Imahe ng Our Lady of Peñafrancia ipaparada sa Maynila sa Sept 19

Ipaparada ang imahe ng Mahal na Ina ng Peñafrancia sa Sampaloc, Maynila, sa Setyembre 19.

Ito ang sinabi ng Most Holy Trinity Parish sa Balic-Balic sa Sampaloc nang binasbasan ni Archbishop Rolando Tria Tirona ng Caceres ang imahe nitong linggo.

Nakatakdang isasagawa ang pagsungko sa parokya ng Most Holy Trinity kung saan magkakaroon ng motorcade sa buong Sampaloc mula ala-una hanggang alas-singko ng hapon.



Ang naturang gawain ay sa inisyatibo ng Most Holy Trinity Parish sa pangunguna ng kura paroko na si Father Eric Adoviso katuwang ang mga Bicolanong pari, seminarista, at mga dating seminarista.

Naging posible rin ang gawain sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng Department of Interior and Local Government.

“As we bless this image of Our Blessed Mother, we pray and remember as well the Christian Parish Community of the Most Holy Trinity Parish in Balic-Balic, Sampaloc,” bahagi ng mensahe ni Archbishop Tirona.

Nagpaabot naman ng pagbati si Monsignor Noe Badiola, Naga Metropolitan Cathedral rector and parish priest, sa mga kinatawan ng Most Holy Trinity Parish sa Balic-Balic na magsusundo sa imahe mula sa Naga City.

Dasal ng pari na nawa, tulad ng mga Bicolanong mananampalataya, ay ganap rin na mapalalim ng imahe ng Mahal na Ina ng Peñafrancia ang debosyon at pananampalataya ng mga mananampalataya ng Most Holy Trinity parish.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments