Nagsisimula nang bumalik ang mga trabaho at turista sa Roma, Italya, sa kabila ng patuloy na banta ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Father Gregory Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filippino, balik trabaho na maging ang mga Filipino.
“Nakakabalik na sa trabaho (ang mga Filipino) sa mga employer nila…. Hindi kagaya noon na mas madali, ngayon nag-iingat pa rin lahat,” ayon kay Father Gaston.
Nagtala ng pinakaraming bagong kaso ng coronavirus sa Roma, na umabot sa 141, na iniuugnay sa pagbabalik bansa ng mga nagbakasyong Italyano noong Hulyo hanggang Setyembre.
“Siguro huwag lang tayong matakot, kundi mag-ingat tayo,” ayon sa pari.
Sa pag-iral ng new normal ay patuloy ang pag-iingat ng lahat laban sa sakit sa pamamagitan ng pagsusuot ng facemask at pag-aagwat ng distansya lalu na sa mga matataong lugar.
Tiniyak naman ni Father Gaston na nanatiling ligtas ang mga pari sa Pontificio Collegio Filippino mula sa nakakahawang sakit.
“Salamat din sa inyong dasal para dito sa Collegio Filippino, okay kami lahat dito walang nagkakasakit at sa tulong at awa ng Panginoon at sa inyong dasal din ay makapagsimula ng bagong taon ng school year itong August,” dagdag pa ni Father Gaston.
Magugunitang matapos magpositibo sa COVID-19 si Cardinal Luis Antonio Tagle nang dumating sa Pilipinas ay isinailalim sa swab test ang lahat ng pari at kawani ng Pontificio Collegio Filipino na naging negatibo sa pagsusuri.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments