Ipagdasal ang kaluluwa ng mga namayapa sa tahanan, simbahan

Nilinaw ni Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator ng Maynila, na hindi naman ipinagbabawal ang pagbisita ng publiko sa mga sementeryo.

Ayon kay Bishop Pabillo, ang iniiwasan ay ang pagdagsa ng mga tao sa mga puntod dahil sa panganib ng new coronavirus disease.

Panawagan ng obispo sa mga mananampalataya na alalahanin ang mga namayapa kahit hindi man magtungo sa mga puntod.



“Kahit na hindi kayo makabisita sa sementeryo, tandaan natin na ang mas mahalaga ay ang maalaala yung mga namatay at saka ipagdasal sila,” ayon sa obispo.

Paliwanag ng obispo na ang pag-alaala at pag-aalay ng panalangin para sa mga namayapa ay maaring isagawa sa bawat tahanan gayundin sa parokya.

Dagdag pa ni Bishop Pabillo, maari pa rin namang pumunta sa mga puntod bagama’t dapat hindi ito isasagawa ng sabay-sabay upang maiwasan ang maraming mga tao.

Giit ng obispo na maari rin namang isagawa ang pananalangin para sa mga kaluluwa sa bahay bilang pagtiyak sa kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Manila Mayor Francisco Domagoso sa mamamayan na pansamantalang isasara ang mga sementeryo ng lungsod tulad ng Manila North Cemetery mula sa ika-31 ng Oktubre hanggang ikatlo ng Nobyembre upang maiwasan ang dagsa ng mga tao.

Tinatayang may 16 na sementeryo sa Metro Manila kabilang na dito ang apat na malalaking sementeryo sa lungsod sa Maynila.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments