Mga simbahan sa Maynila, bukas na sa Misa, Sacrament of Confession

Matapos ang anim na buwang pagpapatupad ng community quarantine dahil sa coronavirus pandemic, binuksan na ng Archdiocese of Manila ang lahat ng simbahan para sa Sacrament of Reconciliation o Sacrament of Confession.

Hinimok ni Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila, ang mga mananampalataya na tumungo sa mga simbahan para mangumpisal.

Samanatala, hinimok ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na patuloy magtiwala sa Panginoon sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap dulot ng krisis pangkalusugan.



Ayon kay Bishop Mylo Hubert Vergara ng Pasig, marapat na tularan ang Mahal na Birheng Maria na buong kababaang loob na tinanggap ang maging Ina ng Anak ng Diyos sa kabila ng mga takot at pangamba.

Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Ina nitong ikawalo ng Setyembre.

Ipinaalala ng Obispo sa bawat isa na maging matatag sa pagharap sa hamon ng buhay.

“Sa gitna ng pandemya marami ang nangangamba, may matitinding takot ngunit sa lahat ng iyan ay panghawakan natin ang pananalig at pagtitiwala sa Diyos — na hindi tayo pababayaan ni Hesus,” pahayag ni Bishop Vergara sa Radio Veritas.

Partikular na tinukoy ng obispo ang mga frontliner sa lipunan na puno rin ng pangamba sa sariling kaligtasan mula sa nakahahawang sakit at ang pagkasabik na makapiling ang pamilya.

Dahil dito hinimok ni Bishop Vergara ang mamamayan na ipagdasal ang mga medical at service frontliner upang maibsan ang kanilang nararamdamang takot at pagod sa paglilingkod sa mamamayan.

Ikinagalak naman ng obispo ang muling pagbubukas ng Immaculate Conception Cathedral sa Pasig sa mismong kaarawan ng Mahal na Birheng Maria.

“Nagagalak kami unang-una kapag sinabi nating pagdiriwang ng pagsilang; ng kaarawan ay signal po yan ng bagong buhay at simula,” dagdag pa ni Bishop Vergara.

Magugunitang isinara sa publiko ang naturang simbahan nang sumailalim sa preventive quarantine ang lahat ng kawani makaraang magpositibo sa corona virus si Father Bernardo Carpio, ang parochial vicar ng katedral.

Tiniyak ni Bishop Vergara na mahigpit ang pagpapatupad ng cathedral ng safety health protocols sa loob ng simbahan.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments