‘Don’t worry! Jesus is there,’ bati ni Archbishop Jumoad sa bagong obispo ng Zamboanga

“Don’t worry! Jesus is there. This ministry belongs to God and we are just God’s instruments to accomplish his mission; give your best and God will carry you through,” ito ang bati ni Archbishop Martin Jumoad sa bagong auxiliary bishop ng Zamboanga na si Bishop Moises Cuevas.

Sa panayam ng Radio Veritas kay Archbishop Jumoad, sinabi nitong ang pagtanggap ni Bishop Cuevas sa misyong iniatang ng Simbahan ay paghahayag ng pagsunod at pakikiisa sa misyon ni Hesus.

“Congratulations and thank you for saying yes to become the Auxiliary Bishop of Zamboanga; your yes means accepting in helping Archbishop Romy de la Cruz in carrying the Cross of the Archdiocese,” ayon kay Archbishop Jumoad.



Pinawi ng arsobispo ang pangamba ni Bishop Cuevas sa bagong hamon na kahaharapin sapagkat kasama nito si Kristo sa bawat gawaing gagampanan sa arkidiyosesis.

Kasabay ng kapistahan ni Apostol San Bartolome nitong ika-24 ng Agosto ay pormal na itinalagang Auxiliary Bishop ng Zamboanga si Bishop Moises Cuevas na hinirang ni Pope Francis noong Marso.

Pinangunahan ni Archbishop Romulo Dela Cruz ang episcopal ordination kasama sina Archbishop Jumoad at Bishop Julius Tonel ng Ipil habang si Bishop Ronald Lunas naman ang nagbahagi ng pagninilay.

Paalala ni Archbishop Jumoad sa bagong obispo na instrumento lamang ng Panginoon ang mga pastol ng Simbahan upang ibahagi sa mananampalataya ang dakilang pag-ibig ng Diyos.

Bilin ng arsobispo kay Bishop Cuevas na patuloy manalangin at higit na magtiwala sa Panginoon sa paglilingkod sa kawan ng arkidiyosesis na tahanan ng mahigit sa kalahating milyong Katoliko.

Una nang humiling ng panalangin si Bishop Cuevas sa mananampalataya kaugnay sa panibagong misyong kakaharapin kasama si Archbishop Dela Cruz.

Mula sa ulat ng Radio Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments