Nagpahayag ng pagsuporta si Bishop Pablo Virgilio David, acting president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, sa inisyatiba ng Caritas Manila na bumuo ng kooperatiba para sa mga jeepney driver.
Ayon sa obispo, mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagkakaroon ng kabuhayan ng mamamayan lalo na ang mga sektor na lubos na naapektuhan ng pandemya.
“Ang ganda ng panukalang kooperatiba para sa mga jeepney driver. Palagay ko malayong-malayo ang mararating nun,” pahayag ni Bishop David.
Nitong Setyembre 11, muling namahagi ng tulong ang Caritas Manila, sa pakikipagtulungan ng Caritas Kaloocan, sa mahigit 300 jeepney drivers bilang pagpapatuloy sa paglingap sa mga nasa sektor ng transportasyon na nawalan ng pagkakitaan.
Ikinatuwa rin ni Bishop David ang binabalak ng Caritas Manila na tulungan ang mga anak ng jeepney drivers na makapag-aral sa pamamagitan ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP.
Inihayag ng obispo na higit na mahalaga na bukod sa pansamantalang ayuda ng pagkain ay matutulungan din ng Simbahan ang kabuhayan at maging ang edukasyon ng kabataan.
Pinaalalahanan ni Bishop David ang mga tsuper na huwag mag-atubiling lumapit sa Simbahan at hinikayat na paigtingin ang pananalangin na matapos na ang pandemya upang manumbalik na sa normal ang pamayanan.
Target ng Caritas Manila na abutin ang sampung libong jeepney drivers sa Kalakhang Maynila upang lingapin at mabigyan ng paunang tulong na mga pagkain.
Source: Licas Philippines
0 Comments