Isabuhay ang halimbawa ni Padre Pio, hamon ng Simbahan sa mananampalataya

Hinikayat ng opisyal ng health ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na isabuhay ang mga halimbawa ni Padre Pio ng Pietrelcina.

Umaasa si Father Rodolfo Vicente Cancino, MI, executive secretary ng Episcopal Commission on Health Care, na hindi mahihinto ang mga tao sa pagiging deboto lamang ni Padre Pio kundi mas mahalagang tularan ang pamumuhay ng santo.

“Nawa ngayong kapistahan ni Padre Pio, hindi lang ito debosyon kundi isabuhay din natin [ang kanyang mga gawi]; hilingin kay Padre Pio na tulungan tayong isabuhay ang katotohanan at ang totoong tiwala sa Diyos,” bahagi ng pagninilay ni Father Cancino.



Sabi ng pari, hinamon ang buhay ni Padre Pio, nagkasakit, itinatwa at hindi pinaniniwalaan subalit nanatiling kumakapit at naninindigan sa katotohanang dulot ng Panginoon sa kanyang buhay.

Sinabi ni Father Cancino na ito rin ang hamon sa bawat isa lalo ngayong panahon ng pandemya kung saan sinusubok ang katatagan ng pananalig sa Diyos.

Umaasa ang pari na tulad ni Padre Pio ay piliin ng tao ang manindigan sa kaligtasang dala ni Kristo sa sanlibutan.

Binigyang diin ng pari na ang salita ng Diyos ang nagpapatatag sa kalooban at sa buong katauhan at pinakamabisang sandata laban sa anumang hamon sa buhay.

Ikinalungkot naman ni Father Cancino na sa kabila ng maraming deboto ni Padre Pio ay kakaunti lamang ang nagsasabuhay ng kanyang mga halimbawa.

Ngayong taon ay ginugunita ng Simbahang Katolika ang ika-52 anibersaryo ng kamatayan ng santo.

Noong 2018 ay dinala sa bansa ang “incorrupt heart relic” ni Padre Pio mula sa San Giovanni Rotondo sa Italya at binisita ang ilang simbahan sa Pilipinas.

Hinamon ni Father Cancino ang mamamayan na ipahayag ang salita ng Diyos nang may kababaang loob tulad ni Padre Pio.

“Tulad ni Padre Pio humawak tayo sa Salita ng Diyos, ipahayag natin ito sa lahat ng dako ng mundo, ipahayag natin ito sa ating pamumuhay sa araw-araw; simple, ordinaryo subalit nagluluningning na katotohanan at tiwala sa Diyos,” ayon sa pari.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments