Pinangunahan ni Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ng Novaliches at Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator ng Manila, ang pagbabasbas at pagbubukas ng proyekto ng Caritas Manila at Caritas Margins na Gen 129 o Caritas Green Evolution Plant Project noong ika-31 ng Agosto sa San Carlos Seminary sa Makati.
Inihayag ni Father Anton Pascual, Caritas Manila executive director, na layunin ng Gen129 na bigyang kahalagahan ang pagtatanim at pagkain ng mga gulay upang tugunan ang kakulangan sa pagkain, kawalan ng trabaho, at pagsusulong sa pangkalikasang adbokasiya ng Simbahan sa panahon ng pandemya.
Ayon kay Father Pascual, layunin ng proyekto ang itaas ang kamalayan ng sambayanan sa kahalagahan ng gulay sa ating buhay, “para ma-address natin yung food security.”
“May problema tayo sa pagkain sa susunod na mga dekada, kaya kailangang magtanim na tayo ng gulay,” pahayag ng pari.
“Mahalaga ang pagkain ng gulay para tayo’y maging malusog at malakas,” ayon kay Father Pascual. “Ngayong panahon ng pandemya mahalaga ang strong immune system, kaya para lumakas ang ating katawan, kumain tayo ng mas maraming gulay at prutas,” dagdag niya.
Ang Gen129 Project ay pakikiisa rin ng Simbahan sa pagdiriwang ng Season of Creation ngayong Setyembre.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments