Nagpadala ang Caritas Manila ng US$5,000 bilang tulong pinansyal para sa Lebanon matapos ang mapaminsalang pagsabog sa pantalan ng Beirut noong Agosto kung saan halos 200 katao ang nasawi at mahigit 6,000 sugatan.
Ito ay bilang tugon sa panawagan ng Caritas Internationalis sa iba’t-ibang Caritas organizations sa buong mundo sa layuning makatulong sa pagbangon ng mamamayan ng Lebanon.
Sa sulat na ipinadala ng Caritas Manila sa Caritas Internationalis, inihayag nito ang pakikidalamhati at kagustuhan na makatulong sa mga naapektuhan ng pagsabog lalu’t naganap ang insidente kasabay ng kasalukuyang krisis ng buong mundo sa banta ng pandemya.
Sa ulat, labis na napinsala ang pantalan sa Beirut matapos sumabog ang mga nakaimbak na ammonium nitrate.
Tinatayang umabot sa 300,000 katao ang nawalan ng tahanan habang humigit kumulang 10 hanggang 15 bilyong piso ang halaga ng pinsala.
Sa kabila nito, patuloy naman ang Caritas Manila sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Filipinong naapektuhan ng krisis dulot ng pandemya.
Sa pinaka-huling update ng social action arm ng Archdiocese of Manila umabot na sa 9.4 milyong indibidwal o 1.8 milyong pamilya ang natulungan ng Caritas Manila magmula noong magpatupad ng mga community quarantine sa bansa.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments