TAUSUG IN DOHA: Pangarap, Paalam

TAUSUG

DOHA, Qatar (MindaNews / 26 June 2026) – Ang kuwento ni Rene Clert Baterbonia ay maihahambing sa kuwento ng bawat manggagawang Pilipino (OFW) na piniling lumayo sa sariling bayan, bagamat masakit at yakap ng kalungkutan ang bawat pag-alis, pinili pa rin nilang magpakatatag at lumaban upang maisakatuparan ang mga pangarap ng kanilang pamilya.

Piniling maging OFW nina nanay, tatay, ate, at kuya hindi lamang para sa kanilang sarili, kundi upang mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay, mapagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak o kapatid, at maitaguyod ang kanilang kinabukasan.

Nang magtungo si Rene sa Maynila mula sa kaniyang probinsiya upang mag-aral sa kolehiyo, nagsimula na rin muli ang kaniyang sariling pakikipagsapalaran. Sa unang hakbang pa lamang niya sa Maynila, pasan na niya hindi lamang ang sarili niyang mga pangarap kundi pati na rin ang mga pangarap ng kaniyang pamilya.

Sa pamamagitan ng kaniyang angking husay sa basketball, ginawa niya itong tulay upang masungkit ang kaniyang mga pangarap—hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi para rin sa kaniyang mga kapatid na lubos niyang minamahal at pinahahalagahan. 

Ginawa rin niyang daan ang kaniyang husay sa basketball upang magdala ng karangalan hindi lamang sa kaniyang pamilya kundi maging sa kaniyang bayang sinilangan. 

Sa kaniyang murang edad, ang pagmamahal sa kaniyang pamilya ang naging gabay niya sa bawat pangarap at pasyang kaniyang tinahak. Kilala siya bilang isang mabuting anak, mapagmahal na kapatid at kaibigan, at taong may malasakit sa kapuwa. Nagsumikap siya at nagsakripisyo para sa isang mas magandang bukas.

Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit ganoon na lamang ang pagluluksa ng napakaraming Pilipino, kabilang ang mga OFW, nang mabalita ang trahedyang kumitil sa buhay ni Rene. Marami man ang hindi siya personal na nakilala noon, naging malapit siya sa kanilang puso sa pamamagitan ng kaniyang kuwento. 

Bagamat maikli lamang ang kaniyang paglalakbay, nag-iwan naman ito ng maraming mahahalagang aral na mananatili sa puso ng marami—lalo na ang kaniyang wagas na pagmamahal sa kaniyang mga magulang at mga kapatid. Marami ang naantig sapagkat nakita nila rito ang repleksiyon ng sarili nilang buhay, mga pangarap, at mga sakripisyong ginagawa alang-alang sa kanilang pamilya. 

Katulad ng maraming OFW, inihatid din si Rene sa paliparan ng kaniyang mga mahal sa buhay. Sa bawat pag-alis ay may mga yakap, luha, at pangakong muling magkikita. Ang bawat pamamaalam ay may kasamang dasal at pag-asang sa susunod na pagsalubong sa paliparan ay kaligayahan, tagumpay, at ligtas na pagbabalik na ang kanilang ipagdiriwang.

Sa kasamaang-palad, tulad ng ilang OFW na umalis nang buhay ngunit umuwi sa sariling bayan na malamig na ang katawan, ganoon din ang sinapit ni Rene. Ang pagbabalik niya na dapat sana’y puno ng kagalakan ay nauwi sa isang dalamhating habambuhay nang papasanin ng kaniyang mga mahal sa buhay. 

Ramdam ko ang sakit ng mawalan ng isang kaibigan, lalo na kung itinuring mo na siyang tunay na kapatid. Mayroon akong kaibigan noong high school na para ko na ring kapatid. Nang mabalitaan kong pumanaw siya (Innā Lillāhi wa Innā Ilayhi Rāji’un), tila gumuho ang aking mundo. Hanggang ngayon, kahit ilang taon na ang lumipas, sariwa pa rin sa aking isip at puso ang kaniyang mga alaala.

Tunay na hindi lahat ng umaalis upang mangarap ay nagkakaroon ng pagkakataong makabalik nang buhay. Kaya sa bawat OFW, atleta, estudyante, o sinumang lumalayo upang itaguyod ang kinabukasan ng kanilang pamilya, nawa’y lagi nating alalahanin na sa likod ng bawat pangarap ay may mga pusong naghihintay sa kanilang ligtas na pagbabalik.

(MindaViews is the opinion section of MindaNews. Gamson Jr Mawallil Quijano of Sulu is a registered Radiologic Technologist who works in Doha, Qatar.)


0 Comments