Maging responsableng katiwala ng kalikasan

Nanawagan ang obispo ng Diocese of Cubao sa Kalakhang Maynila sa mananampalataya na maging responsableng katiwala ng kalikasan.

Pormal na inilunsad ang pagdiriwang ng Season of Creation 2020 nitong Setyembre 1 kasabay ng pagdiriwang ng World Day of Prayer for Care of Creation.

Pinangunahan ni Bishop Honesto Ongtioco ng Cubao ang pagsisimula ng Season of Creation.

Sa panayam ng Veritas 846, sinabi ng obispo na isang hamon para sa lahat ang maging responsableng katiwala ng kalikasan na ating iisang tahanan.



Ayon sa obispo, itinuturo ng nararanasang pandemya ang kahalagahan ng pakikipagka-isa para sa lahat hindi lamang sa usaping pangkalikasan kundi maging sa pantay na katarungan para sa lahat.

“Ito ang malaking hamon sa ating lahat. Magkaisa tayo, harapin itong ating paninira …. ‘Yung pagpapagaling sa sakit ng pandemya at iba’t ibang sakit sa buong mundo na sinisira ang kalikasan, ay nasa atin,” pahayag ni Bishop Ongtioco.

“Ang hamon, magkaisa tayo para mapaghilom itong mga nagawa nating paninira sa kalikasan ng Diyos,” dagdag ng obispo.

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Season of Creation, pinangunahan naman ni Bishop Broderick Pabillo ng Maynila ang Banal na Misa sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion.

Sa kanyang mensahe, ipinaalala ng obispo na kung hindi tayo magsasama-sama at kikilos bilang iisang nilikha, ay hindi natin matutugunan ang suliraning pangkalikasan.

Hinimok ng obispo ang mga mananampalataya na magbago ng paraan ng pamumuhay ngayong panahon ng pandemya at sa halip ay pahalagahan ang mga bagay na mayroon tayo.

Hinikayat ng obispo ang mga tao na bigyan ng panahon ang kalikasan upang makapagpahinga sa pamamagitan ng pagiging kuntento sa mga biyaya na ipinagkaloob ng Panginoon.

Ipinagdiriwang ang Season of Creation mula unang araw ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre, kasabay ng kapistahan ni San Francisco ng Assisi. Pinalawig ang selebrasyon hanggang ika-11 ng Oktubre upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples’ Sunday.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments