Mga opisyal ng pamahalaan, ‘di dapat maging balat-sibuyas

Bishop Broderick Pabillo

Hindi dapat magiging balat-sibuyas ang mga opisyal ng pamahalaan sa mga puna galing sa mga lider ng Simbahan.

Ito ang pahayag ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, sa ginanap na “healing Mass” sa Veritas.

Ang pagpuna at pagtatama sa mga pagkakamali ay isang pagpapahayag ng pagmamahal sa kapwa, ayon sa obispo.



Sa homiliya ni Bishop Pabillo, ipinaliwanag niya na ang pagsasalita at pagtutuwid ng Simbahan sa mga maling nagaganap sa lipunan ay bunga ng malalim na pagmamahal sa bayan.

Sinabi ng obispo na tungkulin ng Simbahan na pigilang malugmok sa kasamaan at kahirapan mula sa mga katiwalian at maling paraan ng pamahahala ang bansa.

“We help one another to grow, that’s why to correct is to love, correcting is a manifestation of love gayundin sa lipunan, kaya ang tanong natin sa simula bakit nagsasalita ang Simbahan?” ayon kay Bishop Pabillo.

“Bakit pumupuna ang Simbahan? Ito ay dahil sa pagmamahal, mahal natin ang bayan ayaw natin na ito ay malugmok sa kasamaan kaya pinupuna natin ang mga katiwalian na makasasama sa bayan,” dagdag ng obispo.

Binigyang diin di ng obispo na hindi dapat maging balat-sibuyas o masamain ng mga halal na opisyal ng pamahalaan ang mga puna at pagtutuwid ng iba’t ibang sektor ng lipunan para matiyak ang kapakanan at kabutihan ng sambayanan.

Nilinaw ni Bishop Pabillo na may karapatan ang mga mamamayan na ipahayag ang kanilang mga saloobin sa mga maling pamamahala sa bansa.

Hinikayat naman ng obispo ang bawat isa na huwag matakot magsalita at magpahayag ng mga saloobin upang maituwid ang mga maling gawi ng kapwa at maging ng pamahalaan.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments