko salad.
Jhon Steven C. Espenido writes from Surigao City.
0 Comments