Kabataan hinimok na maging bahagi ng ‘social transformation’

Ipinaalala ng pangulo ng Episcopal Commission on Youth ng CBCP sa mga kabataan na maaari silang maging bayani sa simpleng pamamaraan.

Ito ang mensahe ni Bishop Rex Andrew Alarcon ng Daet, chairman ng kumisyon, sa mga kabataan sa paggunita ng National Heroes Day o Araw ng mga Bayani nitong Agosto 31.

Ayon sa obispo, higit na kinakailangan sa kasalukuyang panahon ang mga bayani na handang magsakripisyo o magpakamartir para sa kapakanan ng mas nakararami.



Nilinaw ni Bishop Alarcon na maging sa loob ng tahanan, eskuwelahan at pamayanan ay maaaring maging bayani ang mga kabataan sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili para sa kabutihan ng iba.

“We are called to be martyrs to make sacrifices for our family, to make sacrifices for our country, to make sacrifices for others … we need more than heroes, at ang bawat kabataan ay maaring maging bayani sa loob ng bahay, sa eskuwela, sa barkadahan,” ayon sa obispo.

Umaasa rin si Bishop Alarcon na sa paggunita ng bansa sa Araw ng mga Bayani ay muling mapag-alab sa puso at kamalayan ng mga Filipino, partikular ng mga kabataan, ang pagnanais na makatulong, makapag-ambag at maibahagi ang kanilang sarili para sa panlipunang pagbabago sa bansa.

Sinabi ng obispo na higit na kailangan ang tulong at pakikibahagi ng mga kabataan sa nararanasang krisis na dulot ng Covid-19 pandemic.

Tiniyak naman ng obispo ang pag-aalay ng panalangin sa mga kabataan na magkaroon ng tapang na isulong ang panlipunang pagbabago sa bansa.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments