Obispo ng Maynila nanawagan ng ‘lifestyle change’

Hinimok ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, ang mga mananampalataya na baguhin ang paraan ng pamumuhay ngayong panahon ng pandemya.

Ito ang panawagan ni Bishop Pabillo sa paggunita ng “Season of Creation” ngayong taon na naiiba dahil sa nararanasang krisis dulot ng Covid-19 pandemic.

Ayon sa obispo, nakasisira ang makamundong paraan ng pamumuhay ng bawat isa, partikular na ang konsyumerismo at materyalismo.



“Kasi untenable ang lifestyle natin,” aniya.

Hinikayat ng obispo ang mamamayan na bigyan ng panahon ang kalikasan upang makapagpahinga sa pamamagitan ng pagiging kuntento sa mga biyaya na ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.

“Kaya sana pumasok tayo sa tinatawag na ‘sapat-lifestyle.’ We can say, sapat na, ito lang, tama na ito. Masaya na kami sa mga bagay na ito at hindi kailangan na mag-accumulate ng mga bagay na pagkatapos ay itatapon din natin,” dagdag ni Bishop Pabillo.

Ipinagdiriwang ang “Season of Creation” mula unang araw ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre, kasabay ng kapistahan ni San Francisco ng Assisi.

Pinalawig hanggang ika-11 ng Oktubre ang selebrasyon sa taong ito upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples’ Sunday.

Ngayong taong 2020 ang ika-walong taon ng pagdiriwang ng “Season of Creation” sa Pilipinas, kasabay ang ika-limang taon ng World Day of Prayer for Care of Creation na idineklara ni Pope Francis tuwing unang araw ng Setyembre.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments