Horror, Pantasya, at Lipunan, at ang koneksiyon nito sa isa’t isa

Minsan ba pakiramdam ninyo ay nasa fantasy story kayo, o ang masaklap pa nasa horror movie sa panahon ngayon?

Bukod sa pagkahumaling sa mga K-Drama, hindi rin naman nawawala ang pagmamahal ko sa iba pang palabas. Isa na rito ang gawang Pinoy—ang “Encantadia”. Sinubaybayan ko ito nang ipalabas noong 2005.

Dahil fantasy ang “Encantadia”, hindi lamang kakaibang mundo ang itinayo kundi nagkaroon din ito ng sariling lengguwáhe.



Ilan sa mga natatandaan kong salita ng “Encantadia” ay ang “acrimeya” (kaligtasan), “ashtadi” (pasaway), “avisala eshma” (maraming salamat), “avisala meiste” (paalam) at “Cassiopeia” (liwanag o umiilaw na Diwata sa dilim).

Pinakatumatak din sa akin ang salitang “pashnea” (hayop/animal) na laging sinasabi ni Danaya na binigyang buhay ni Diana Zubiri.

Kung susuriin natin ang “Encantadia”, tipikal lamang ang kuwento nito—may masama at mabuting namumuno. Walang pagkakaiba sa lipunang ating ginagalawan.

Larawan mula sa teleseryeng ‘Encantadia’

PEE MAK

Bukod sa Encantadia, isa pa sa natatandaan kong nagmarka sa aking isipan nang panoorin ko ay ang “Pee Mak” na isang Thai comedy-horror-romance. Ang naturang storya ay adaptation ng Mae Nak Phra Khanong legend ng Thai folklore.

Matindi ang emosyong ipadarama sa iyo ng “Pee Mak”. Iyong tipong tawa ka nang tawa tapos bigla ka na lang matatakot at maiiyak. Mga emosyong magkakasunod o kung minsan pa ay sabay-sabay mong madarama.

Umiikot ang kuwento nang umuwi si Mak na ginampanan ni Mario Maurer kasama ang apat niyang comrades. Inimbitahan ni Mak ang apat na kasama para ipakilala sa asawa at anak.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, patay na ang mag-ina ni Mak.

Naging matagumpay ang pagtatangka ng cast ng “Pee Mak” na iparamdam ang iba’t ibang emosyon sa mga manonood.

May lalim din itong hatid. May ipinakikita itong katotohanan na kapag hindi mo ibinuka ang iyong mga pandama, wala kang malalaman.

Dala na rin ng sakit na kinahaharap, madalas ay ayaw nating tanggapin ang katotohanan. Kagaya ni Mak, itinatakwil niya sa isip na wala na ang kanyang mag-ina.

Oo nga’t may mga pagkakataong matatawa ka sa akto ng mga karakter sa “Pee Mak”, gaya ng pagtingin ng pabaliktad sa pagitan ng mga binti nang makita ang katotohanan.

Kung sa palabas, malalaman nila kung multo o hindi ang isang akto sa pamamagitan ng pagtingin ng pabaliktad, sa panahon ngayon ay kailangan naman nating magising sa matagal na nating pagkakaidlip. Tama na ang pagbubulag-bulagan. 

Tama na ang ilusyon nating nasa maayos ang lagay ng bansa.

Tama na ang pantasya nating may malasakit ang nakaupo sa tungkulin.

Gaya ni Mak, nakakatakot mang alamin ang katotohanan pero kailangan pa rin nating magpakatapang at harapin ang mga ito.

Matindi ang emosyong ipadarama sa iyo ng “Pee Mak”. Iyong tipong tawa ka nang tawa tapos bigla ka na lang matatakot at maiiyak. (Larawan mula sa Netflix)

A TALE OF TWO SISTERS

Dalawang beses kong pinanood ang “A Tale of Two Sisters” na isa namang South Korean psychological drama film. Sa computer pa kami nanonood noon. DVD rin ang gamit namin. Hindi pa uso ang Netflix o Torrent.

Noong una kong pinanood ang naturang palabas, nagandahan na ako. Pero mayroong mga maliliit na detalyeng hindi gaanong naging malinaw sa akin. Kaya’t inulit ko ang panonood nito.

Sa ikalawang pagsubaybay, unti-unting luminaw ang lahat.  Lalo kong naintindihan ang sentimyento ng palabas.  Lalo kong nakita ang ipinahihiwatig ng istorya.

Sa palabas na ito, hindi lamang tapang mo ang susubukin kundi maging ang talas ng iyong isipan. Matindi ang twist nito na kung babagal-bagal ang utak mo, wala kang maaabutan.

Emosyonal ang “A Tale of Two Sisters”. Kuwento ito ng isang pamilya: ama, stepmother, anak na may problema sa pag-iisip.

Sa simula, maiisip mong baka nga gawa-gawa lang ni Su-mi ang mga nakikita niya at nangyayari lalo na’t siya lang ang nakakakita sa kapatid na si Su-yeon. Na matagal na palang patay ngunit nananatili sa isipan ni Su-mi.

Sa tindi ng twist ng movie, ang ending pa rin nito ay ang pagbalik ni Su-mi sa mental health facility.

Parang bansa lang din, tila may sakit na rin pag-iisip at wala yatang paraang maagapan.

Emosyonal ang “A Tale of Two Sisters”. Kuwento ito ng isang pamilya: ama, stepmother, anak na may problema sa pag-iisip.

KONEKSIYON SA LIPUNAN

Sa hindi mabilang na mga pinanood kong palabas na may iba’t ibang genre, itong tatlong ito: “Encantadia”, “Pee Mak” at “A Tale of Two Sisters”—ang nakitaan ko ng koneksiyon sa hagupit na kinahaharap natin sa panahon ngayon.

Gaya ng “Encantadia”, inaasam nating sana ay magkaroon ng pantasya o may mangyaring kababalaghan nang masilayan naman natin ang katiwasayan. Sana kagaya ng naturang palabas, manaig din ang kabutihan.

Sa Thai comedy-horror-romance movie naman na “Pee Mak”, sabihin mang abot-langit ang pagmamahal ni Mak sa asawang si Nak at sa anak nila, pinili pa rin niyang imulat ang mga mata at alamin ang katotohanan.

Ipinakita naman sa “A Tales of Two Sisters” ang isang kondisyong gawa-gawa lang. Isang babaeng nagtatago sa emosyon. Naghahanap ng masisisi sa pinagdaraanan.

Parang tayo lang, isinisisi natin sa iba ang kinahaharap na problema ng lipunan. Dahil ayaw tanggapin ang pagkakamali, naghahanap ng ibang mapagbubuntunan.

Takot umamin sa pagkakamali.

Sabihin man nating kathang-isip ang bawat palabas, hindi pa rin natin maitatangging buháy ito at may koneksiyon kung paano natin binubúhay ang pananatili natin sa mundo.

Kung paano natin tingnan ang mga kinahihiligang palabas, ganoon din natin himayin ang mga nangyayari sa lipunan. Subukan nating tanggalin ang dilim na bumabalot sa mundong ginagalawan.

Hindi madali ang magdesisyon lalo’t alam nating malaki ang porsiyentong masaktan sa katotohanang haharap sa atin. Gayunpaman, mas nakakatakot ang multuhin tayo ng katotohanan.

Mas kakutya-kutya kapag ipinakita na ang dapat pero ayaw pang makita.   

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments